Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Marami ang nagaganap na pagbabago sa katawan ng isang mom-to-be sa simula pa lamang ng pagbubuntis dahil din sa pagbabago ng kaniyang hormones. Isa sa karaniwang problema ng mga buntis ay ang pagsakit ng ngipin.
Habang lumalaki rin ang baby sa iyong sinapupunan, patuloy ang pagtaas ng iyong hormone level na nagdudulot ng mga dental problem. Kaya mainam na malaman ang home remedy sa sakit ng ngipin ng buntis, lalo na kung hindi pa makapunta sa dentista.
Nagdudulot ng problema sa oral health ang pregnancy hormones, ayon sa Johns Hopkins Medicine. Ikinababahala rin ito ng mga buntis dahil hindi basta ang sakit sa ngipin na tiyak na nakapagdudulot ng discomfort sa kanila. Inaalala rin nila ang gamot na iinumin o kung kailangang bunutin ang sumasakit na ngipin.
(Basahin dito kung totoo bang nakakasira ng ngipin ang pagbubuntis.)
Mga sanhi ng pananakit ng ngipin ng buntis
Sabi nila kapag daw nabuntis ka, normal daw na magdurugo ang iyong gums o gilagid. Bahagi raw ito sa sintomas ng pagbubuntis. Bukod pa rito, marami rin ang nagsasabi na maaaring mabungi ka o mabawasan ang ngipin mo sa pagbubuntis. Kaya pag buntis, kinakailangan din ang pag-inom ng calcium para sa iyong katawan at suportahan ang iyong lumalaking sanggol.
Pero bakit nga ba nararanasan ng mga mom-to-be ang problema sa ngipin sa panahon ng kanilang pagbubuntis?
Morning sickness
Sa first trimester ng pagbubuntis, kabilang sa karaniwang sintomas ang pagduduwal o pagsusuka. Kaya mahalaga ang pagsesepilyo o pananatili ng oral hygiene. Dahil nakatutulong ito para maalis ang acid na nagdudulot ng pagkasira ng ngipin. Kung hindi, maaaring masisira ang enamel na magdulot ng pagsakit ng ngipin dahil na rin sa sensitivity at mga cavity.
Plaque buildup
Isa sa pagbabago sa katawan ng buntis ang pagtaas ng estrogen at progesterone level na nagdudulot ng sintomas ng pagkahilo at pagduduwal. Ang ganitong mga pagbabago ay maaaring magdulot ng mga dental plaque. Kapag napabayaan ito, maaaring mauwi sa pagkakaroon ng tooth decay o pagkasira ng ngipin.
Gum disease
Dahil pa rin sa pagbabago sa hormones, malaki ang posibilidad na maranasan ang gingivitis. Ang pagkakaroon ng mga plaque ay pinag-uugatan ng pagdurugo ng galagid at pamamaga nito. Halos maraming buntis ang nakararanas nito ng ganitong kondisyon sa panahon ng kanilang pagbubuntis.
Home remedy sa sakit ng ngipin ng buntis
Kapag sakit ng ngipin ang pag-uusapan, ang unang maiisip talaga ng Pinoy na panggamot ay pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin. Nakatutulong ang tubig na may asin bilang natural na disinfectant. Nakatutulong din ito na maalis ang mga naipong tinga na naiwan sa pagitan ng mga ngipin.
Bukod dito, marami pang ibang home remedies na maaaring subukan na safe para sa buntis. Pero ang pinakamainam pa rin talaga ang pagpapakonsulta sa dentista lalo na kapag sobrang sakit na at hindi na kaya ang sintomas na nararamdaman.
Kung sakali na kokonsulta sa dentista, mahalagang ipaalam na ikaw ay buntis para maibigay ang tamang gamutan na hindi maapektuhan ang iyong baby.
Gayunpaman, kung medyo kaya pa ang sakit na nararamdaman, maaaring subukin ang iba pang home remedy na ito.
1. Magtunaw ng isang kutsaritang baking soda sa tubig.
Pagkatapos na magduwal o sumuka, imumog ang tubig na may halong baking soda para maalis at mabalanse ang acid sa iyong bibig.
2. Magdikdik ng bawang at itapal sa sumasakit na ngipin
Taglay ng bawang ang antibacterial properties na pumapatay sa mga bakterya kaya magsisilbi itong pain reliever sa sakit ng ngipin.
3. Maglagay ng kaunting vanilla extract sa bulak at ipasok sa sumasakit na ngipin.
Napatunayang may antioxidant properties ang vanilla extract na epektibong pantanggap sa pag-alis ng sakit. Tiyakin lamang na totoong vanilla extract ang gagamitin.
4. Ngumuya ng sariwang dahon ng bayabas o magmumog ng pinakuluang dahon nito.
Magdikdik ng dahon ng bayabas at pakuluan. Bahagyang palamigin saka imumog ito. May taglay na anti-inflammatory properties at anti-microbial na nakatutulong para mawala ang pamamaga ng ngipin o sakit na nararamdaman.
5. Ilagay o itapal sa sumasakit na ngipin ang ginamit na peppermint tea bags.
Bahagyang palamigin ang ginamit na tea bag bago ito ilapat sa bahaging apektado. Ginagamit ito para sa mawala ang sakit at maibsan ang pamamaga ng mga galagid. Puwede rin itong gawin na malamig. Ilagay lang ang gamit nang tea bag sa freezer para palamigin saka iaplay sa bahaging apektado.
6. Maghalo ng 3 % ng hydrogen peroxide sa 3% din na dami ng tubig.
Gamitin itong mouthwash. Huwag na huwag lulunukin. Nakatutulong ang hydrogen peroxide sa pag-alis ng kirot at pamamaga.
7. Maghalo ng clove oil sa sunflower o jojoba oil at ipasak sa sumasakit na ngipin.
Matagal na ring ginagamit ang clove na gamot sa sakit ng ngipin. Maglagay lang nito sa bulak saka ilapat sa bahaging apektado. Gawin ito ng ilang beses sa isang araw. Puwede ring maghalo ng clove oil sa baso ng tubig at imumog ito.
8. Maglagay ng cold compress kapag may papamaga sa panga o pisngi.
Ibalot lang ang piraso ng yelo sa bimpo at idikit ito sa parte ng mukha kung saan sumasakit ang ngipin. Nakatutulong ito para bahagyang maibsan ang kirot na nararamdaman at umimpis ang pamamaga.
Pag-iwas sa dental problems habang buntis
Kahit bago ang pagbubuntis, makaiiwas sa anong problema sa ngipin kung napananatili ang maayos na oral hygiene. Narito ang ilang tips na maaari ding gawin:
1. Kumain ng masusustansiyang pagkain gaya ng prutas, mani, gulay, dairy products, at gatas. Tiyakin na ang mga kinakain ay mayaman sa calcium, iron, vitamin D3 at ibang mahahalagang nutisyong kinakailangan ng isang buntis.
2. Panatilihin ang maayos at regular na oral hygiene. Magsepilyo nang 2 beses sa isang araw na may tamang paraan ng pagsesepilyo. Huwag masyadong madiin sa pagsesepilyo na magdudulot ng pagdurugo ng gums. Makatutulong ang paggamit muna ng floss para maalis ang mga tinga o nakasingit sa ngipin bago ang pagsesepilyo.
3. Uminom ng maraming tubig para manatiling hydrated. Bukod sa fluoride, napalalakas din ng tubig ang ngipin at naiiwasan ang pagkasira nito.
4. Huwag basta bibili ng mga over-the-counter na gamot para sa sakit ng ngipin. Mahalagang komunsulta muna sa iyong doktor bago uminom ng anumang gamot.
Mahalaga rin na dapat maunawaan ng buntis kung paano nadedebelop ang mga cavity. Ito ay ang paggamit ng bakterya sa iyong bibig sa sugar at carbs ng iyong kinakain para mag-prodyus ng mga acid at ang pagsira ng enamel sa iyong ngipin dahil sa mga acid na ito na nagdudulot ng mga cavity.
Kaya naman dapat na bawasan din ang pagkain ng matatamis. Sa panahon ng iyong pagbubuntis, mahalaga rin talaga ang bumisita sa dentista. Hindi naman ipinagbabawal ng mga ob-gyn ang pagpapalinis ng ngipin ng mga buntis. Sa katunayan, isa nga ito sa kanilang ipinapayo nila kahit sa pagsisimula pa lamang ng pagbubuntis.
Kung buntis naman at may braces, mas mahalaga ang magpatingin sa iyong dentista para sa alam mong dapat ding gawin. Bukod sa pag-inom ng gamot sa sakit ng ngipin, isa pa ring banta sa pagkakaroon ng problema sa ngipin ang paggamit ng anesthesia lalo na ang pagsasagawa ng X-ray. Maaaring ipagpaliban ng dentista mo ito upang mapangalagaan din ang iyong baby sa pagkaka-expose sa radiation.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Oral Health During Pregnancy
Pregnancy and Oral Health
---
Basahin dito kung pwede bang magpabunot ng ngipin ang buntis.