
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kabilang ang diabetes sa mga pangkaraniwan at seryosong sakit sa buong mundo. Marami itong hatid na kumplikasyon, tulad kapag nasugatan, lalo na sa paa. Mahirap itong gumaling, kaya payo ng mga doktor na ibayong pag-iingat ang gawin nang hindi umasa sa gamot sa sugat sa paa ng diabetic.
Mga dapat malaman tungkol sa diabetes
Ang diabetes mellitus, na mas kilala sa tawag na diabetes, ay isang grupo ng mga disorder o sakit sa endocrine system. Taglay ng endocrine system ang glands na gumagawa ng hormones, gaya ng insulin.
Kapag nagkukulang o kaya hindi nagre-respond ang katawan sa insulin, na nanggagaling sa lapay (pancreas), nagkakaroon ng sakit na diabetes. Masyado tuloy tumataas ang level ng glucose, na tinatawag ding blood sugar. Kung hindi maagapan, puwedeng magdulot ang diabetes ng mga serious health issue, kasama na ang mga sakit sa puso at nerve damage.
Dagdag pa sa health issues ang tinatawag na diabetic foot ulcer. Isa itong sugat (open sore o wound) na umaatake sa 15 percent ng mga pasyente at karaniwang apektado ang ilalim ng paa. Ito ay ayon sa American Podiatric Medical Association (APMA).
Tinatayang 6 percent ng mga nagkakaroon ng diabetic foot ulcer ay nao-ospital dahil sa infection o iba pang kumplikasyon. Mula 14 hanggang 24 percent ng mga pasyente naman ang nangangailangan ng operasyon para maputol (amputation) ang apektadong paa.
Mga posibleng dahilan ng sugat sa paa ng diabetic
Maaaring magkaroon ng diabetic foot ulcer ang sinumang may sakit ng diabetes, ayon pa sa APMA. Sanhi raw ito ng ilang factors, tulad ng:
- Pagiging manhid o hindi makaramdam ng paa
- Hindi magandang sirkulasyon ng dugo
- Mga deformity sa paa
- Iritasyon mula sa friction, pressure, at iba pang bagay
- Pagkakaroon ng trauma
- Nerve damage na sanhi ng pagkawala ng abilidad na makaramdam ng kirot (neuropathy)
Gumagrabe ang kalagayan ng sugat ng diabetic kung meron ding sakit sa puso o vascular diseases. Napapababa raw kasi nito ang abilidad ng katawan na magpagaling at napapataas naman ang panganib sa infection.
Mga paraan para maiwasan ang sugat sa paa ng diabetic
Ang magandang balita, maaaring maiwasan ang diabetic foot ulcer upang maiwasan din ang amputation. Sabi nga ni Dr. Pete de la Pena, isang espesyalista sa endocrinology at internal medicine, posibleng bumaba ang tyansa hanggang 85 percent.
Nagbigay ng paliwanag si Dr. De la Pena sa kanyang artikulo para sa Hormone Hotspots section ng website ng Philippine Society of Endocrinology, Diabetes, and Metabolism.
Aniya, mahalaga ang agarang aksyon para matugunan ang problema sa diabetic foot ulcer. Kabilang sa mga dapat gawin bilang gamot sa sugat ng diabetic ang mga sumusunod:
- Prevention
- Multidisciplinary treatment of foot ulcers
- Appropriate organization
- Close monitoring
- Education of people with diabetes and health care professional
May mga suhestiyon din si Dr. De la Pena para makaiwas sa diabetic foot ulcer:
- Suriin ang mga paa kung mayroong mga paltos, hiwa, pamamaga, pagbabago sa kulay, at sugat. Gumamit ng salamin para makita ang talampakan.
- Ugaliin ang pagprotekta sa mga paa, gaya ng pagsusuot ng tamang sapatos sa loob at labas ng bahay para hindi madisgrasya ang mga ito.
- Tignan ang loob ng sapatos kung mayroong bato o kahit anong matulis na bagay bago isuot.
- Kung bibili ng sapatos, gawin ito sa hapon o gabi para makasiguro sa tamang size. Sa ganyang mga oras kasi namamanas ang mga paa. Pero siguraduhin din na hindi naman masyadong maluwag ang mga sapatos.
- Subukan na magsuot ng padded na mga medyas para maproteksyunan ang mga paa mula sa pinsala o injury. Siguraduhin lang hindi masyadong masikip o di kaya maluwag, pati na walang butas, ang mga medyas.
- Dalasan ang paghuhugas ng mga paa, at huwag kalimutan na linisin ang mga pagitan ng daliri. Patuyuin ang mga paa at magpahid ng oil o di kaya lotion para mapanatiling malambot ang balat.
- Gupitin ang mga kuko nang diretso at gumamit ng nail file para mawala ang matutulis na parte.
- Regular na ipatingin sa doktor ang mga paa.
- Kung may anumang sugat sa paa, takpan ito gamit ang malinis na gasa o wound dressings.
- Iwasan ang mga bawal (pagsusuot ng alahas sa paa at mga sapatos na matulis, paglalakad nang nakapaa, paggamit ng heater o hot compress) nang hindi na kailanganin ang gamot sa sugat sa paa ng diabetic.
Basahin dito para sa gamot sa diabetes.