Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kung may kakilala kang mayroong gastroesophageal reflux disease (GERD), marahil napapansin mong may mga iniiwasan siyang pagkain at inumin (GERD foods to avoid), pati na mga gawain upang hindi lumalala ang kanyang kondisyon. Subukan mo siyang gayahin para sa GERD prevention mo naman.
Ano ang GERD?
Isang sakit sa tiyan at digestive system ang GERD na nangyayari kapag madalas ang atake ng acid reflux. Ibig sabihin, ang acid sa tiyan ay umaakyat sa esophagus at pinipinsala ang lining ng gastrointestinal tract.
Ayon sa paliwanag ng Harvard Health Publishing, ang valve sa katawan na tinatawag na lower esophageal sphincter ang responsable sa pagkakaroon ng acid reflux. Kontrolado ng muscle na ito ang lagusan sa pagitan ng esophagus at tiyan. Kapag hindi sumara nang husto ang lagusang iyon, bumabalik sa esophagus ang stomach acid at pagkain na papunta dapat sa tiyan.
Mga sintomas ng GERD
Sabi ni Dr. Robert A. Tan, isang espesyalista sa internal medicine and gastroenterology, maraming clinical signs o sintomas ng acidic at pagkakaroon ng GERD.
Pagbabago sa panlasa
Maaaring mapansin mo na parang may mapait, mapakla, o di kaya maasim sa bibig mo, lalo na kapag dumidighay ka.
Pagsakit ng lalamunan
Kapag umakyat ang stomach acid sa esophagus, tinatawag itong acid reflux, at madadamay ang lalamunan. Magiging iritable ang iyong lalamunan at kikirot pa ito.
Paninikip ng dibdib
Bukod sa lalamunan, puwede ring maapektuhan ang dibdib. Kaya malamang makakaramdam ka ng chest discomfort, chest heaviness, o di kaya chest pain. Tinatawag itong heartburn, pero walang kinalaman ang puso dito.
Hirap sa paghinga
Kapag apektado ang lalamunan at dibdib, ibig sabihin nahaharangan ang daluyan ng hangin (airways). Kaya puwedeng hindi ka makadighay nang maayos at madalas ang pag-ubo hanggang tuluyang makaranas ng pagkapos sa hininga (shortness of breath).
Pagkakaroon ng sinusitis
Bukod sa airways, puwede ring mairita ang sinuses dahil sa acid reflux. Kapag namaga ang sinuses, mapupuno ang mga ito at babara. Tinatawag na sinusitis ang kondisyon iyon.
Pananakit ng ngipin
Bukod sa pag-iba ng panlasa sa bibig, puwede ring sumakit ang ngipin mula sa acid reflux. May kakayahan kasing puminsala ng ngipin ang asido.
GERD prevention
Kung nakakaramdam ka ng mga sintomas, mainam na magpatingin sa doktor upang mabigyan ka ng solusyon. Malamang na resetahan ka ng mga gamot. Pero, diin ni Dr. Tan, hindi dapat umasa lang sa GERD medication. Kailangan din daw ang lifestyle changes nang makaiwas sa ugat nito na acid reflux.
Aniya, "Itong hyperacidity, GERD, multifactorial ito. Hindi lang lahat sa pagkain. Hindi naman bawal, minimize mo lang. If you have symptoms, stop ka muna. You need a lifestyle modification aside from the medicine. Hindi lang lahat sa food. It’s a combination of everything."
Bawasan ang pag-kain at pag-inom ng nakakataas ng acidity
Mga halimbawa:
- Kape
- Gatas at iba pang produktong mula sa gatas (dairy)
- Soft drinks
- Maasim
- Mataba at mamantika
- Maanghang
- Karne
- Mga de lata at iba pang processed food
Itama ang eating habits
Piliin ang mga ganitong pagkain:
- Mayaman sa fiber, tulad ng whole grains (oatmeal, brown rice), root vegetables (kamote, carrots), at green vegetables (broccoli, green beans)
- Alkaline food o iyong may mataas na pH level para malabanan ang stomach acid. Ilan sa mga ito ang saging, melon, at cauliflower
- Watery foods gaya ng celery, lettuce, pakwan, at sopas
Makakatulong din na baguhin ang mga nakasanayang gawin na may masamang epekto sa iyong pangangatawan. Subukan ang mga sumusunod:
- Iwasan na malipasan ng gutom
- Imbes na three square meals kada araw, gawing small frequent meals hanggang anim na kainan
- Huwag madaliin at bilisan ang pag-kain
- Huwag munang humiga pagkatapos kumain nang hindi umakyat ang acid pabalik sa esophagus
- Matulog nang nakapatong ang ulo sa unan na may taas mula anim hanggang walong pulgada (inches)
- Tigilan ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak
Iwasan ang stress
Nagugulo ang sistema ng tiyan kung parati kang apektado ngstress, pati na kung may problema ka sa anxiety. Makakatulong din kung ititigil ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.
Iwasan ang pagpupuyat
May epekto rin daw ang hindi pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga sa kalusugan ng tiyan. Matulog nang nakapatong ang ulo sa unan na may taas mula anim hanggang walong pulgada (inches).
Mag-exercise nang sapat
Lahad ni Dr. Tan, "Exercise is the most important thing para gumalaw din ang bituka mo."
Damihan ang pag-inom ng tubig
Paliwanag pa ni Dr. Tan na kapag sagana sa tubig ang katawan mo, "maganda ang excretion ng urine" at maganda rin ang cleansing sa tiyan. Para mas maenganyong uminom ng tubig, payo naman ng mga eksperto, subukang haluan ito ng ilang hiwa ng pipino para maging cucumber water. Nakakakalma rin ng tiyan ang pipino.
Bukod sa tubig, puwede ring subukan ang ibang inumin na makakatulong bilang GERD prevention. Kabilang diyan ang ginger tea, chamomile tea, apple cider vinegar, at aloe vera juice.
May iba pang home remedy para sa acid reflux, basahin dito.