Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Mahigit sa 10% ng mga tao sa buong mundo ay walang access sa iodized salt. Isa ito sa mga dahilan kung bakit iodine deficiency ang isa sa medical conditions na patuloy na naglalagay sa kalusugan ng mga tao sa panganib.
Ang iodine deficiency ay nangyayari kapag hindi sapat ang iodine sa ating katawan, ayon sa Cleveland Clinic. Partikular na apektado ang ating thyroid gland na bahagi naman ng ating endocrine system. Ang thyroid gland ay ang hugis paruparo na gland sa harap ng ating leeg. Hindi magiging maayos ang paggana nito kung kulang ito sa iodine.
Ang thyroid ang gumagawa ng thyroid hormones na thyroxine at triiodothyronine. Ito rin ang nagri-release sa mga thyroid hormones patungo sa daluyan ng ating dugo hanggang makarating na sa tissues ng ating katawan.
Malaki ang naitutulong ng thyroid hormones sa paggamit ng enerhiya ng ating katawan at sa pagpapanatiling maayos sa takbo ng iba't iba nating organs.
Mga dapat malaman sa iodine at iodine deficiency
Ang iodine ay isang essential trace mineral na hindi kayang i-produce ng sarili nating katawan, ayon sa Harvard School of Public Health.
Natatagpuan ang iodine sa lupang malapit sa dagat at sa karagatan. Pabago-bago ang dami nito kung kaya't may epekto rin sa dami ng mineral na nasa partikular na pagkain. Ilan sa mapagkukunan nito ang sumusunod:
- Beef liver
- Dairy products (gatas, keso, yogurt)
- Fish, shellfish (cod, canned tuna, oysters, shrimp)
- Poultry, eggs
- Fortified infant formula
- Seaweed (nori, kelp, kombu, wakame)
- Table salts na may label na “iodized”
Mayroon ding fortified foods tulad ng tinapay, cereals, at gatas, at mga daily multivitamins at supplements.
Taong 1924 noong idinagdag ang iodine sa table salt. Naging tugon ito sa mataas na levels ng iodine deficiency sa mga bansang USA at Canada noong mga panahong iyon.
Ang iba pang sources ng intermittent iodine exposure ay ang mayaman sa iodine na medikasyon, tulad ng amiodarone at iodine-enriched cough medications, topical antiseptics, iodine-containing multivitamins at supplements, radiographic contrast agents, at water purification tablets.
Mataas ang tyansang makaranas ng iodine deficiency ang mga sumusunod:
- Ang mga hindi gumagamit ng iodized salt
- Ang mga nakatira sa mga rehiyon na malayo sa dagat at nasa mas matataas na altitudes
- Ang mga hindi kumakain ng isda at dairy products
Epekto ng iodine deficiency
Ang kakulangan ng iodine sa katawan ay maaaring magdulot ng ilang uri ng sakit sa endocrine system.
Goiter
Ito ang abnormal na paglaki ng thyroid gland. Lumalaki ang goiter dahil lumalaki rin ang thyroid. Ang mga mayroon nito ay nakararanas ng sumusunod ng mga sintomas ng goiter:
- Pakiramdam na sinasakal (choking)
- Nahihirapan sa paglunok
- Nahihirapan sa paghinga
Hypothyroidism
Dahil sa pagbaba ng iodine level ng katawan, hindi na nakapagpo-produce ng thyroid hormones (underactive thyroid). Ang ganitong kondisyon ay tinatawag na hypothyroidism.
Mga sintomas:
- Pagbagal ng metabolism na sanhi ng mabilis na pagdagdag ng timbang
- Madali at labis na mapagod
- Mabilis ginawin
Iba pang mga posibleng sintomas:
- Hirap o hindi nabubuntis (infertility)
- Namumutok na balat (puffy skin)
- Minamalat (hoarseness)
- Nangangaliskis at tuyong balat
- Numinipis na buhok
- Pagkalito
Diagnosis at treatment ng iodine deficiency
Ang enlarged thyroid gland o goiter ang unang sinusuri ng doktor. Maaari ring sumailalim sa imaging tests, tulad ng thyroid ultrasound o thyroid scan upang makita kung mayroong abnormalities dito.
Isa rin sa maaaring irekomenda ang thyroid blood test. Kung mayroon kasing low levels ng thyroid hormone o high levels ng thyroid-stimulating hormone (TSH), maaaring mayroon na ngang iodine deficiency.
Kasama sa treatment ang iodine supplements at may mga pagkakataong kakailanganin din ang thyroid hormone supplements.
Paano maiiwasan ang iodine deficiency?
Bukod sa paggamit ng iodized salt, maiiwasan din ang iodine deficiency sa tulong ng mga pagkaing mayaman sa iodine, katulad ng mga lamandagat, gatas, yogurt, at keso.
Tandaan ding ang ibang uri ng asin ay walang iodine. Kasama rito ang sea salt, kosher salt, Himalayan salt, at fleur de sel. Ang kantidad o dami ng iodine na kailangan natin araw-araw ay depende sa ating edad.
Karaniwang 150 micrograms ng iodine ang kailangan ng mga babae at lalaking edad 19 pataas. Kailangan naman ng 220 at 290 mcg araw-araw ang para sa mga buntis at nagpapadede sa kanilang mga anak ang recommended dietary allowance (RDA) para sa iodine.
Iodine deficiency sa buntis
Kung ikaw ay buntis o nagpapasuso, mahalagang mayroon kang prenatal vitamin na mayroong 250 micrograms ng iodine daily. Tandaan na dobleng iodine ang kailangan ng mga buntis kaysa sa mga hindi buntis upang maprotektahan at matulungan ang kanilang unborn babies. (Basahin dito kung bakit maraming buntis ang kinukulang sa iodine.)
Kailangan kasi ng unborn babies ang hormones na ito upang magkarooon ng maayos na pag-develop ng kanilang mga buto at utak sa panahon na sila'y nasa sinapupunan ng kanilang nanay. (Basahin dito ang problema sa thyroid kapag buntis.)
Sa panahong nagdadalantao ang isang babae, mainam kung sapat ang iodine sa katawan upang maiwasan ang sumusunod na mga komplikasyon:
- Miscarriage
- Stillbirth
- Birth defects
- Stunted growth
- Intellectual disabilities
- Development delays
Maaaring maging sanhi ang iodine deficiency ng malalang komplikasyon para sa mga buntis. Mayroon ding rare na mga kaso ng brain damage na cretinism. Tinatawag din itong congenital iodine deficiency syndrome at nagdudulot ng sumusunod:
- Physical at mental delays
- Hindi makarinig at makapagsalita (deaf-mutism)
- Severe muscle tightness (spasticity)
- Short stature
Maaari ring maapektuhan ang IQ ni baby, ayon sa isang paga-aral (basahin dito).
Paalala ng mga eksperto na mainam pa rin ang agarang pagkonsulta sa doktor kung mayroon kang nararamdaman o napapansing mga sintomas ng iodine deficiency na nabanggit sa itaas.
Basahin dito ang food guide para sa mga bata na masigurong sapat ang iodine at iba pang essential micronutrients sa kanilang katawan.