Ang article na ito ay nadagdagan na ng updates noong August 31, 2023.
Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Kung masakit ang batok paminsan-minsan, maaaring bale-walain mo ito. Pero sa sandaling mapansin mo na tila dumadalas at tumitindi ang iyong pakiramdam, baka kailangan mo nang bigyan ito ng kaukulang pansin.
May ilang posibleng dahilan kung bakit sumasakit ang batok, ayon kay Dr. Ronald John Unico, isang general practitioner. Mainam na obserbahan ang sariili para matukoy kung alin ang applicable sa iyong nararamdaman.
Neck muscle strain
Paliwanag ni Dr. Unico na sumasakit ang batok kapag ito ay napapagod o nangangalay sa matagal na hindi magandang posture o pagkapuwesto ng leeg at likod. Halimbawa raw nito sa trabaho kapag matagal na nakatutok sa computer o telepono. Isa pa ang hindi magandang posture ng leeg sa pagtulog.
May mga suggestion ang doktor para maibsan o di kaya maiwasan ang pananakit ng batok:
- Ayusin ang posture o ang posisyon ng katawan sa mga pang-araw-araw na gawain.
- Iwasan ang laging nakayuko nang matagal.
- Sikapin na maaayos ang unan at puwesto sa pagtulog.
- Subukan ang stretching exercises.
- Kung hindi kinakaya ang sakit, maaaring uminom ng pain reliever.
Trauma
Ang masakit na batok ay puwedeng dulot ng trauma mula sa aksidente o anumang pagkabugbog sa parte ng leeg. Sabi ni Dr. Unico na kapag nabangga ang sasakyan sa may likuran nito, halimbawa, maaaring makaranas ang pasahero ng whiplash car injury.
Isa pang posibleng resulta ang neck sprain, ayon naman sa American Academy of Orthopaedic Surgeons (AAOS). Nangyayari raw ito kapag nadale ang soft tissues sa ilan sa seven bones ng spinal column mula sa motor vehicle collision o di kaya hard fall. Napupuwersa raw kasi ang leeg sa extreme position.
Maaaring neck sprain ang nararanasan mo kung:
- Hindi mo kaagad maramdaman ang sakit mula sa injury, bagkus kinabukasan o ilang araw pa pagkatapos mangyari ang aksidente.
- Kapag nagsimula na ang pananakit, lalo na sa may batok, tumitindi ito kapag nagagalaw.
- May pamumulikat (muscle spasm) at pananakit sa upper shoulder.
- Sumasakit ang ulo, lalo na sa bandang likod nito.
- Dumadalas ang pagkairitable at pagkapagod, pati na ang hirap sa pagtulog at pag-concentrate.
- May pamamanhid (numbness) sa braso o sa kamay.
- May paninigas sa leeg (neck stiffness) at hirap na sa paggalaw ng side to side, up and down, at circular.
- May panginginig o panghihina ng mga braso.
Para makasiguro sa karamdaman, payo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor upang sumailalim sa physical examination at mabigyan ng tamang treatment.
Paghina ng joints ng leeg
Sabi ni Dr. Unico, isa pang sanhi ng masakit na batok ang katandaan o mga sakit na karaniwan sa mga may edad, tulad ng rayuma (arthritis). Pinatotohanan sa medical resources na mayroong arthritis in the neck. Tulad daw kasi sa iba pang bahagi ng katawan, ang disks at joints sa leeg ay dumadaan rin sa degeneration dahil sa wear and tear.
Bukod daw sa pananakit sa leeg at batok, ang iba pang sintomas ng arthritis ang:
- Headaches
- Grinding o di kaya popping noise/sensation kapag ginagalaw ang leeg
- Muscle spasms sa leeg at mga balikat
- Hirap sa paglalakad
- Panghihina ng mga kamay at binti
- Loss of balance
Kung magpapatingin sa doktor, sabi ng mga eksperto, maaari kang bigyan ng medication at irekomenda ang physical therapy.
Mga sakit tulad ng hypertension
Sabi ni Dr. Unico, ang tinatawag na alta presyon o hypertension ay madalas na inuugnay kapag masakit ang batok. Ngunit ito raw ay hindi karaniwang sintomas ng hypertension. Maaring makaramdam ng pagpintig ng mga ugat sa leeg kapag sobrang taas ng blood pressure.
Kadalasan lamang raw na sumasakit ang batok kung ang blood pressure ay sobrang taas na nagdudulot ito ng pagkasakit sa ulo hanggang sa leeg. Kaya mahalaga na alagaan ang pangangatawan kasama na ang pag-monitor ng blood pressure. Komunsulta rin sa doktor kung hindi nawawala ang pagsakit ng batok.
Paano maiiwasan ang masakit na batok
Ang masakit na batok, o neck pain, ay isang karaniwang isyu na maaaring makaapekto sa ating pang-araw-araw na gawain. Ngunit may mga paraan upang maiwasan ito o mapabuti ang kalagayan. Narito ang mga maaari mong gawin upang mapanatili ang kalusugan ng iyong leeg at maiwasan ang masakit na batok:
1. Correct posture
Mahalaga ang tamang tindig sa lahat ng oras, lalo na habang nagtatrabaho sa harap ng computer o habang natutulog. Siguraduhing nasa tamang posisyon ang iyong ulo at leeg upang maiwasan ang sobrang pwersa sa mga kalamnan.
2. Ergonomikong pag-aayos ng mga kagamitan
Sa iyong opisina o tahanan, siguruhing ang mga gamit at kagamitan tulad ng upuan, mesa, at computer monitor ay nasa tamang taas at angkop sa iyong katawan. I-adjust ang mga ito upang hindi magdulot ng stress sa iyong leeg at likod.
3. Regular na pag-galaw
Siguraduhin na regular ang pag-ehersisyo para mapanatili ang kalusugan ng iyong mga muscles at joints. Stretching at pagsasagawa ng mga neck exercises ay makakatulong upang mapanatili ang flexibility at malakas na kalamnan sa leeg.
4. Tamang pahinga
Siguruhing nakakakuha ka ng sapat na pahinga at tulog. Matulog sa tamang posisyon at may tamang suporta para sa iyong leeg.
5. Tamang pagbuhat
Kapag nagbubuhat ng mabibigat, gamitin ang tamang teknik upang hindi ma-strain ang iyong leeg at kalamnan. I-bend ang tuhod at hips, hindi ang iyong leeg, habang nagbu-buhat.
6. Stress management
Ang sobrang stress ay maaaring magdulot ng pagtensyon sa mga muscles, kabilang ang sa leeg. Maglaan ng oras para sa relaxation techniques tulad ng deep breathing, meditation, o yoga.
7. Pag-iwas sa maling galaw
Iwasan ang sobrang pagsusubok sa kakayahan ng iyong katawan tulad ng biglaang lakad o pag-angat ng mabibigat na bagay. Mag-ingat din sa sobrang pag-ikot ng leeg.
8. Regular na masahe
Ang masahe ay maaaring makatulong upang ma-relax ang mga muscles sa leeg at likod. Pumunta sa lisensyadong therapist para sa regular na pamasahe.
Sa pamamagitan ng pagtutok sa mga tamang gawi at pangangalaga sa iyong katawan, maaari mong maiwasan ang masakit na batok at mapanatili ang kalusugan ng iyong leeg. Ngunit kung ang mga sintomas ay patuloy o lumala, mahalaga ring kumonsulta sa isang propesyonal na doktor o therapist para sa tamang gabay at pag-aalaga.
Read also: Masakit Ang Likod