Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Mabilis ka bang nagkakapantal kapag malamig ang panahon? Baka cold urticaria ‘yan! Isa itong allergic condition na literal na pantal dahil sa lamig. Ang balat o skin ang apektado sa ganitong uri ng medical condition. Hindi ito biro dahil ang ating balat ang pinakamalaking organ ng ating katawan, at ito ang tumutulong sa pagtanggal ng toxins na pumapasok sa ating katawan.
Ang cold urticaria, ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ay localized o general wheals. Ibig sabihin, may biglang pag-alsa (elevation) ng balat doon lamang sa apektadong bahagi, at may kasama itong pangangati.
Paliwanag ng CDC na hindi ang kabuuang temperatura (absolute temperature), kundi ang bilis ng pagbabago (rate of change) sa temperatura ang nagdudulot ng ganitong uri ng pagsusugat at pagpapantal sa balat (skin lesion). Mas kilala rin ang medical condition na ito sa tawag na hives, o tagulabay sa Tagalog.
Iba pang mga sintomas at sanhi ng pantal
Nagsisimula ang mga skin condition na may kinalaman sa lamig ng panahon sa early adulthood. Pero si Chesca Garcia, halimbawa, tatlo na ang anak nila ng asawang si Doug Kramer nang mapansin niyang nagkakaroon siya ng mga sintomas ng eczema naman kapag sobrang lamig. (Basahin dito.)
Sa kaso ng cold urticaria, narito ang mga karaniwang sintomas na lumalabas sa apektadong parte ng balat:
- Pamumula
- Pangangati
- Pamamantal
- Burning sensation
- Pamamaga
Posible rin ang pananakit ng ulo at maaari pa ring iba’t iba ang epekto ng ganitong skin condition sa mga tao.
Lumalabas ang mga sintomas na ito kapag na-expose ka sa malamig na panahon o malamig na tubig. Nagkakaroon din ng pamamantal sa loob ng 5 hanggang 10 minuto matapos ang exposure at maaaring magtagal nang 1 hanggang 2 oras.
Kung ang cold urticaria ay namana mo sa iyong mga magulang o mas nakakatanda, maaaring magdulot ito ng masasakit na rashes at flu-like symptoms kapag na-expose ka sa malamig o lamig.
Ayon din sa mga eksperto, hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng pantal dahil sa lamig. Pero sa ibang pagkakataon, maaaring kaugnay ito ng medikasyon, kagat ng insekto, o iba pang may kinalaman sa immune sytem, tulad ng impeksyon o kanser sa dugo.
Ang iba pang kilalang triggers ng pamamantal ay ang sumusunod:
- Stress
- Anxiety
- Exercise
- Exposure sa direct sunlight
- Exposure sa ilang mga kemikal
- Pagkakamot sa balat o skin scratching
- Exposure sa allergens, kagaya ng pollen, animal fur, at ilang pagkain
- Mga bagay na nakapagdudulot ng pressure sa balat, tulad ng matagal na pag-upo
Samantala, napatataas ng cold urticaria ang risk ng pagkakaroon ng malala at potentially life-threatening allergic reaction na kung tawagin ay anaphylaxis.
Mayroon ding iba pang medical condtions na may katulad na mga sintomas katulad ng sumusunod:
- Cold agglutinin disease
- Raynaud’s disease
- Paroxysmal cold hemoglobinuria
May dalawang uri ng cold urticaria:
1. Acquired o essential cold urticaria
Nagsisimula ang mga sintomas nito ng mula 2 hanggang 5 minuto matapos ma-expose sa lamig. Maaari itong tumagal sa loob ng dalawang oras. Sinasabing pambihira o rare ang acquired cold urticaria at doble ang posibilidad na magkaroon nito ang mga babae kaysa mga lalaki.
2. Hereditary o familial cold urticaria
Maaaring mula 24 hanggang 48 oras ang lumipas bago lumabas ang mga sintomas. Tumatagal ang mga ito sa loob ng 24 hanggang 48 oras ang mga sintomas ng ganitong uri ng urticaria.
Sinasabing prone sa pantal dahil sa lamig ang mga:
- Young adults
- Mga taong mula sa pamilyang may history ng urticaria
- May underlying conditions, kagaya ng hepatitis at kanser
Diagnosis at treatment ng pantal dahil sa lamig
Ang diagnosis ay batay sa sintomas na nararamdaman at sa confirmed tests na pinagdaanan ng pasyente, ayon sa mga eksperto. Kung mahigit na sa anim na buwan ang kondisyon, maaari na itong ituring bilang chronic condition.
Nagsisimula ang diagnosis sa physical examination sa iyo ng iyong doktor. Ilan din sa mga itatanong ang sumusunod:
- Kailan mo unang naranasan ang mga sintomas?
- Nagkasakit ka ba nitong nakaraang mga linggo o buwan?
- May ininom ka bang bagong mga gamot?
- May kinain ka bang bagong pagkain?
- May binisita ka bang bagong lugar?
- Mayroon ba sa inyong pamilya na nakararamdam ng parehong mga sintomas?
Pagkatapos ng masabi ang iyong medical history, maaari ka ring bigyan ng tinatawag na ice cube o cold stimulation test. Naglalagay ng ice cube sa balat sa loob ng 5 minuto. Kapag nagkaroon ng raised bump o pantal matapos ng ilang minuto, mataas ang posibilidad na may cold urticaria ka. Kailangang ispesipikong sa lamig ang reaskyon kapag may cold urticaria.
Magre-rekomenda ang doktor ng karagdagang tests kapag may posibilidad ng iba pang impeksyon o medical conditions.
Bilang paunang gamot, maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng home remedies upang maibsan ang mga sintomas. Kasama dito ang pag-inom ng over-the-counter antihistamines. Hinaharangan kasi ng antihistamines ang symptom-producing release ng histamine. Kasama sa mga ito ang nondrowsy antihistamines tulad ng loratadine (Claritin), desloratadine (Clarinex), at cetirizine (Zyrtec Allergy).
Mahalaga rin ang pag-iwas sa lamig, lugar man ito o pagkain at inumin.
Kung hindi makatutulong ang mga nabanggit, maaaring magreseta ng iba pang mga gamot tulad ng Omalizumab (Xolair) na isa ring gamot para sa asthma. Kung ang ikaw naman ay may history na ng systemic reaction, makatutulong ang pagdadala ng epinephrine autoinjector.
Paliwanag ng internist na si Ruchi Gupta, MD: “You will feel some symptoms when given epinephrine: a little bit of heart racing or jitteriness. But it’s working, and always know that it’s a very natural element that’s produced in your own body. So don’t fear the term ‘epinephrine auto injector.”
Paalala lang na hindi pare-pareho ang nararanasan ng bawat pasyente. Sa ibang mga tao, kusang nawawala ang urticaria pagkatapos ng ilang linggo o buwan. Sa iba,mas matagal ito at pabalik-balik.
Walang gamot sa ganitong uri ng kondisyon ngunit mayroong magagawa upang ma-manage ang mga sintomas at maiwasan ang nasabing sakit. Posible ring i-refer ka sa mga doktor na espesyalista sa mga sakit sa balat, katulad ng dermatologists at allergist-immunologists.
Ilang payo ng mga eksperto
Makatutulong ang sumusunod na mga payo ng mga eksperto kung ikaw ay nakararanas ng pamamantal:
1. Iwasan ang mga lugar kung saan posibleng nati-trigger ang pamamantal.
2. Iwasan ang anomang naiisip mong naging sanhi ng iyong hives. Bawasan ang vigorous activity, tulad ng swimming at mountain climbing, na maaaring nakapagri-release ng irritants sa iyong balat.
3. Gumamit ng over-the-counter antihistamines upang maibsan ang pangangati.
Narito ang ilan pang dapat munang iwasan:
- Ice-cold drinks at frozen foods
- Malamig na cosmetic procedures
- Mga lugar na malalamig, kagaya ng supermarkets o malls
- Gawaing-bahay tulad ng pag-defrost sa ref at paglilinis ng mga bintana (kung nakatira sa malalamig na lugar)
Kailan dapat komunsulta sa doktor?
Sikaping makapagpa-check up agad sakaling mayroong maranasang sintomas at hindi ito naiibsan ng paunang mga remedyo. Siguraduhin ding sasabihin ang lahat ng detalye tungkol sa iyong kondisyon upang higit na maunawaan ng doktor at makapagbigay siya ng wastong diagnosis at treatment.
Makatutulong ang pagpapa-check up bago sumailalim sa anomang medical, dental, o childbirth procedures. Magiging malay ang mga doktor na panatilihang mainit o warm ang iyong pakiramdam sa mga pagkakataong ito.
Tandaan ding ang malalalang kaso ng pantal dahil sa lamig ay maaaring mauwi sa shock, hirap sa paghinga, pagkahimatay, at sa kamatayan.
Paalala ng American Academy of Dermatology Association na kapag naramdaman din ang sumusunod sa panahong ikaw ay mayroong hives, agad na magtungo sa pinakamalapit na emergency room:
- Hirap lumunok para bang mahihimataymay pamamaga sa bibig o lalamunan
- Mabilis na tibok ng puso
Ang mga nabanggit ay mga sintomas ng anaphylaxis, at hindi na lamang simpleng pantal dahil sa lamig.
Basahin dito ang gamot sa rashes sa mukha ng baby.