Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Madalas gawing biro ang sakit sa tuhod bilang senyales ng pagtanda. Pero bukod diyan, may iba pang mga dahilan na dapat ding pagtuunan ng pansin, lalo na kung hindi ka pa naman kabilang sa mga tinatawag na may edad.
Mga dapat malaman tungkol sa tuhod
Ang tuhod ang pinakamalaki at pinakamalakas na kasukasuan sa katawan (body joint), ayon sa OrthoInfo ng American Academy of Orthopaedic Surgeons. Pero delikado o vulnerable joint din ang tuhod, ayon naman sa Johns Hopkins Medicine. Ang tuhod kasi ang sumasalo ng bigat o stress mula sa mga pang-araw-araw na gawain, tulad ng pagbubuhat at pagluhod, pati na high-impact activities, gaya ng jogging at aerobics.
Binubuo ang tuhod ng tatlong parte:
- Tibia—Ito ang shin bone, o ang malaking buto sa ibabang parte ng binti
- Femur—Ito ang thighbone, o ang buto sa may hita
- Patella—Ito ang kneecap, o tuhod na mismo
Ang dulo ng tatlong buto na iyon ay nababalutan ng tinatawag na articular cartilage. Isa itong makinis at madulas na sangkap (substance) na nagbibigay ng malambot na proteksyon sa mga buto kapag tumutupi at dumidiretso ang tuhod. Pinapanatili naman ang mga buto na magkakasama sa tulong ng muscles, ligaments, at tendons.
May dalawang grupo ng muscles ang sangkot sa paggalaw ng tuhod. Kabilang diyan ang quadriceps muscles, na makikita sa harapan ng hita, na ginagamit sa pagdiretso ng mga binti. Isa pa ang hamstring muscles, na matatagpuan sa likod ng mga hita, na ginagamit naman sa pagtupi ng binti sa may bandang tuhod.
Ang tendons ay mga matitigas at matitibay na lubid ng tissue na kumukonekta mula sa muscles hanggang sa mga buto. Nababanat o elastic naman ang ligaments, o mga litid, Sila ang kumukonekta sa bawat buto. May ilang ligaments ang tumutulong na maging matatag at protektado ang mga kasukasuan, habang meron din ibang ligaments na naglilimita sa pagbali paharap at patalikod ng tibia o shin bone.
Mga posibleng dahilan ng sakit sa tuhod
Totoong maraming problema sa tuhod ang dulot ng pag-abante ng edad, sabi ng mga eksperto. Mahabang panahon na kasi ang lumipas na patuloy ang paggamit at pagbibigay ng stress sa mga tuhod. Pero puwede ring dulot ang problema ng pinsala mula sa aksidente o maling pagbanat ng tuhod.
Sprain o strain sa ligaments o di kaya muscles
Nangyayari ang sprain o strain kapag napalakas ang palo sa tuhod o di kaya biglaan ang pagpihit sa parteng ito. Makakaramdam ka ng:
- Pagkirot
- Pamamaga
- Paghirap sa paglalakad
Punit o torn cartilage
Kapag nakatanggap ng trauma sa tuhod, posibleng mapunit ang menisci. Isa itong tumpok ng connective tissue na sumasalo ng biglaang galaw at nagbibigay tatag sa tuhod. Kadalasang napupunit ang menisci kasabay ng sprain. Magagamot ang torn cartilage sa tulong ng pagsusuot ng brace bilang proteksyon kung kailangan mong gumalaw. Pero malubha ang torn cartilage, maaaring operahan ito.
Tendonitis
Ito ang pamamaga ng tendons bilang resula ng sobra paggamit ng tendon sa kalagitnaan ng isang aktibong gawin, tulad ng pagtakbo, pagtalon, o pagbisikleta. Tinatawag din ang tendonitis of the patellar tendon bilang jumper's knee. Malimit itong mangyari sa laro ng basketball dahil napupuwersa ang tendon kapag biglang tumalon at lumapag.
Arthritis of the knee
Puwede ring atakihin ng rayuma (arthritis) ang mga tuhod, sabi ng mga eksperto. May tatlong pangunahing uri ng arthritis:
- Osteoarthritis—Ito ang pinakapangkaraniwang uri ng arthritis sa tuhod. Dulot ito ng mahabang panahon ng paggamit ng tuhod, kaya kadalasang apektado ang mga may edad 50 pataas. Pero may pagkakataon ding apektado ang mga mas batang pasyente.
- Rheumatoid arthritis—Isa itong pangmatalagang sakit (chronic disease) na umaatake sa marami pang body joints, kabilang na magkaparehong parte sa dalawang tuhod. Sakit din ito na autoimmune. Ibig sabihin, inaatake ng mismong immue system ang sariling tissues hanggang lumambot at humina ang mga buto.
- Posttraumatic arthritis—Nangyayari ito kapag nagkaroon ng pinsala sa tuhod dulot ng aksidente.
Paano maibsan ang sakit sa tuhod
Payo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor kung may pagkirot, pamamaga, o di kaya paninigas sa tuhod. Makukumpirma ng doktor ang iyong kondisyon sa pamamagitan ng:
- Physical examination
- Imaging tests, tulad ng X-ray, magnetic resonance imaging (MRI), o di kaya computerized tomography (CT) scan
- Laboratory tests, tulad ng blood test para malaman kung anong uri ng arthritis ang umaatake
Depende sa uri ng sakit sa tuhod ang irerekomendang paggamot o treatment. Maaaring bumuti ang kondisyon sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot, pagsailalim sa physical therapy, at pag-ayos ng pamumuhay (lifestyle modifications).
Basahin dito para sa iba pang pangkaraniwang pananakit ng katawan, lalo na sa mga kababaihan.