Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Ang sakit sa puso ay isa sa mga seryosong usaping pangkalusugan sa Pilipinas. Ito rin ang pinakamataas na dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy. Kaya malaki ang ginagawang mga inisyatiba at programa ng pamahalaan para matugunan ito nang maging aware, halimbawa, sa mga senyales ng sakit sa puso.
Sa katunayan, idineklara ang buwan ng Pebrero bilang Philippine Heart Month sa ilalaim ng Proklamasyon Bilang 1096 na nilagdaan noong Enero 9, 1973. Nakasaad sa proklamasyon na ang puso ang daluyan ng buhay at mahalagang bigyang pansin ang tumataas na kaso ng suliranin sa sakit sa puso.
Nakasaad din ang pangangailangan ng pambansang kamalayan hinggil sa health issus at ang pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga mamamayan. Nariyan ang panghihikayat na mag-avail ng programa ng Department of Health (DOH) para sa pangangalaga sa puso.
Mga uri ng sakit sa puso
Ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang sakit sa puso ay tumutukoy sa iba’t ibang uri ng problema sa puso. Paliwanag naman ng Johns Hopkins Medicine, ito ay kondisyon na hindi nakapagpa-pump ng sapat na dugo ang puso para matugunan ang pangangailangan ng katawan.
Bagaman patuloy na tumitibok at nagpa-pump ang puso, hindi ito kasing husay ng malusog na puso. Kinabibilangan ng sumusunod na sitwasyon ang pagkakaroon ng sakit sa puso:
- Pagkakaroon na ng dating atake sa puso (myocardial infarction)
- Coronary artery disease
- Hypertension o high blood pressure
- Blood vessel disease gaya ng coronary artery disease
- Problema sa heart rhythm (cardiac arrhythmias)
- Problema sa puso simula ng pagkapanganak o tinawag na congenital heart defects
- Heart valve disease
- Disease sa heart muscle (cardiomyopathy)
- Heart Infection
- Chronic lung disease
- Pulmonary embolism (blood clot in the lungs)
- Anemia and excessive blood loss
(Basahin dito ang mga uri ng sakit sa puso.)
Mga senyales ng sakit sa puso
Sinasabing “silent killer” ang ganitong karamdaman dahil hindi agad natutukoy, maliban na lamang kung makakararanas ng mga sintomas na may sakit sa puso. Ilan sa mga sito ang sumusunod:
- Paninikip ng dibdib (pakiramdam na may nakadagan)
- Hirap sa paghinga o pagkahingal habang nakahiga
- Pagtaas ng timbang
- Pagmamanas ng binti, bukong-bukong at minsan sa tiyan dulot ng pagdami ng tubig
- Pagkapagod at panghihina
- Pagkahilo, pananakit ng tiyan, kawalan ng gana sa pagkain
- Patuloy na pag-uubo na nagdudulot ng plema na may bahid ng dugo
- Matinding paghihilik
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, nagde-develop ang sintomas sa ibang tao dahil hindi nakakukuha ng sapat na dugo ang katawan, gaya ng pagkapagod at panghihina, pati na mabilis na pagkahingal habang may ginagawa.
Nakararanas naman ng sintomas ang iba dahil sa naiipon ang dugo at tubig bago ito makarating sa puso gaya ng pagkahingal habang nakahiga, pagtaas ng timbang, patuloy na pag-ubo, abdominal congestion, kawalan ng gana sa pagkain, pagkahilo, pagmamanas ng binti.
Posibleng sa iba naman ay magde-develop ang sintomas sa parehong sitwasyon. Pero may iba na walang nararanasang anumang sintomas din. Nakabatay din kasi ang tindi ng kondisyon at sintomas sa kung paano naapektuhan ang kakayahan ng puso na mag-pump ng dugo.
Sa kabilang banda, paliwang ng mga eskperto na ang bawat kondisyon ng sakit sa puso ay may iba’t ibang sintomas din. Kaya mahalaga na anumang maramdaman mo sa karaniwang sintomas na nabanggit ay agad na kumonsulta sa doktor para matiyak at masuri ang iyong kondisyon. Huwag ito basta balewalain.
Paano maiiwasan ang sakit sa puso
Ang high blood pressure, high level of cholesterol at paninigarilyo ay mga pangunahing salik na nakapagdudulot ng sakit sa puso. Samantalang may iba namang dahil sa medikal na kondisyon at sa paraan ng kanilang pamumuhay. Ilan sa mga ito ang pagkakaroon ng diabetes, pagiging obese o mababa ang timbang, hindi malusog na diet, kawalan ng pisikal na gawain, at labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Ayon sa datos ng World Health Organization, tinatayang may 50, 000 Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa sakit sa puso. Kaya naman nagbigay sila ng mga mapaparaan paano mapananatiling malusog ang puso.
1. Kumain ng masustansiyang pagkain na makabubuti sa puso gaya ng mga prutas at gulay. Iwasan ang pagkonsumo ng mga processed, canned at fast food. Iwasan din ang pagkain nang labis ng matatamis na pagkain.
2. Kung mataas ang timbang, sikaping magbawas. Tingnan ang iyong body mass index (BMI).
3. Dagdagan ang iyong mga regular na pisikal na gawain nang kahit dalawa at kalahating oras kada linggo. Nakatutulong ang mga simpleng pag-eehersisyo gaya ng paglalakad, pagsasayaw at isama na rin ang paghahalaman, paggawa ng mga gawaing bahay para sa maayos na sirkulasyon ng dugo.
4. Iwasan ang mga bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak dahil malaki ang nagiging epekto nito sa kalusugan ng puso.
5. Magkaroon ng palagiang pagkuha ng iyong blood pressure at regular na pagmo-monitor din ng blood sugar.
Sa pamagat ng isang popular na awitin ni Jose Mari Chan na “Please Be Careful with My Heart," ipinapaalala ng isang taong sa kanyang mahal na pag-iingatan ang kanyang puso. Ngunit mas mahalagang tayo mismo ang mag-alaga sa ating puso. Tandaan na maraming uri ng sakit sa puso ang maaaring maiwasan at magamot kung may malusog na pamumuhay.
Isa pang madalas madinig ang mga katagang “Be kind to yourself. Ngunit sa pagkakataong ito, lalo na kung may nararamdaman ng senyales ng sakit sa puso, mahalagang isaisip ang “Be kind to your heart. Bilin ng mga eksperto na laging isaalang-alang na kalusugan ng iyong katawan upang mapanaitiling malusog ang pagtibok ng iyong puso.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
https://www.who.int/philippines/news/feature-stories/detail/how-to-take-care-of-your-heart-health
https://www.cdc.gov/heartdisease/about.htm
---
Basahin dito ang gamot sa sakit sa puso.