embed embed2
10 Home Remedies Sa Allergy Sa Dust O Alikabok Na Walang Pinipiling Panahon
PHOTO BY Pexels
  • Kapag naglilinis tayo ng bahay madalas napapabahing tayo sa nalalanghap na alikabok o dust. Dahil lumilipad ang mga alikabok sa ating paligid nagiging dahilan ito ng mabilis na paglanghap natin lalo na kung nagwawalis, nagpupunas o nagva-vacuum. Nagbibigay rin ito sa atin ng pagkairitable. Walang tigil sa pagkuskos ng ilong dahil sa pangangati na dulot ng nalanghap na alikabok at nagiging trigger ng allergies sa dust. 

    Ang dust mite na sanhi ng allergy sa alikabok

    Ang alikabok ay mga natipong particle na microscopic na epidermis ng tao at hayop, patay na insekto, mga labi ng dumi, fibers mula sa tisyu at buhok, pollen ng halaman o bulaklak, at iba pang mga sangkap na kagaya nito. Bagaman mas nangyayari ang allergic reaction kung may mga dust mites sa bahay na kumakain ng hindi nalilinis na alikabok.

    Isa sa mga microscopic bugs ang dust mite na natatagpuan sa mga alikabok na nagbibigay ng allergy sa tao. Maliliit na organism ito na hindi nakikita agad ng ating mata. Nabubuhay at dumarami ito sa maiinit o maalinsangang mga lugar. Kadalasan itong nakikita sa mga:

    • unan
    • kutson
    • carpet
    • mga upholster na kagamitan
    • mga stuffed toys
    • mga bagay na madaling kapitan ng alikabok

    Lumulutang sa hangin ang mga dust mite kapag nagambala ang pinamamahayan o pinagipunan ng mga ito na siya namang malalanghap ng tao at magdudulot sa kaniya ng allergy. Maaari itong pagsimulan ng hirap sa paghinga, pangangati ng lalaluman, at matinding pag-ubo.

    Karaniwan na ang dust mites ang nagti-trigger o dahilan ng asthma sa mga kabataan. Bukod pa sa asthma, maaari din itong makapagdulot ng pangangati ng balat o eczema sa tao.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Sintomas ng allergies sa dust

    Ang madalas na nakapagpapa-trigger ng mga sintomas ng allergy sa alikabok ay nasa ating bahay lamang. Nagreresulta ito para hindi tayo makakilos nang maayos o hindi maging komportable sa ating paggalaw. Ang mga taong may allergy sa alikabok ay madalas na nahihirapan na sa loob ng bahay at lumalala kapag lumabas sila ng bahay.

    Narito ang mga sintomas kung may allergy ka sa alikabok:

    1. Pagluluha ng mata
    2. Pangangati at pamumula ng mata
    3. Makating ilong
    4. Patuloy na pagbahing
    5. Pagtulo ng sipon
    6. Baradong ilong
    7. Pananakit ng ulo
    8. Pag-uubo at hirap sa paghinga

    Home remedy sa allergies dulot ng alikabok

    Lumalabas ang allergy kapag nag-react ang ating immune system sa foreign substance o allergen na malalanghap. Nagpoprodyus ito ng antibodies para maparotektahan tayo sa pagkakaroon ng sakit o impeksyon mula sa mga ito.

    Upang makaginhawa sa mga sintomas ng dust allergy, maaari mong gawin ang mga ito:

    1. Palitan at labhan ang kobre kama, punda, at kumot isang beses sa isang linggo.
    2. Gumamit ng unan na may polyester fiber kaysa sa gawa sa feather o balahibo.
    3. Makatutulong na alisin muna ang carpet na madalas kapitan ng alikabok.
    4. Gumamit na lamang din ng basahan o vacuum sa halip na dust feather.
    5. Laging magpunas ng mga bintana at estante gamit ang basang basahan at mop naman sa sahig nang hindi maipon ang alikabok.
    6. Iwasan ang pangongolekta ng mga gamit na madaling kapitan ng alikabok gaya ng stuffed toys.
    7. Gumamit ng face mask o takpan ang ilong kapag naglilinis ng bahay.
    8. Hangga’t maaari iwasan din ang pagpapasok ng alagang hayop sa kuwarto ng taong may allergy.
    9. Gumamit ng air purifier o humidifier sa kuwarto.
    10. Panatilihin ang humidity ng silid o bahay sa pagitan ng 40-50%.
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Kung sa tingin mo ang mga sintomas ng allergy na nararananasan mo ay dahil sa alikabok, maaaring gawin ang mga nabanggit na home remedy upang mapabuti ang iyong kalagayan. Ngunit, sa anumang uri ng allergy, mahalaga lagi ang pagkonsulta sa doktor o allergist upang malaman ang tamang gamot na maaaring inumin at kung angkop din ang mga home remedy para sa iyo.

    Madalas na inirereseta ng mga doktor ang pag-inom ng antihistamine para maibsan ang pangangati, pagbahaging, at pagluluha ng mata at ang decongestants naman para sa baradong ilong. Nagsasagawa rin ang mga allergist ng skin test upang matukoy ang siyang nagpapa-trigger ng iyong allergy.

    Pero siyempre mas maiiwasan ang pag-atake ng iyong allergies sa dust kung mapapantiling malinis ang bahay at makaiiwas sa mga bagay na nagiging sanhi nito.

    Sources: American College of Allergy, Asthma, and ImmunologyWebMdMayo Clinic 

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles