Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
Ipa-BCG Vaccine ang Inyong Anak Para Makaiwas sa Tuberculosis
PHOTO BY iStock
  • Naiulat ng World Health Organization (WHO) na ang tuberculosis ay isa sa mga nangungunang dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga Pilipino. Noong 2011 lang, mahigit 200, 000 na ang naitalang kaso ng tuberculosis sa bansa. Dahil sa statistics na ito, kailangan maging mas maingat ang mga magulang para sa kanilang anak, at isang paraan para maprotektahan sila mula sa tuberculosis ay ang pagbibigay ng Bacille Calmette-Guerine (BCG) vaccine, na lumalaban sa sakit na ito. Narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa tuberculosis at BCG vaccine.

    Ano ang tuberculosis?

    Ang tuberculosis, o mas kilala sa tawag na TB, ay isang nakakahawang sakit na tumatama sa baga. Ito ay airborne, o kumakalat sa pamamagitan ng maliliit na droplets na kumakawala sa hangin kapag umuubo o bumabahing ang isang taong may TB. Ito ay nakamamatay kung hindi magagamot kaagad.

    Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), karamihan ng mga batang tinatamaan ng TB ay hindi naman namamatay dahil dito, at kung sila ay 10 taong gulang pababa, hindi naman sila kadalasang nakakahawa. Ngunit kailangan pa rin silang gamutin para maiwasan ang pagbalik ng sakit. 

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Mga sintomas at posibleng komplikasyon ng TB

    Ang mga batang may TB ay maaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas: mabilis mapagod, malalim na paghinga, pagkahina, kawalan ng gana kumain at pagbaba ng timbang. Kung hindi mabibigyan kaagad ng lunas, maaring lumala ang kanilang sakit.

    Sa mga bihirang pagkakataon, maaring dumaloy ang infection sa dugo ng bata at makaapektosa ibang parte ng katawan, kasama ang bato o gulugod. Pwede ring maapektuhan ang utak at maging sanhi ng sakit na meningitis, kung saan ang mga tissue na bumabalot sa utak at spinal cord ay mamamaga. 

    Gamot para sa tuberculosis

    Gaya ng ibang nakakahawang sakit, mahalaga na maagapan ang TB para mabilis maka-recover ang bata. Pero bago magbigay ng anumang gamot, nirerekomenda na sumailalim muna ang bata sa tuberculin skin test (TST).

    Sa test na ito, ang pasyente ay tuturukan ng injection na may lamang purified at inactive na uri ng TB germ sa kanyang braso. Kapag namula o namaga ang bahagi kung saan ito tinusok, ibig sabihin ay meron siyang infection. Malalaman rin sa pamamagitan ng test na ito kung nagkaroon na siya ng infection na ito dati, kahit walang nakikitang sintomas sa inyong anak.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Para malaman kung dapat bang sumailalim sa TST ang iyong anak, tingnan ang listahan ng mga tanong na ito mula sa AAP:

    • Meron ba siyang kamag-anak o madalas na nakakasamang tao na nagkaroon na ng TB?
    • Meron ba siyang kamag-anak na nagpositibo na sa tuberculin skin test?
    • Ipinanganak ba siya sa bansang may high risk ng TB?
    • Pumunta ba siya o may nakasamang tao na nanggaling sa bansang may high risk ng TB nang higit sa isang linggo?

    Kung sumagot ka ng oo sa kahit isa sa mga katanungang ito, baka kailangang sumailalim sa test ang iyong anak.

    Naglabas naman ang Mayo Clinic ng ilang gabay na dapat tandaan habang inaalagaan ang iyong anak na may TB sa inyong tahanan. Isa na rito ang pagsuotin siya ng mask at takpan ang kanyang bibig sa tuwing uubo o babahing. Kailangan ring siguruhin na maganda ang daloy ng hangin sa loob ng bahay, dahil mas madaling kumalat ang germs ng TB sa mga lugar na hindi umiikot ang hangin.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    BCG vaccine ang pinakamabisang proteksyon

    Hinihikayat ang mga magulang na pabigyan ng Bacille Calmette Guerin (BCG) vaccine ang kanilang anak dahil karaniwan ang sakit na TB dito sa Pilipinas. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang mga bata na palaging nakakasalamuha ang mga taong may TB ngunit hindi nagamot, iyong mga hindi nalunasan nang maayos, o iyong nagkaroon na ng TB dahil sa drug-resistant strands ng sakit na ito ay dapat pabakunahan.

    Kabilang ang mga kabataan, lalo na ang mga edad 4 pababa, sa mga grupong madaling kapitan ng TB, at kung mahahawa, sila rin ay may posibilidad na magkaroon ng matinding komplikasyon. Kaya lalong napakahalaga na mabakunahan sila ng BCG vaccine na tutulong sa kanilang immune system na labanan ang mga germs at maiwasan ang paglala nito.

    Karaniwan para sa mga batang tumanggap ng bakuna na makaranas ng pamamaga sa lugar kung saan binakunahan, pero bihira naman itong magdulot ng mga seryoso at pangmatagalang epekto sa kanila. Nakita rin sa pag-aaral na tumutulong ang BCG vaccine para protektahan ang mga bata hanggang 15 taon pagkatapos mabakunahan.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ayon sa pinakabagong childhood immunization schedule para sa taong 2019 na inilatag ng Philippine Pediatric Society (PPS) at Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines (PIDSP) sa tulong ng Philippine Foundation for Vaccines (PFV), inirerekomendang tumanggap ang mga bata ng BCG vaccine pagkapanganak. Ibinibigay rin ang bakunang ito nang libre sa lahat ng health centers sa buong bansa.

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa Shield Your Child From Tuberculosis by Giving Him the BCG Vaccine

    More from Smart Parenting

View More Stories About
Recommended Videos
View more articles