Join the next Smart Parenting Giveaway and get a chance to win exciting prizes!

Join Now
DTaP Vaccine: Proteksyon Laban sa Tatlong Malubha at Nakakahawang Sakit ng mga Bata
PHOTO BY iStock
  • Ang diphtheria, tetanus, and pertussis (DTaP) vaccine ay kabilang sa 13 bakuna sa 2019 Childhood Immunization Schedule na inihanda ng Philippine Pediatric Society (PPS) at ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP), sa pakikipagtulungan ng Philippine Foundation for Vaccination (PFV). Libre itong matatanggap sa mga health centers sa buong bansa.

    Basahin ang artikulo upang malaman ang tungkol sa DTaP vaccine at kung paano nito pinoprotektahan ang kabataan laban sa tatlong sakit.

    Ano ang diphtheria?

    Ang diphtheria, na mula sa isang uri ng bacterium na tinatawag na Corynebacterium diphtheriae, ay isa sa mga nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa mucus membranes ng ilong at ng lalamunan. Ang pinaka-natatanging sintomas nito ay ang pagkakaroon ng malapot na gray material na humaharang sa likuran ng lalamunan, dahilan upang makaranas ng hirap sa paghinga.

    Ayon sa Mayo Clinic,  maaaring kumalat ang nakahahawang sakit na ito sa pamamagitan ng: droplets sa hangin galing sa isang taong mayroon nito na sumisinga o umuubo; paghawak sa mga bagay na ginagamit ng isang nahawaang tao; at paggamit sa kontaminadong gamit sa bahay gaya ng tuwalya. Nakakahawa din ang paghawak sa sugat na may impeksyon.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Sintomas ng diphtheria

    Kadalasang lumilitaw ang mga senyales at sintomas ng diphtheria dalawa hanggang limang araw pagkatapos mahawa ang bata, ayon sa Mayo Clinic. Maliban sa makapal na membrane na humaharang sa lalamunan at tonsils, ang iba pang sintomas ng diphtheria ay ang pamamaga ng lalamunan, hirap sa paghinga, nasal discharge, at malaise (pakiramdam ng pagkahina at kawalan ng ginhawa).

    Ang problema sa paghinga ay isa sa mga tipikal na komplikasyon ng diphtheria. Maaari rin itong magdulot ng nerve damage dahil ang C. diphtheria toxin ay nakakapinsala sa ugat na tumutulong sa pagkontrol ng mga nerve na ginagamit sa paghinga, at magdulot ng heart damaga dahil ang nasabing toxin ay maaaring dumaloy sa dugo at makapinsala sa ibang body tissues, kabilang ang heart muscle.

    Ano ang tetanus?

    Ang tetanus, na kilala rin sa tawag na lockjaw, ay isa ring malubhang sakit. Gayong hindi ito nakahahawa, nagdudulot ito ng sakit. Ang mga taong nahawaan ay nakararanas ng paghigpit ng mga muscle at paninigas ng buong katawan, partikular sa ulo at leeg, na nagiging dahilan para maging hirap sila sa pagbukas ng bibig, paglunok, o paghinga.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang sakit na ito ay dulot din ng bacterium na Clostridium tetani, na madalas matatagpuan sa lupang kontaminado ng dumi ng hayop at tao. Ang spores ng bacterium na ito ay maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat. Ito ay nagiging bacteria na lumilikha ng toxin na tetanospasmin, na nakakapinsala sa motor neurons o nerves na kumokontrol sa mga muscles ng katawan. Kalaunan, nagdudulot ito ng paninigas at paghilab sa mga muscles, na maaaring maging masakit at lumubha, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC).

    More from Smart Parenting

    Sintomas ng tetanus

    Kapag nakapasok ang tetanus bacteria sa katawan ng bata sa pamamagitan ng sugat, makikita ang mga sintomas nito makalipas ang ilang araw o pagkaraan pa ng ilang linggo. Kabilang sa mga sintomas ay ang paninigas sa muscles ng panga, leeg, at tiyan; hirap sa pagnguya; at makirot na paghilab ng katawan na maaaring dulot ng stimuli gaya ng haplos, ingay, o liwanag. Ang iba ay maaaring makaranas din ng iba pang sintomas tulad ng lagnat, mabilis na pagtibok ng puso, pagpapawis, at altapresyon.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang mga komplikasyon ng tetanus ay ang sumusunod: pagkabali ng buto dulot ng malubhang body spasms, pagkakaroon ng bara sa lung artery, o kamatayan, dahil maaring mahirapan sa paghinga ang pasyente dulot ng spasms.

    Ano ang pertussis?

    Ang pertussis o whooping cough ay isang nakahahawang sakit sa baga, na pangunahing natutukoy sa tuluy-tuloy at malakas na pag-ubo na sinusundan ng matinis na  “whooping” sound.  Ayon sa CDC, dahil sa matinding pag-ubo, maaring magsuka at makaramdam ng labis na pagkapagod ang mayroon nito. Maaari itong tumagal ng 10 buwan o higit pa. 

    Gaya ng diphtheria at tetanus, ang pertussis ay dulot din ng bacterium, ang Bordetella pertussis. Kumakapit ang bacterium na ito sa cilia (maliliit na buhok sa loob ng ilong) na bahagi ng upper respiratory system, at naglalabas ng toxins na nakakapinsala sa cilia, dahilan para mamaga ang airways.

    Sintomas ng pertussis

    Kakikitaan ng sintomas ng pertussis ang isang bata 5 hanggang 10 araw pagkatapos niyang mahawahan, ayon sa CDC. Sa mga unang yugto ng pertussis, mistula lamang itong pangkaraniwang sipon, ngunit kalaunan, ang iba pang senyales gaya ng malakas na pag-ubo ay maaari nang lumitaw. Sa mga sanggol, karaniwang sintomas ng pertussis ang apnea, kung saan sila ay humihinto sa paghinga sa loob ng 15 hanggang 20 segundo habang natutulog.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
    More from Smart Parenting

    Ang mga sanggol at bata ang madaling mahawa ng pertussis at ng mga nakamamatay na komplikasyong dala nito, lalo na kung hindi sila nabakunahan. Ayon sa CDC, halos kalahati ng populasyon ng mga batang isang taon pababa na naaapektuhan ng pertussis ang maaring maospital.

    Paggamot sa diphtheria, tetanus, at pertussis

    Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), ang wasto at agarang paggamot ay mahalaga dahil ang diphtheria ay sakit na nakamamatay. Maaaring reseta ng doktor ang mga bata ng antitoxin at antibiotics tulad ng penicillin at erythromycin.

    Walang lunas sa tetanus, ngunit ang mga pasyenteng nahawaan nito ay maaring makatanggap ng gamot upang ibsan ang mga sintomas; wound care, at supportive care. Kailangang linisin nang maigi ang mga sugat para maalis ang dumi, foreign objects, at dead tissue upang maiwasan ang pagtubo ng tetanus spores.

    Inirerekomenda rin ng mga pediatrician ang paggamit ng gamot gaya ng antitoxin upang ma-neutralize ang tetanus toxin; ng antibiotics upang puksain ang tetanus bacteria; ng sedatives upang makontrol ang muscle spasms; at iba pang gamot upang makontrol ang involuntary muscle activity tulad ng pagtibok ng puso.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang agarang paggamot sa pertussis sa mga bata ay mahalaga dahil nakatutulong itong ibsan ang impeksyon at ang pagkalat ng sakit sa iba. Antibiotics ang nirereseta ng doktor sa mga pasyenteng nahawa. Mayroong mga mahahalagang paalalang inihanda ang CDC sa pag-aalaga sa mga batang mayroong pertussis sa bahay. Maaaring gumamit ng cool mist vaporizer upang matunaw ang plema at maibsan ang pag-ubo. Iwasan ang mga irritants gaya ng alikabok, at painumin ng maraming tubig ang inyong anak.

    More from Smart Parenting

    DTaP vaccine ang pinakamahusay na lunas

    Maaaring maiwasan ng iyong anak ang mga nasabing sakit sa pamamagitan ng wastong dose ng diphtheria, tetanus, and pertussis (DTaP) vaccine. Ayon sa AAP, kailangan ng bata ng limang doses ng DTaP vaccine na ibibigay sa mga sumusunod na gulang:

    • 2 buwan
    • 4 na buwan
    • 6 na buwan
    • 15 hanggang 18 buwan
    • 4 to 6 na taon

    Kapag nakumpleto na ng inyong anak ang inirekomendang doses ng DTaP vaccine bago umabot sa edad 7, kailangan din ang unang booster shot kapag nasa edad 11 hanggang 12 na siya. Ang mga susunod na booster shots ay ibibigay na kada 10 taon, na may kasamang tetanus-diphtheria (Td) vaccine, isang tetanus booster.
    Maaring maiba ang vaccination schedule ng ibang bata kung mayroon itong malubhang sakit, nakararanas ng brain o nervous system disease, o nakaranas ng malubhang allergic reaction pagkatapos mabakunahan. Ipakonsulta agad ang bata sa kanyang pediatrician.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Bakit mahalaga ang DTaP vaccine para sa mga bata

    Sang-ayon ang mga eksperto na ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ng mga bata ang diphtheria, tetanus, o pertussis, at ang mga nakamamatay na komplikasyon ng nasabing sakit ay ang pagbigay sa kanila ng DTaP vaccine.

    “Most children who are vaccinated with DTaP will be protected throughout childhood,” (Karamihan sa mga batang nabakunahan ng DTaP ay mabibigyang-proteksyon sa lahat ng yugto ng kanilang kabataan) ayon sa Healthy Children, na health resource site ng AAP. “Many more children would get these diseases if we stopped vaccinating.” (Maraming bata ang maaaring makakuha ng sakit na ito kung ititigil ang pagbabakuna.)

    Maaaring magdulot ng side effects ang DTaP, tulad ng lagnat, pamumula, o pagkamaga sa bahaging binakunahan. Maaari ring makaranas ang mga bata ng pagkabalisa, pagkapagod, o pagsusuka. Posible ring magkaroon ng allergic reactions pero hindi ito pangkaraniwan. Kung lampas sa 40.55°C ang lagnat ng inyong anak at walang humpay ang kaniyang pag-iyak, o kung nakararanas siya ng seizures, dalhin siya agad sa Emergency Room.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Ang mga impormasyong nakalahad dito ay nagmula sa DTaP Vaccine Protects Children From Three Serious Infectious Diseases

    More from Smart Parenting

View More Stories About
View more articles