-
3 Paraan Ng Mommies Para Magamit Ang Oregano Bilang Home Remedy Sa Ubo
by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

“Wonder herb” kung tawagin ang oregano. Hindi lang kasi ito ginagamit sa pagluluto, pero sa marami pang ibang bagay. Isa na diyan ang pagiging gamot sa ubo.
Ano ang oregano?
Sa Pilipinas, halimbawa, kilala ang oregano bilang herbal medicine. Origanum vulgare ang scientific name ng halamang ito na may katamkam-takam na amoy, makatas na mga sangay, at hugis pusong mga dahon.
Ang iba pang pangalan nito ay Wild Marjoram, Mountain Mint, Origanum, Wintersweet, at Winter Marjoram.
Maraming hatid na health benefits ang oregano dahil sa taglay nitong anti-oxidant properties. Nariyan pati ang rosmarinic acid compound, thymol, at carvacrol na siyang tumutulong panlaban sa ilang uri ng inflammation, bacteria, fungi, at virus.
Sagana rin ang oregano sa flavonoids, triterpenoids, sterols, vitamin C, at vitamin A, kaya may kakayahan itong maibsan ang karamdaman, gaya ng pag-ubo. Katunayan, subok na ng karamihan ang oregano para matugunan ang kanilang problema.
Mga paraan para magamit ang oregano bilang home remedy sa ubo
Kasama ang oregano sa listahan ng mga maaasahang home remedy ng mga miyembro ng Smart Parenting Village sa tuwing may ubo ang kanilang mga anak (basahin dito). Ganoon din sa mga kalahok sa Smart Parenting Parent Chat.
Ibinahagi ng mga mommy ang kadalasan nilang ginagawa para magamit ang oregano bilang gamot sa ubo. Makakatulong din daw kung kokonsulta sa doktor.
Oregano tea
Ilaga ang 1 cup na fresh leaves sa 3 cups na tubig sa loob ng mula 10 hanggang 15 minutes. Isalin ang pinaglagaan sa container para lumamig nang kaunti. Ipainom ang kalahating tasa sa anak tatlong beses sa isang araw.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWMaaaring haluan ng katas ng kalamansi para sa dagdag vitamin C at honey naman upang sumarap sa panlasa ng bata. Tandaan lang na hindi puwede sa honey ang batang wala pang 1 year old.
Oregano juice
Isa pang paraan ang pag-steam ng mga dahon ng oregano. Maaari itong isabay habang pinapainin ang kanin. Pagkatapos, itabi ang mga napasingawang dahon at saka pigain hanggang makagawa ng juice concentrate.
Bigyan ng isang kutsarang juice concentrate ang bata kung malala na ang kanyang ubo. Kung napapaitan ang bata sa lasa, maaaring lagyan ng juice concentrate ang timplado nang kalamansi juice at ipainom sa bata.
Steam inhalation
Habang pinapasingaw ang mga dahon ng oregano, puwedeng ipalanghap sa bata ang steam upang lumuwag ang barado niyang ilong. Makakatulong din daw ito sa mabilis na pagtunaw at paglabas ng plema.
Kuwento ng isang mommy na akala niya masusuka ang anak niya sa lasa ng oregano juice, pero nainom naman daw ng bata kahit walang honey o asukal.
Nalaman niyang epektibo ang home remedy nang mapansin niyang “medyo slimy ’yung poop” ng anak dahil “sumama ’yung phlegm, nailabas.”
Ibang mga gamit ng oregano
Ayon pa sa mga eksperto sa herbal medicine, ang pag-inom ng oregano tea ay nakakagaling ng sore throat. Ang oregano juice concentrate ay mainam naman daw sa mga taong may ininindang sakit sa rheumatism, bronchitis, asthma, at dyspepsia.
Maganda rin ang epekto ng oregano tea o juice sa mga nanay na kapapanganak lang, sabi ng mga eksperto sa herbal medicine. May anti-bacterial properties kasi ang oregano na lumalaban sa infection na umaatake sa reproductive tracts.
CONTINUE READING BELOWwatch nowAng mismong dahon ay may hatid sa lunas sa sugat at kagat ng insekto. Dikdikin lang ang ilang piraso hanggang lumagkit at saka ipahid sa apektadong parte ng katawan.
Ginagamit din ang langis na nakukuha mula sa oregano bilang essential oil sa aromatherapy treatment, ayon sa mga eksperto sa herbal medicine. Malaki raw ang tulong ng oregano essential oil sa mga karamdaman, tulad ng:
- Skin infection
- Digestive malfunction
- Joint and muscle pain
- Nail fungus
- Wart
- Urinary tract problem
Kahit daw hindi mo kailangan ang oregano bilang gamot sa ubo o iba pang sakit, may tulong pa rin ito sa iyong general health. Kinokontra kasi ng anti-oxidant properties nito ang free radicals na sanhi ng cellular damage at mabilis na pagtanda ng katawan. Kaya naman tunay na “wonder herb” ang oregano.

- Shares
- Comments