Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Bagamat maituturing na simple ang buhay ng mga bata kumpara sa mga adults, hindi ibig sabihin nito na hindi sila nakakaranas ng stress. Ang stress kasi ang reaksyon ng katawan sa isang sitwasyon na nakakabagabag, nakakalito, o kahit pa nakakasabik. Kaya mahalaga na malaman ang sintomas ng stress bago pa ito makaapekto nang husto sa bata.
Hindi lang daw ang mga nangyayari sa buhay ng bata ang nagdudulot ng childhood stress, ayon sa Nemours Kids Health. Kapag daw, halimbawa, naririnig ka ng anak mong namomroblema sa trabaho o nag-aaalala sa kamag-anak na may sakit, nakakaramdam din siya ng stress.
Tumataas pa ang stress level ng mga bata kapag nakikita, o kahit naririnig lang, niya na nagtatalo, at lalo na nag-aaway, ang kanyang mga magulang. Paalala ng mga eksperto na maging maingat sa diskyusyon dahil napupulot ng mga bata ang anxiety ng magulang at nagiging balisa rin sila.
Sintomas ng stress sa mga bata
May ilang palatandaan na dumadanas na pala ng matinding stress ang mga bata, ayon sa American Psychological Association (APA).
Paggambala sa nakasanayang gawain
Kung dati ay mahimbing at diretso ang tulog sa gabi ng anak, may dahilan para magtaka kung bigla na siyang nagigising at nagsasabing nakakatakot ang kanyang panaginip. Pansinin kung dumadalas itong mangyari at kung nakakabalik sa tulog ang bata. Iba pang halimbawa ang:
- Pagiging iyakin
- Pagkawala ng ganang kumain
- Pagsiksik sa iyong tabi (clingy)
- Pag-ayaw sa mga dati niyang kinagigiliwang gawin
Bago o paurong na pag-uugali
Isang halimbawa ng paurong na pag-uugali (regressive behavior) ang muling pag-ihi ng anak sa kama (bed-wetting) o saan man siya abutan kahit natuto na siyang gumamit ng banyo. Maaaring senyales ito na stressed out ang bata. Bukod sa regressive behavior, maging alerto rin sa mga bago niyang pag-uugali, gaya ng:
- Pagsisinungaling
- Pagsagot nang pabalang, kahit pabulong lang
- Pambu-bully sa ibang bata
Biglang pagbabago sa ugali
Ilan sa mga kadalasang halimbawa:
- Pagiging iritable o di kaya moody
- Pagmamaktol nang wala sa lugar o umaarte lang para makuha ang gusto
- Pagrereklamo nang madalas
- Pag-aalala kahit sa maliit na bagay
- Pagiging galit, na nauuwi sa pananakit
Hindi maipaliwanag na nerbiyos
Maaaring senyales ang nerbiyos na may bumabagabag sa isipan ng bata, gaya ng stress. Mapapansin mo ito sa mga ganitong paraan:
- Takot na reaksyon kahit wala naman talagang nakakatakot
- Kabadong pagkilos
- Pagngatngat ng mga kuko (nailbiting)
- Pagsubo sa hinlalaki (thumbsucking)
- Mas gustong mag-isa
- Iniiwasan ang mga magulang at mga malapit na kaibigan
May mga iniindang sakit sa katawan
Kadalasang hindi naiintindihan ng bata ang stress at hindi niya ito maipaliwanag, kaya nagpapakita ito sa ibang paraan. Kabilang diyan ang madalas na masakit ang ulo o di kaya mga uri ng sakit ng tiyan. Napapadalas tuloy ang punta niya sa banyo kahit hindi niya talaga kailangang gumamit.
Paano mababawasan ang stress sa bata
Malaking tulong ang agarang pagkilala ng magulang sa pinagdadaanan ng bata. Kaya kung napapansin mo nang stressed out ang anak, payo ng mga eksperto na subukan ang ilang paraan sa pag-asang mabawasan ang kanyang stress:
- Siguraduhin ang sapat na pahinga at tamang nutrisyon ng anak
- Magbigay ng dagdag na oras at atensyon sa anak, na maaaring daanin sa fun activities
- Iparamdam na nariyan ka lang sa tabi niya kahit hindi pa muna kayo mag-usap
- Kapag handa na ang bata, tanungin kung anong bumabagabag sa kanya
- Hikayatin na maging active ang bata at bigyan ng exercise routine
- Para sa older kids, turuan na magsulat sa journal
- Ipanatag ang kalooban ng bata sa pagsasabing normal ang pagkakaroon ng stress, basta kaya itong harapin at dalhin
- Bigyan ng reassurance ang bata na bubuti ang kanyang kalagayan
Sakaling hindi bumuti ang kalagayan ng bata o di kaya lumala pa ang mga sintomas ng stress, payo ng mga eksperto na komunsulta sa doktor o mental health specialist.
Paano kung ang magulang naman ang apektado ng stress? Basahin dito.