
Siguradong bago ka magpakasal, kinilala mo munang mabuti ang iyong mapapangasawa. Wala naman kasing may gusto na bigla mo na lang mapapagtantong hindi mo pala lubos na kakilala ang pinapakisamahan mo. Ngunit minsan, kahit na gaano mo pa kilalanin ang isang tao, may mga sitwasyong maglalabas ng mga ugaling maaaring hindi mo nakita sa kanila dati.
Narito ang isang #SPConfessions na natanggap namin patungkol dito:
Simple lang ang asawa ko. Simple lang 'yung lalaking naging karelasyon at finally, napangasawa ko. Hindi naman sa mababa ang pangarap niya, pero simple lang ang pamumuhay na gusto niya. Wala siyang magarbong mga gamit, hindi rin siya masyadong mapormang manamit. Okay na siya na maayos ang mga gamit niya.
Nagbago siya noong nawalan siya ng trabaho. Hindi kasi nirenew ang kontrata niya kaya napilitan siyang maghanap ng panibagong trabaho. Hindi naman siya nabigo at nakahanap din siya agad.
Doon ko na napansin na parang nagbabago na siya. Una, gusto niyang magkaroon ng magandang cellphone. Dati okay na siya sa kung ano lang, basta pwedeng ipangtext at ipangtawag. Ngayon, gusto niya mamahaling brand pa ang cellphone niya. Hindi naman ako nagsalita, kasi noon pa man, hindi na talaga namin pinapakialaman ang gastos ng isa’t-isa, basta nakakapagbigay kami ng pera para sa aming common needs.
Bukod sa cellphone, napansin ko naman na nag-iba na ang pananalita niya. Naging ma-ere siya at para bang hindi na niya ako nirerespeto. Lagi siyang mabilis mainis sa akin. Kaunti at maliit na bagay lang, hindi na niya ako kakausapin o kaya bigla na lang niya akong sisigawan.
Hindi ko maintindihan kung bakit biglang nagbago siya. Iba na rin ang mga kaibigan niya. Para bang 'yung mga dati niyang kaibigan ay hindi na good enough. Kung kailan siya nag-asawa, saka pa siya naging malakas uminom at lumabas-labas.
Hindi ko maintindihan kung bakit biglang nagbago siya. Dati lagi niya akong inuupdate sa buhay niya. Dati, open siya sa akin at masaya siyang mag-share ng mga bagay-bagay tungkol sa kanya. Ngayon, ni hindi niya ako tinitignan. Lagi pang nakatago ang cellphone niya, na para bang may tinatago siya.
Hindi ko alam kung talagang ganito na siya noon pa o bigla na lang siyang nagbagao. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kanya.
Ilang buwan din kaming ganito, habang probationary pa lang siya sa bago niyang trabaho. Hindi ko siya kinakausap tungkol dito kasi hindi naman ako confrontational. May tiwala rin ako sa kanya na may dahilan ang lahat ng ito.
Minsan, nahuli ko pa siyang nakikipagusap sa ibang babae. Pero hindi ko siya inaway kahit na nagseselos ako. Tiniis ko, kahit nagagalit ang mga kaibigan ko dahil nagpapakatanga raw ako. Ginawa ko iyon dahil para sa akin, naniniwala akong pagsubok lang ang pinagdadaanan namin.
Hanggang isang araw, doon niya ikinwento sa akin ang lahat. Sabi niya, pakiramdam daw niya ay hindi siya good enough para sa kanyang bagong trabaho. Pakiramdam niya ay kailangan niyang makipagsabayan sa ginagawa ng ibang tao. Napapaligiran kasi siya ng mga mas batang empleyado. Mga taong nasa gitna pa lang ng paghahanap nila sa kanilang mga sarili.
Hindi ko makalimutan ang sinabi niyang natangay daw siya ng alon. Inagos daw siya ng pagbabago at nakalimutan niya kung saan siya nagsimula.
Aaminin ko na natakot ako sa pwedeng mangyari. Akala ko kasi maghihiwalay na kami. Natakot ako na baka ganoon na talaga siya. Pero makikilala mo lang talaga ang isang tao at kahit ang sarili mo kapag dumaan na kayo sa matinding unos.