Sabi nga nila, "If you can't beat them, join them!" Ganito ang ginawa ng YouTube content creator at member ng Team Payaman na si Viy Cortez para sabayan ang trip ng kanyang fiance na si Lincoln "Cong TV" Velasquez.
Usong-uso ngayon ang moto-vlogging, kaya katulad ng mom of two and host na si Bianca Gonzalez na isang supportive wife kay retired basketball player JC Intal, napa-oo din si Viy kay Cong sa moto-vlogging hobby nito.
Paano, si Viy naman ang nagbigay ng mamahaling motor kay Cong, noong April. October nag-propose si Cong kay Viy, ang mga magulang ni Baby Zeus Emmanuel o Kidlat.
Kaya naman, sa bagong vlog ni Viy, ipinakita niya kung paano niya sinurpresa si Cong bilang isang certified ladyrider.
Nag-aral si Viy ng pagmomotor sa loob ng tatlong araw, sa tulong ni coach Dashi Watanabe, isang Philippine Superbike Champion.
Kuwento ni Viy sa kanyang vlog, hindi sya marunong mag-bike, ngunit gusto niyang sorpresahin si Cong.
Nang dumating ang "Track Day," nagulat nalang si Cong na ang kasabay pala niyang magmotor sa Clark International Speedway ay si Viy. Naka-full gear at big bike ito.
Bulalas ni Cong, "Ikaw pala yun! Ang galing mo talaga. Idol kita!"
Sa post ni Viy sa Instagram, sabi nito kay Cong, "Hindi ako magsasawang sabayan ka sa mga trip mo!"
Puri ng mga netizens, "Iba ka talaga magmahal at sumuporta sa isang Cong TV. Marami na namang mapapa-sana all!"
Ngayon, may bago na silang hobby na ma-e-enjoy nila nang magkasama!
Anong hobby ng iyong partner ang gusto mo din masubukan?