Isa ang newborn screening sa bagay na hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga nanay pagkapanganak sa kanilang sanggol. Ito ay isa sa mahalagang ginagawang pagsusuri sa sanggol pagkatapos niyang lumabas sa sinapupunan ng kaniyang ina. Dito matitiyak kung may iba pang sakit na may kaugnayan sa pagsilang, kaya pinalawig pa ito sa Pilipinas bilang expanded newborn screening.
Ano ang newborn screening?
Ang newborn screening (NBS) ay isang simpleng proseso na ginagawa para malaman kung may congenital disorder ang isang sanggol. Maaari kasing humantong sa mental retardation o sa mas malalang sitwasyon ay pagkamatay kapag napabayaan ang anumang sakit na kaakibat ng pagsilang.
Nakapaloob ito sa ilalim ng Republic Act No. 9288 na “Newborn Screening Act of 2004” na ang bawat ipinapanganak na sanggol ay dapat makakuha at sumailalim sa pagsusuring ito.
Bakit mahalaga ang newborn screening?
Mahalaga ang NBS para malaman kung mayroong metabolic disorders ang mga bagong silang na sanggol. Karamihan kasi sa mga bagong silang ay mukhang normal lamang pero kapag isinagawa ang NBS saka natutukoy ang ilang mga disorders at maging problema na may kaugnayan sa kaniyang paglaki at mental retardation.
Sa pamamagitan ng NBS, mas malalapatan ng agarang solusyon o gamutan at maayos na mapapamahalaan ang sakit dahil maaga itong natukoy.
Paano isinasagawa ang newborn screening?
Ginagawa ang screening na ito sa loob ng 24 oras pagkasilang ng sanggol. Kumukuha ang doktor, nurse, o medical technologist o midwife ng kaunting dugo mula sa sakong (paa) ng sanggol saka ipinadadala sa Newborn Screening Center.
Paano makapag-avail ng newborn screening?
May programa sa NBS ang Kagawaran ng Kalusugan o Department of Health (DOH) sa bansa. Ang Newborn Screening Center (NSC) ng National Institutes of Health ay ang kauna-unahang institusyong akredito ng DOH na nagsasagawa nito. Makukuha o available ito sa mga pampubliko at pampribadong hospital, lying-ins, rural health units, health centers, at mga pribadong klinika.
Sa ilalim ng programang ito ng DOH, kasama ito sa Newborn Care Package (NCP) ng PhilHealth. Nagsimula itong palawakin pa noong Enero 6, 2019. Mula sa 1,750 na halaga ng NCP naging 2,950 na ang pagsusuring ito alinsunod sa National Comprehensive Newborn Screening System.
Ang NCP ay isa sa benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth para sa mahalagang serbisyong pangkalusugan ng mga bagong silang na sanggol sa mga unang araw nito ng mula pagkapanganak. Nakapaloob dito ang newborn care (pagbibigay sa sanggol ng vitamin K, eye ointment, bakuna sa Hepatitis B at BCG), expanded newborn screening (ENBS), at hearing screening tests.
Paano makukuha ang resulta at ano ang nakasaad sa newborn screening?
Makukuha ang resulta kung saan institusyon nag-avail ng pagsusuring ito. Kapag normal ang resulta, nakukuha agad ito sa loob ng 7 hanggang 14 na araw mula nang maipasa sa NSC ang specimen. Pero kapag may positibong resulta ang ENBS, hindi agad ito nakukuha o ibinibigay.
Makikita sa resulta ang 28 sinuring disorder. Kapag nakasaad na “within normal limits,” ibig sabihin ay negatibo ang sanggol sa mga sakit na ito. Pero kapag may hindi pumasok sa nai-set na limit, pinapayuhan agad ang mga magulang na ibalik sa doktor ang sanggol para makapagsagawa pa ng mga pagsusuri o kaya inire-refer sila sa mga eskperto para sa higit na maayos na pamamahala ng anumang sakit na natukoy.
Ano-ano ang mga nakapaloob sa Expanded Newborn Screening?
Dati may anim na disorder lamang ang inaalam mula sa naunang NBS:
- Congenital Hypothyroidism
- Congenital Adrenal Hyperplasia
- Galactosemia
- Glucose-6 Phosphate Dehydrogenase Deficiency (G6PD)
- Maple Syrup Urine Disease
Pero sa Expanded Newborn Screening (ENBS), higit sa 28 ang sinusuri o tinitingnan. Nabibigyang daan na matuklasan ang iba pang genetic disorder ng sanggol pagkapanganak. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:
- Glucose-6 Phosphate Dehydrogenase Deficiency
- Congenital Hypothyroidism
- Congenital Adrenal Hyperplasia
- Galactosemia
- Phenylketonuria
- Maple Syrup Urine Disease
- Cystic Fibrosis
- Biotinidase Deficiency
- Organic Acid Disorders
- Fatty Acid Oxidation Disorders
- Amino Acid Disorders
- Urea Cycle Disorders
- Hemoglobin Disorders
Kaya sa mga malapit nang manganak, isama ang ENBS sa inyong checklist at huwag isintabi lamang. Minsan nagkasakit ang anak ko, bumaba ang hemoglobin niya na kinailangan siyang salinan ng dugo. Pero bago ito, ini-refer kami ng pediatrician niya sa isang eskperto sa hema-pedia.
Mula sa mga clinical test na ginawa, suspected thalassemia ang sabi ng doktor. Kaya agad na hiningi ang kaniyang NBS kung na-detect daw ba ito roon. Nakatulong din talaga ang resulta ng NBS para matiyak ang paunang diagnosis ng doktor sa aking anak.
Mayroon din akong pamangkin na nagkaroon ng liver cancer at namatay sa edad na 4 taon. Lumabas pala kasi sa NBS niya na may G6PD ito pero hindi nila agad kinuha ang resulta kaya napakain siya ng mga bawal o hindi dapat, at napabayaan na hanggang sa magkasakit ito.
Dito ko mas higit na naunawaan ang halaga ng NBS, na ngayon ay expanded newborn screening na. Malaking bagay ito para sa mga anak natin para matiyak ang mga sakit na sakaling nakuha nila pagkapanganak.
Pinagkunan ng Impormasyon:
What Is Newborn Screening And Why It Has To Be Done Within 24 Hours After Birth
https://www.smartparenting.com.ph/parenting/baby/what-is-newborn-screening-a00370-20220211
Newborn Screening Center