Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Nais ng bawat magulang na matiyak na nagbibigay sila ng ligtas at masustansyang gatas para sa kanilang sanggol. Pagdating sa formula milk, mahalagang maunawaan kung paano ang tamang paghahanda at pagtatabi nito. Kailangan ding malaman kung kailan maaaring masira ang formula para sa kalusugan ng iyong sanggol.
Alamin ang mga konseptong ito, at ilan pang mga bagay na dapat malaman ng mga magulang tungkol sa pagpapainom ng formula milk.
BASAHIN: Kung Breastfed Man O Di Kaya Formula-Fed Si Baby, Mahalagang Mag-Ingat Sa Newborn Diarrhea
Gaano Katagal Bago Mapanis Ang Formula Milk?
Ang tamang paghawak at pag-iimbak ng inihandang formula milk ay mahalaga para sa kalusugan at kaligtasan ng iyong sanggol. Narito ang ilang pangunahing impormasyon tungkol sa kung gaano katagal maaaring itabi ang formula milk bago ito masira, depende sa kung paano ito iniimbak.
Sa Room Temperature
Inirerekomenda na anumang inihandang formula na hindi naubos ng iyong sanggol ay dapat itapon kung ito ay naiwan sa room temperature ng higit sa apat na oras.
Sa Refrigerator
Ang mga inihandang formula na hindi agad naibigay sa sanggol ay maaaring itabi sa refrigerator para sa paggamit sa loob ng 24 oras. Siguraduhing ilagay ito sa pinakamalamig na bahagi ng ref at hindi sa pintuan upang masiguro ang pare-parehong temperatura. Markahan ang bote ng petsa at oras ng paghahanda upang madali mong matukoy kung ligtas pa itong gamitin.
BASAHIN: 5 Bagay Na Malamang Hindi Mo Alam Tungkol sa Formula Milk
Signs Na Panis Na Ang Formula Milk
Maasim na ang amoy
Kung nagbago ang amoy ng formula milk mula sa nakasanayang amoy, maaaring indikasyon itong sira na ang gatas sa bote. Madalas ay may pagkaasim ang amoy nito kapag ito ay panis na.
Mas madilaw na ang kulay
Maaring panis na ang formula milk kapag nagbago ang kulay nito. Puwede itong magka-discoloration o maging mas madilaw kapag nakatabi ito sa room temperature nang higit sa apat na oras. Kung may kakaibang kulay na ang formula milk, mas mainam na huwag nalang ito ipainom sa sanggol.
May mga buo-buo
Maaaring magkaroon ng mga buo-buo ang formula milk kahit na maigi itong hinalo. Kapag bagong-halo palang ang formula, maaring magka-buo-buo ito kung hindi sapat ang init ng tubig at kulang lang ang paghalo nito sa bote o dahil expired na ang formula powder. Ngunit kung ang tirang formula milk ay magkaroon ng mga buo-buo matapos itong itabi sa room temperature nang ilang oras, isa itong sign na panis na ang formula milk.
BASAHIN: When Should Formula Be an Option for a Mom? Two Doctors Discuss
Paano Iwasan Ang Pagkapanis Ng Formula Milk?
Mahalaga ang pagpapanatili ng kalinisan sa paghahanda ng formula milk upang maiwasan ang kontaminasyon na maaaring magdulot ng sakit.
Hugasang mabuti ang mga kamay.
Palaging maghugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig bago maghanda ng formula.
Mag-sterilize ng mga kagamitan.
Painitan sa steamer o sterilizer ang mga bote, nipples, takip, at iba pang kagamitan sa pagpapadede ng sanggol. Gawin ito pagkatapos hugasan ang mga ito gamit ang sabon at tubig. Basahin dito ang mga pinakamagandang baby bottle sterilizer brands ayon sa mga nanay sa Smart Parenting community.
Iwasang gumamit ng microwave oven sa pag-init ng formula.
Maaaring magdulot ng hindi pantay na temperatura ang ganitong paraan ng pag-iinit ng gatas at maging sanhi ng pagkapaso ng bibig ng sanggol. Gumamit ng bottle warmer o painitin ang bote sa pamamagitan ng paglubog nito sa mainit na tubig.
Itapon ang anumang hindi naubos na formula.
Huwag itabi ulit ang mga natirang formula mula sa bote pagkatapos ng pagpapadede. Itinuturing na itong contaminated at maaaring bahayan ng mga bacteria. Magtimpla ng panibagong bote ng gatas kung kinakailangan.
Paano Mag-Imbak Ng Formula Milk
Mahalaga ang tamang pag-iimbak ng formula milk upang maiwasan ang kontaminasyon. Narito ang ilan sa mga pangunahing alituntunin na dapat sundin:
Pag-iimbak ng Hindi Nabuksang Formula
- Bigyang-ingat ang lugar ng imbakan. Itabi ang hindi nabuksang formula sa isang malamig, tuyo, at madilim na lugar sa loob ng bahay. Iwasan ang paglalagay nito sa mga lugar na direktang natatamaan ng sikat ng araw o malapit sa mga pinanggagalingan ng init.
- Iwasan ang moisture. Siguraduhing malayo sa moisture ang imbakan upang maiwasan ang madaliang pagkasira ng formula.
- Gumamit ng airtight containers. Ilagay ang formula milk sa mga lalagyang may air-tight seals para sa proteksyon. Huwag ilipat ang formula sa ibang lalagyan hangga't hindi pa ito bubuksan.
Pag-Iimbak ng Nabuksang Formula
- Ilagay sa refrigerator ang tirang formula milk. Para sa liquid formula na nabuksan na, itabi ito sa refrigerator agad pagkatapos buksan. Siguraduhing magbasa ng mga instructions sa pakete para sa eksaktong tagal ng panahon na maaari itong itago sa ref. Karaniwang hindi ito dapat lumagpas ng 24 hanggang 48 oras.
- I-reseal nang maayos ang lalagyan ng formula milk. Siguraduhing muling maisara o mare-seal nang maayos ang pakete ng powdered formula pagkatapos ng bawat paggamit. Makakatulong ito upang panatilihin ang kalidad ng formula at pigilan ang pagpasok ng moisture at bacteria.
- Gamitin ang powdered formula sa loob ng isang buwan. Inirerekomenda na gamitin ang nabuksang powdered formula sa loob ng isang buwan mula sa pagbubukas. Isulat ang petsa ng pagbubukas sa pakete upang madaling matukoy kung gaano ito katagal maaaring gamitin.
- Iwasan ang pag-iimbak sa mainit na lugar. Huwag itabi ang nabuksang formula malapit sa mga aparato na naglalabas ng init o sa direktang sikat ng araw upang maiwasan ang pagkasira.
Alamin kung paano malalaman kung kailan dapat magpalit na ng formula milk para kay baby dito.