embed embed2
Bilin Ng Isang Doktor At Mom Of 4 Kapag Nagpapadighay Ng Sanggol
PHOTO BY Shutterstock
  • Isa sa mga unang dapat matutunan ng mga bagong magulang ang pagpapagdighay ng sanggol. Kapag hindi iyan nagawa nang tama, malaki ang posibleng perwisyo na maidudulot sa parehong panig ng magulang at sanggol.

    Ang pagpapadighay (burping) ay isang mahalagang parte ng pagpapakain kay baby, ayon kay Dr. Madhu Desideraju ng Kids Health. Aniya, nakakatulong ang burping para mawala ang hangin na nalulunok ni baby habang dumedede siya.

    May paliwanag pa si Dr. Remy Tahil, isang general practitioner at mom of 4, sa SmartParenting.com.ph. Sabi niya, ang hangin na nalulunok ng sanggol kapag dumedede mula sa suso ng ina o di kaya sa bote ay maaaring mapuno sa tiyan nito at maging kabag (colic).

    Ang nangyayari tuloy, nagiging “uneasy, fussy” si baby. Kaya nahihirapan si mommy o si daddy na magpatahan o magpatulog ng anak na maligalig. Maaayos ang problema kung matatanggal ang kabag sa pamamagitan ng burping.

    Gaano kadalas ang pagpapadighay ng sanggol?

    Payo ng mga eksperto ng American Academy of Pediatrics (AAP) na dalasan ang pagpapa-burp kay baby. Imbes daw na hintayin mo pa na matapos dumede ang anak, kaagad siyang pagdighayin sa sandaling maging maligalig. Baka kasi kinakabag na siya kaya itigil muna ang pagpapadede.

    Para raw sa breastfeeding mommy, mainam na ipa-burp muna si baby bago ilipat siya sa kabilang suso. Kung pinapadede naman ang anak gamit ang feeding bottle, sikapin na padighayin siya kada inom mula 60 hanggang 90 ml na gatas.

    Mas malimit daw mangyari sa bottle-fed babies ang pagkakalunok ng hangin dahil mas mabilis rin silang dumede. Pero hindi naman nakakaligtas ang breastfed babies sa colic, lalo na kung sagana sa gatas si mommy at ganado sa pagdede si baby.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Paraan ng pagpapa-burp kay baby

    May ilang paraan para mapadighay ang sanggol, depende na minsan sa tingin ng magulang na mabisa para sa kanyang anak. Base sa kanyang karanasan sa apat na anak, ganito ang ginagawa ni Dr. Tahil:

    1. Maglagay ng malinis na lampin o pamunas ni baby sa iyong balikat. Baka ka kasi matapunan ka ng lungad o iyong gatas mula sa bibig ng sanggol.
    2. Ipatong ang baba ni baby sa iyong balikat. Maaari mo iyang gawin habang nakaupo ko o di kaya nakatayo. Siguraduhin lang ligtas ang sanggol at pareho kayong kumportable sa posisyon ninyo.
    3. Gamit ang isang kamay, suportahan ang ulo ni baby. Ang isa pang kamay ay ipangtapik nang marahan sa likuran ng anak.
    4. Sa susunod na pagkakataon, subukan namang ipatong si baby sa kandungan na nakadapa at saka marahang tapikin ang kanyang likuran. Siguraduhin lang na suportahan ang kanyang ulo, at mas mataas ito kesa sa kanyang dibdib.

    (Para sa visual guide, basahin dito.)

    Bilin ng doktor

    Paalala ni Dr. Desiraju na sikaping magpa-burp kada five minutes ng breastfeeding o di kaya kada 1 ounce ng bottle-feeding kung si baby ay:

    • Kabagin
    • Madalas maglungad
    • Mayroong gastroesophageal reflux disease (GERD)
    • Maligalig kapag dumedede

    Kung sakali raw hindi maka-burp si baby kada ilang minuto, baguhin ang kanyang posisyon. Ulitin ang pagpapadighay ng sanggol bago bumalik sa pagpapadede. Huwag kaligtaan ang burping pagkatapos ng feeding time.

    Pagkatapos magpadede, payo ni Dr. Desiraju na panatiliin ng magulang ang patayong posisyon (upright position) ng anak mula 10 hanggang 15 minutes. Tagalan nang kaunti kung may GERD si baby o kaya naglulungad.

    CONTINUE READING BELOW
    watch now

    Puwede rin daw kabagin ang sanggol dahil sa kakaiyak nito nang matagal. Kung minsan naman bigla siyang nagigising dahil sa hangin sa tiyan. Sa parehong sitwasyon, makakatulong ang burping para mapatahan si baby o di kaya makabalik sa pagtulog.

    Sa pagdaan ng panahon, matutunan na ni baby na dumede nang hindi nakakalunok ng maraming hangin. Kaya huwag mag-alala kung dumalang ang pagpapadighay ng sanggol tuwing nagpapadede. Hindi na kasi siya madaling kabagin.

    What other parents are reading

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles
Close