Kung makapagsasalita lamang ang baby sa iyong tiyan, siguro masasabi niyang natatakot siya sa bagong environment sa labas ng iyong sinapupunan. Puputulin kasi ang kanyang umbilical cord. Dahil dito, matitigil na ang kanyang dependence sa placenta upang makakuha ng oxygen at nutrisyon.
Sa oras na manganak ka na, ano-ano nga ba ang mga pag-iingat at kailangang gawin upang masigurong ligtas at magiging malusog ang iyong baby? Bahagi iyan sa mga dapat mong malaman tungkol sa postnatal care.
Mayroong mga sanggol na maaaring premature nang ipanganak, mayroon ding mga difficult delivery, at ang mga mayroong birth defect. Mayroong espesyal na pangangalaga para sa mga sanggol na ito. Halimbawa, sa mga nangangailangan ng intensive medical care, sila ay dinadala sa neonatal intensive care unit (NICU) ng mga ospital.
Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), maraming maternal at infant deaths ang nangyayari lalo na sa unang buwan pagkatapos isilang ang sanggol. Halos kalahati ng mga namatay na nanay ay binawian ng buhay sa loob ng unang 24 oras pagkatapos manganak, at 66% naman sa unang linggo.
Noong 2013, 2.8 milyon na newborns ang namatay sa loob lamang ng unang buwan nila, kung saan 1 milyon sa kanila ang namatay sa unang araw pa lang. Nakasaad din sa ulat na higit na ring napabubuti ngayon ang kalagayan ng mga babaeng kapapanganak lamang. Ito ay batay sa datos na nakalap sa buong mundo.
Nasa 72% sa kanila ang naaasikaso nang mabuti ng mahuhusay na medikal na practitioners at ang maternal mortality ratio ay bumaba mula 380 hanggang 210 kada 100,000 live births sa pagitan ng 2000 at 2013.
Ayon pa sa WHO, mayroon ding updated global guidelines ukol sa postnatal care para sa mga nanay at sa kanilang newborns sa pamamagitan ng isang technical consultation process. Nakasaad dito ang timing at nilalaman ng postnatal care, na mayroong espesyal na tuon sa resource-limited settings sa low at middle-income na mga bansa.
Bahagi rin ng postnatal care ang counselling tungkol sa family planning, maternal mental health, nutrisyon at hygiene, at gender-based violence.
Pagkatapos ng delivery, caesarean man o normal, kadalasang agad na dinadala ang sanggol sa tabi ng kanyang nanay. Tunay na nakamamangha ang newborn babies at tandaang sadyang umaasa pa sila para sa kanilang pagkain at sa mapagkalingang presensya ng kanilang nanay. Dito higit na dapat pagtuunan ng pansin ang postnatal care.
Mga payo ng eksperto sa postnatal care
Una sa lahat, mahalaga ang maagang health assessment. Isa sa mga pangunahing isinasagawa ang Apgar test. Isa itong scoring system na nagbibigay ng ebalwasyon sa kondisyon ng newborn sa 1 minuto at 5 minuto pagkatapos siyang isilang. Ang healthcare provider o midwife at mga nurse ang magbibigay ng evaluation gamit ang sumusunod na senyales at point value: Activity, Pulse, Grimace, at Respiration.
Mahalaga rin na sundin ang mga sumusunod:
- Ugaliing maghugas ng kamay bago hawakan ang iyong baby. Mahina pa ang kanyang immune system kaya mas mabilis pa siyang madadapuan ng sakit.
- Kapag hawak ang iyong baby, ingatan ang ulo at leeg niya dahil napaka-fragile pa nito. Siguraduhing naka-fasten nang mabuti sa carrier o stroller ang iyong baby. Huwag ding i-shake ang sanggol dahil maaari itong magdulot ng pagdurugo sa kanyang utak, at ng kamatayan. Kung nais mo lang siyang gisingin, imbes na alugin siya, puwede mong kilitiin ang kanyang mga paa para magising.
- Tandaang hindi rin handa ang baby mo sa mga magaslaw o rough play kaya iwasan muna ito upang hindi siya masaktan.
- Tulungang huminga ang iyong baby. Mahalagang matanggal ang mucus sa ilong ng iyong baby at sa kanyang bibig upang makahinga siya nang mabuti. Maaaring gumamit ng basang tuwalya o lampin. Kasunod din nito ang pagmasahe sa likod.
- Normal lang ang pag-iyak ng sanggol dahil nakatutulong ito na mawala ang extra fluid na maaaring nasa baga pa, ilong, at bibig.
- Malaking tulong sa kalusugan niya ang maaga at eksklusibong breastfeeding (EBF).
Postpartum appointments
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, inirerekomenda ng medikal na mga asosasyon ang pagbisita ng mga babae sa kanilang obstetricians at primary care doctors pagkatapos manganak, ngunit wala pa sa kalahati sa kanila ang pumupunta o bumabalik para sa postpartum appointments. Natuklasan sa pag-aaral na mas nagpupunta sa appointments ang mga babaeng nagkaroon ng komplikasyon ang pagbubuntis.
May paliwanag si Wendy Bennett, M.D., assistant professor ng medisina at lead researcher ng nasabing pag-aaral. Aniya, “Women need to understand the importance of a six-week visit to the obstetrician – not only to address concerns and healing after delivery, but also to follow up on possible future health risks, review the pregnancy and make the transition to primary care.”
Sabi pa ni Dr. Bennett, kailangang bumuo pa ng malikhaing mga paraan upang ma-improve ang attendance sa postpartum/natal visits. Halimbawa, sa Johns Hopkins Bayview Medical Center, mayroon na silang combined “mommy-baby” visits.
Ang iba pang maaaring gawin ay home visits at collaborations kasama ang day care centers, community centers at mga simbahan, dahil mas convenient ito para sa komunidad. Mainam din kung may inisyatibo ang mga ospital at mga doktor, tulad sa pagsasaayos ng future appointments, o pag-asikaso sa transportasyon ng mga pasyente.
Diin ni Dr. Benett, “Pregnancy is a teachable moment – many women are very motivated to make healthier lifestyle choices to keep themselves and their babies healthy. After a birth, we need to keep them motivated.”
Iba pang rekomendasyon sa postnatal care
Narito ang ilan pang makikita sa guidelines ng WHO na bunga ng kanilang pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng mga nanay at sanggol sa buong mundo:
- Mas palakasin ang postnatal care sa pamamagitan ng pagbisita sa mga tahanan at health facilities.
- Maglaan ng oras para sa apat na postnatal visits sa:? Unang araw (24 oras)? Araw 3 (48–72 oras)? Araw 7–14? Anim na linggo
- Maglaan ng pagkakataon para sa home visits ng midwives, iba pang skilled providers o well-trained at supervised community health workers (CHWs).
- Gumamit ng chlorhexidine pagkatapos ng home deliveries sa high newborn mortality settings.
- Ire-emphasize at suportahan ang quality postnatal care para sa nanay at sa sanggol, kasama ang pagtukoy sa mga isyu at referrals.
- Sa bawat apat na postnatal care checkups, kailangang matukoy kung ang newborns ay may key clinical signs ng malalang karamdaman.
- Hikayatin ang mga nanay sa maagang pagpapasuso sa kanilang mga sanggol. May mga patunay na nababawasan ng maagang pagpapasuso ang risks ng mortality at morbidity. Nahihikayat din nito ang pagpapabuti sa birth spacing dahil nadi-delay ang pagbalik ng fecundity o kakayahang muling makabuo sa sinapupunan.
- Mag-apply ng chlorhexidine (7.1% chlorhexidine digluconate aqueous solution o gel, na may 4% chlorhexidine) sa umbilical cord stump araw-araw sa unang linggo pagkatapos isilang ang baby.
Mayroon ding iba pang mga paalala at payo ang mga eksperto, pati na karagdagang impormasyon tungkol sa wastong pag-aalaga sa baby. Anila, dapat maunawaan hindi lamang ng nanay kundi ng tatay at iba pang mga miyembro ng pamilya:
- Mainam kung pasusuotin ang baby ng 2 o higit pang layers ng damit upang hindi siya lalamigin. Makatutulong din na lagyan siya ng sombrerong malambot at makapal ang tela.
- Huwag maglagay ng kahit ano sa stump ng kanyang pusod.
- Panatilihing malinis ang baby. Hindi naman kailangang araw-araw itong paliliguan, ngunit kailangang hilamusan lagi at hugasan tuwing siya ay dumudumi.
- Mainam kung gatas mula sa pagpapasuso ang maipapainom sa kanya.
- Hayaang matulog ang iyong baby nang nakatihaya o pagilid.
- Ilayo ang iyong baby sa usok.
- Iwasan ding itapat ang iyong baby nang direkta sa init ng araw.
Kailan dapat komunsulta sa doktor?
Maging alerto at pansining mabuti kung mayroong ganitong mga sintomas ang inyong baby:
- Nahihirapang huminga
- Mataas ang lagnat
- Nilalamig
- Dumaranas ng bleeding
- Hindi kumakaindilaw ang kulay ng mga palad at talampakan
- Nagtatae
Kailangang agad na dalhin sa doktor ang anak kapag:
- Hindi kumakain sa loob ng 24 orasmay pus o discharge sa mata o sa balat
- May pus o dugo sa pusod
- Naninilaw ang mga mata o balat
- May ulcer o thrush (white patches) sa bibig
Mahalagang magpa-check up kaagad upang masuri ng doktor ang iyong baby. Mainam ding dahil sa patuloy na umuunlad nating teknolohiya, mas maraming mga may sakit ang natutulungang gumaling, kasama na rito ang mga nanay at kanilang sanggol na nasa postnatal period.
Dahil madalas malito ang mga tao sa postpartum (sa nanay) at postnatal (sa sanggol), itinuturing na unifying term ang postnatal care para sa lahat ng usapin tungkol sa pag-aalagang dapat matanggap ng bagong silang na baby at kanyang nanay. Sakop nito ang panahon mula sa oras ng panganganak hanggang sa 6 na linggo o 42 araw pagkatapos ng araw ng kapanganakan.
Basahin dito ang mga payo sa mga nanay na kapapanganak lamang.