Talamak sa social media ang mga content creator na namimigay ng papremyong cash kapalit ang pagsunod sa simpleng mechanics. Kamakailan, nagbabala ang mga netizens matapos magpost ang isang content creator na nanghihingi ng pictures ng mga bata kapalit ang cash. Dahil sa hirap nga naman ng buhay, nakaka-enganyo talagang sumali. 'Wala namang mawawala,' ika nga ng iba.
"Bring me cute picture ng anak mo, yung naka-smile. Prize: 1k pambili ng pagkain," nakasaad sa isang Facebook post. Ang post na ito ay dinumog ng mga netizens sa comments section, na nagbababala sa mga magulang na huwag ipadala ang pictures ng kanilang mga anak sa nagpost nito.
Ani ng iba, isa daw malaking “red flag” ang pamimigay ng pera kapalit ang baby pictures. Paliwanag nila, hindi natin alam kung saan gagamitin ang mga baby pictures. Maaaring fake pala ang Facebook account na gamit at maaaring gamitin ang mga litratong ito ng mga online predators na nangaabuso at nambibiktima ng mga bata sa internet.
Nauso rin ang mga 'cutest baby photo contests' sa iba’t ibang Facebook pages kung saan hinihikayat ang mga magulang na ipost ang baby pictures ng kanilang anak kapalit ng cash prizes o bilang bahagi ng paramihan ng likes.
Bago sumali sa mga contest na ito, maging mapanuri lalo na sa mga Facebook pages na madalas na nagpapalit-palit ng pangalan, bagong gawa lang ang account, kakaunti ang followers, at walang malinaw na impormasyon tungkol sa may-ari ng page. Ang iba naman, ginagamit ang profile picture ng ibang tao o mga stock photo mula sa internet.
Bakit dapat mag-ingat sa pagpopost ng baby pictures kapalit ng pera?
1. Posibleng mabiktima ng identity theft.
Kuwento ng isang netizen, may isang batang muntik nang makidnap dahil may isang lalaking nagpakita ng picture nito. Akala raw ng mga kalaro ng bata ay kakilala ito.
Maaari ring gamitin ng mga sindikato ang mga nakuhang baby pictures sa mga romance or love scams, kung saan ipapakita ang litrato at sasabihing anak o pamilya nila ito.
2. Maaaring gamitin ang mga litrato sa AI.
Kung ang iyong social media accounts ay naka-public, maaaring mapasok ng mga web crawlers ito para gamitin sa mga artificial intelligence (AI). Ang web crawlers ay isang program o bot na nagsi-search sa mga websites at kina-categorize ang mga content na nakikita dito. Kung nakuha ng AI ang litrato ng iyong anak, maaaring magamit ito sa iba't ibang paraan kabilang ang paglalagay sa online ads—nang walang pahintulot ninyo.
Maaari nang gamitin ang AI upang lumikha ng deepfake images o videos, kung saan pinalalabas na may ginagawa ang isang tao kahit hindi ito totoo. Isipin kung paano maaaring gamitin ang baby pictures sa ganitong paraan—at kung paano ito maaaring mapasama sa maling kamay.
3. Maaaring ibenta ang mga litrato sa pedophile websites and forums.
Isa sa pinakamalalang maaaring mangyari ay ang pagbebenta ng litrato ng iyong anak sa mga website o forums na dinadaluhan ng mga pedophiles—mga indibidwal na may hindi nararapat na interes at pagnanasa sa mga batang menor de edad.
Ayon sa Safer Kids PH, daan-daan milyong litrato o bidyo ng mga batang biktima ng sexual abuse ang kumakalat at ibinibenta online. Kahit ang mga sanggol na tatlong buwan pa lamang ay biktima ng online sexual abuse.
Anong dapat gawin ng mga magulang?
1. Maging mapanuri at maalam.
Umiwas sa pagsali sa mga contest na humihingi ng litrato ng iyong anak, gaano man kaliit o kalaki ang halaga ng premyo. Huwag ring mag-download ng mga 'trending' na mobile apps o filter na nangongolekta ng mga litrato at personal information. Umiwas rin sa pag-click ng mga link na nakikita sa social media na hindi credible o verified ang source.
2. Kung kailangang ibahagi ang litrato ng anak, gawin ito sa pribadong paraan.
Hangga’t maaari, huwag magpost sa social media ng litrato at mga personal details ng anak, gaya ng birthday, eskwelahan, o location. Ipadala lamang ito sa pamamagitan ng private message sa mga kaanak at mapagkakatiwalaang mga kaibigan. Mas maigi rin daw na sabihan at paalalahanan ang mga kamag-anak at kaibigan na ang mga litrato ng anak ay hindi dapat ilabas sa social media, halimbawa, i-post sa kanilang My Day o sa kanilang account.
3. Huwag magpopost ng litrato ng anak kung walang consent.
Mas mainam na hintaying nasa wastong edad ang anak at tiyaking may pahintulot nila bago ipost ang kanilang litrato sa social media. Huwag na huwag maguupload ng litrato ng bata na nakahubad o kita ang mga maselang bahagi ng katawan.
Payo rin ng educator at content creator na si Lyqa Maravilla, huwag magpopost ng litrato ng mga kaklase ng anak sa social media, kung walang consent ng magulang.
4. May magagawa ka pa.
Maaaring balikan ang mga litratong naipost mo na noon at burahin ito o irestrict ang mga taong makakakita nito. Makakatulong din kung gawing private ang setting ng iyong profiles.
Ayon kay Leah Plunkett, isang faculty member ng Harvard Law School, mainam na mag-isip ng mabuti bago mag-post ng litrato ng anak online. Ilagay ang sarili sa posisyon ng anak, at isipin kung makabubuti ba ito o makakasama. Bago mo pindutin ang ‘Post,’ tanungin ang sarili—ito ba ay makakabuti sa anak ko, o posibleng maging peligro?
Payo ni Plunkett, "I follow a "holiday card-or-less" rule of thumb when sharing on social media: updates you'd be comfortable with anyone, from your great aunt to your boss, seeing. Information that's not going to embarrass anybody and isn't particularly private (Sinusunod ko ang tinatawag na ‘holiday card-or-less’ na panuntunan kapag nagbabahagi sa social media—mga update na hindi mo ikahihiya at magiging komportable kang makita ng kahit sino, mula sa iyong tiyahin hanggang sa iyong boss)."
Kung makakita ng kahina-hinalang posts na humihingi ng baby pictures kapalit ng cash, i-report ito agad sa Facebook at i-share ang impormasyon sa ibang magulang upang maiwasan ang posibleng panganib.
Basahin kung bakit hindi ipinopost ni Maja Salvador ang litrato ng anak sa social media dito.