Sa murang edad ng bata, maaaring makagisnan at maging malay siya sa pananaw na ang mundo ay hindi patas o pantay. Kaya naman, bilang mga magulang, mahalagang maipaunawa natin sa kanila ang pagkakaiba-iba ng mga bagay na nasa kanilang paligid.
Nananawagan din ang UNICEF ng agarang pagtugon sa implementasyon ng mga polisiya na magbibigay ng proteksyon sa bata at kabataan mula sa bullying, mapa-online man o offline. Mahalagang matugunan at makagawa ng aksiyon na masolusyunan ang suliraning ito sa bahay, paaralan, at komunidad na ginagalawan at ang online world na kinabibilangan ng bata.
Dagdag pa, mahalaga ang pagtatatag at pagkakaroon ng mga pambansang helpline na susuporta sa mga bata at kabataan para agad nilang mai-report ang anumang pang-aabuso o pambu-bully na mararanasan nila. Ayon sa UNICEF, ito ang isa sa pinaka-kongkretong hakbang.
Gayundin ang pagbibigay ng training o pagsasanay sa mga guro at mga magulang sa pagtugon at pag-iwasan sa bullying para makatiyak sa kaligtasan ng mga bata at ng mga kabataan.
Mga Tips Para Maiwasan Ang Bullying
Narito ang ilang payo mula sa mga magulang at guro na nakausap ng Smart Parenting sa kung paano makaiiwas sa bullying:
1. Responsableng Pagmamagulang
Para kay Mommy Yana, mahalagang umpisahan ito sa pagiging responsableng magulang sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa mga anak ng makabubuti sa kapwa at hindi. Iwasan na ang pagsasabi sa bata na ”Kapag may nang-api o nang-away sa iyo, gumanti ka, suntukin mo agad.”
Pakinggan ang sumbong ng anak, ngunit hindi kailangang agad na sumugod. Makipag-ugnayan sa guro at alamin ang buong pangyayari, o mag-imbestiga bago gumawa ng mga tamang hakbang. Iwasan din dapat ng magulang na maging padalos-dalos o magpadala sa bugso ng damdamin. Sa halip, maging mabuting ehemplo sa mga anak, at bigyan sila ng tamang payo.
Ganito rin ang pananaw ni Mommy Roan na para sa kaniya, kailangang magsimula sa tahanan o pamilya ang tamang pagtrato sa isa’t isa. Kung sa bahay pa lamang, hindi nakararanas ng bullying ang bata, hindi na niya ito madadala sa paaralan o sa paglabas niya, kundi mga mabubuting kaasalan.
2. Pagtanggap ng bata sa kaniyang sarili
Para naman sa isang edukador, si Teacher Mao, naniniwala siyang maiiwasan ang bullying kung may buong pagkilala at pagtanggap ang bata sa kaniyang sarili. Mas napalalim at napagtibay ang kaniyang pagkakaroon ng tiwala sa sarili.
3. Pagpapakilala sa anak sa iba’t ibang kapansanan
Para kay Mommy Arl, sa edad na anim na taon ng kaniyang anak, maaga niyang itinuro sa kaniyang anak ang iba’t ibang kapansanan kasama na rin ang pagpapaunawa sa pagkakaiba ng hitsura at anyo ng bawat tao para kapag nakakita o nakasalubong ito sa kalsada ay hindi nito pagtatawanan. Lalo na rin at sa isang public school na may special education (SPED) students nag-aaral ang kanyang anak.
4. Pagpapaunawa sa kanila ng pagkakapantay-pantay ng kasarian (gender equality)
Isa pa ring ginawa ni Mommy Arl ay ang hindi pagtuturo ng kulay at mga laruan na may katumbas na kasarian. Halimbawa, hindi niya sinasabi sa kaniyang anak na ang blue ay hindi para sa lalaki lamang at ang pink ay para sa babae lamang din. Kundi, anuman ang kulay at uri ng laruan ay puwede kahit kanino. Sa kabilang banda, maipauunawa rin sa ganitong konsepto ang pagkakaiba ng kulay ng balat ng bawat tao.
5. Pagkakaroon ng bukas na komunikasyon
Para kay Mommy Emie, ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa anak ang susi sa anumang problema. Importante sa kaniya ang palaging pangungumusta sa kaniyang anak at nagbibigay siya ng panahon na makipagkuwentuhan dito lalo na kapag sinusundo niya sa paaralan. Sakaling may marinig din siyang sumbong, tinitiyak niyang hindi nagiging negatibo ang reaksiyon niya. Sa pagkakaroon ng bukas na komunikasyon, mas maibabahagi rin kasi ng anak ang mga nararanasan niya sa paaralan o labas ng bahay, at sa anumang sitwasyon.
6. Turuan ang bata ng tamang pagharap sa bullying
Para sa isang kamag-anak naman, gaya ni Tita Tina, mahalagang sa murang edad din ng mga bata ay maituro na sa kanila ang konsepto ng bullying at kung sakali na maharap sila sa ganito mang sitwasyon, alam nila kung paano kikilos at ano ang tamang maging reaksiyon.
7. Pagtuturo sa mga bata na manindigan sa mabubuting asal
Para naman kay Teacher Jed, naniniwala siyang dapat may malalim at matibay na sandigan ng mga tamang kaasalan ang mga bata sa bahay pa lamang. Sa paaralan, higit na pinagtitibay sa tulong at gabay ng guro ang nasimulang kagandahang asal at natuturuan silang magkaroon ng paninindigan sa kung ano ang tama at mabuti sa kapwa.
Sa sarili kong danas naman bilang magulang na dumaan din sa bullying noong bata, ipinaunawa ko ang konsepto ng bullying sa aking mga anak sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kuwento sa kanila.
Isa sa librong binasa ko sa kanila ang “Different Like Me” na isinulat ni Xochitl Dixon. Itinatampok sa kuwento ang pagkakaroon ng natatanging katangian ng bawat bata. Paulit-ulit na binabanggit sa libro ang pahayag na “I look around me and what do I see? So many kids who are different from me…” at sa hulihan naman mababanggit ang “God made every kid different and special, like me.”
Ang mga linyang ito sa kuwento ang mahalagang maipaunawa natin sa mga bata na ang lahat ay magkakaiba. Kung higit nilang ma-a-appreciate at magiging buo ang pagtanggap nila sa kanilang sarili at malalim ang pag-unawa sa pagkakaiba nila sa ibang bata, tiyak na mapananatili ang malalamin na respeto at pagpapahalaga ng bawat isa sa kaniyang kapuwa. Sa gayon, maiiwasan ang pagkakaroon ng bullying.
Bukod dito, marami pang magagandang kuwentong pambatang Filipino ang nabasa ko rin sa kanila gaya ng ”Ang Kaklase Kong Bully” ni Genaro Gojo Cruz at “Masaya ang Maging Ako” ni Zarah Gagatiga.
May ilan pang libro sa Ingles na puwede nating basahin sa ating mga anak para mas maintidihan nila ang pagkakaiba-iba at pagtanggap ng kanilang sarili. May mga activity books din para dito gaya ng “Finding Joy in Our Differences” ni Emily Murphy. Puwedeng puntahan ang link na ito ito para sa kopya ng libro.
Basahin ang 10 senyales na nabubully ang iyong anak dito.