Exciting at challenging ang paglipat ng paaralan lalo na para sa mga bata. Malaking bagay ito para sa kanila at hindi rin madali lalo kung may mga matalik na kaibigang maiiwan. Kasama sa posibleng aalalahanin nila ang bagong mga guro, mga kaklase, at baka mahirapan sila sa exams sa lilipatang school.
Nakapapagod din ang proseso ng paglipat ng paaralan para sa mommies at daddies na mag-aasikaso ng lahat ng kailangan.
May iba't ibang dahilan ang paglipat ng paaralan katulad ng sumusunod:
- Paglipat ng tirahan ng pamilya
- Pagbabago sa academic needs
- Pagnanais na sumubok ng ibang kurikulum
- Pangangailangan ng kapaligirang mas positiboat makatutulong sa mental health ng anak
- Bullying sa kasalukuyang paaralan
- Health concerns, safety issues ng bata at ng pamilya
Sa artikulong ito, sisikapin nating maglatag ng ultimate guide to transferring elementary schools. Komprehensibong gabay ito para maging mas madali at magaan ang transisyon patungo sa bagong paaralan.
Mga dahilan sa paglipat ng paaralan
Paglipat ng Tirahan
Importanteng pumili ng paaralang malapit sa inyong bahay.
Kapag mas malapit ito, mas mabilis ding makararating sa paaralan at makauuwi ng bahay ang iyong anak. Mas magkakaroon siya ng sapat na oras para makapagpahinga at makagawa ng takdang-aralin, at makapaglaro. Dagdag quality time rin sa pamilya ang oras na hindi nagagamit sa pagbiyahe o commute.
Pagbabago sa Academic Needs
Kung mayroong espesyal na pangangailangan ang bata, mahalaga ring ilipat siya sa paaralang kayang ibigay sa kanya ang advanced o specialized programs. Karaniwang may assessments at rekomendasyon mula sa guro kaya dapat na makipag-ugnayan sa paaralan tungkol dito.
Kurikulum at Programa ng Paaralan
May mga magulang ding nagdedesisyong ilipat ng paaralan ang anak batay sa kurikulum at educational philosophy. Malaking bagay kung aligned ang values ng pamilya sa mga pagpapahalagang itinuturo ng paaralan.
Nakatutulong din sa bata na ang kanyang paaralan ay may programa para sa extracurricular activities, kagaya ng arts, sports, at musika.
Bullying at Safety Concerns
Kung ang iyong anak ay humaharap sa social o behavioral challenges sa kanyang paaralan, makatutulong ang pagbabago ng environment at paglipat ng paaralan.
Hindi nga ganoon kadali ang proseso kaya’t dapat pag-isipan nang mabuti. Tandaang dapat suriin ang pangangailangan sa paglipat ng paaralan, talaga bang kailangang lumipat?
RELATED: Hindi Limitado Ang Bullying Sa Physical Abuse: 5 Pang Uri Ng Pambubulas
Isa-isahin ang pros at cons, at sikaping pahalagahan ang ikabubuti ng iyong anak, gaano man kahirap ang magiging proseso ng paglipat.
Paghandaan din ang mental at emotional needs na pagdaraanan ng anak sa ganitong transisyon.
Magsaliksik tungkol sa potensyal na mga paaralan. Makikita sa website ng Department of Education (DepEd) ang listahan ng accredited na mga paaralan sa inyong area.
Public vs. Private Schools
Pag-isipan kung ipapasok ang iyong anak sa private o sa pampublikong paaralan. Karaniwang mas mura ang tuition fee sa public habang mas diverse naman at mas mababa ang bilang ng mga estudyante sa bawat klase kapag pribadong paaralan.
Magbasa rin ng online reviews, kausapin ang mga magulang ng mga estudyante, at bisitahin ang paaralan upang makausap ang administrator at mga guro nito. Mahalagang ma-evaluate ang kurikulum at mga programa ng potential schools upang matukoy kung ito ba ang kailangan ng iyong anak.
Tatlong Tanong Na Dapat Sagutin Bago Ilipat ang Iyong Anak sa Bagong Paaralan
- Naaayon ba sa inyong educational needs and goals ang kurikulum at programa ng paaralan ng inyong anak?
- Malapit ba ang paaralan sa inyong bahay at nasa ligtas na enviroment ito?
- Mayroon bang extracurricular activities ang paaralan na makatutulong sa holistic development ng mga bata?
Pagpasa ng Requirements at mga Dokumento
Kapag nakapili na kayo ng bagong paaralan, kailangan namang asikasuhin ang academic records at iba pang mga dokumento.
Narito ang mga hakbang na dapat gawin:
1. Kontakin ang kasalukuyang paaralan ng anak at ipaalam ang intensyon ng paglipat ng paaralan. Sila ang magbibigay ng mga requirements at iba pang kailangang ipasa.
2. Mag-request ng transcripts at records mula sa kanyang paaralan. Kailangan itong ipasa sa bagong paaralan para makapag-enroll siya.
3. Ihanda ang immunization records at siguraduhing updated ito. Ihanda ang kopya ng birth certificate dahil kailangan din ito sa enrollment.
4. Ipasa ang aplikasyon kasama ang iba pang required documents.
5. Matapos ang pagpasa ng lahat ng dokumento, daraan din ang iyong anak sa interview at/o assessment. Mahalaga ito upang matukoy kung sa anong baitang mapabibilang ang iyong anak.
6. Ihanda ang enrollment fee. Tanungin ang bagong paaralan tungkol sa iba't ibang opsyon na maaring pagpilian, halimbawa quarterly o full annual payment.
7. Dumalo sa oryentasyon para sa mga magulang. Makatutulong ito upang maunawaan ang mga tuntunin at iba pang polisiya ng paaralan.
Ang paglipat ng paaralan ay talagang challenging para sa mga bata kaya kailangan ng masusing paghahanda ng buong pamilya.
Higit pa sa requirements, tandaan ding magkasama kayo ng inyong anak sa pagharap sa bagong prosesong ito. Makatutulong kung gagabayan mo siya hanggang sa makapagsimula siya sa bago niyang paaralan.
Ano-ano ang maaari mong gawin kasama ang anak tungkol sa paglipat ng paaralan:
- Makatutulong ang bukas na komunikasyon. Kausapin mo ang iyong anak. Alamin at pakinggan kung ano ang kanyang nararamdaman, pag-aalinlangan, mga inaasahan, at mga kinatatakutan. I-assure siya na nariyan ka sa kanyang tabi sa buong proseso.
- Bisitahin ang bagong paaralan kasama ang iyong anak. Alamin kung ano ang tingin at nararamdaman niya tungkol dito. Nakababawas din sa anxiety kapag pamilyar na siya sa paligid nito.
- Makipag-usap sa mga guro at sa staff. Ipakilala rin ang iyong anak sa kanila. Sa ganitong paraan, maihahanda ng iyong anak ang sarili sa unang araw ng klase.
- Mahalaga rin ang pagpapanatili ng routines. Nagkakaroon ng sense of stability ang mga bata kapag mayroon silang consistent na iskedyul.
Mahalagang tandaang magkakaiba rin ang mga bata sa pagharap sa ganitong mga proseso at karanasan kaya iwasang ikumpara ang anak sa iba. Kapag hindi gaanong naproseso ang damdamin ng iyong anak, maaaring makaramdam siya ng anxiety, magkaroon ng negatibong impact sa kanya, at posible ring matigil ang kanyang pag-aaral nang mabuti.
Kapag sapat din ang paggabay mula sa magulang, nagiging positibong karanasan ang paglipat ng paaralan kahit na halo-halong emosyon ang nararanasan ng bata. Mainam na maipaliwanag na pinakamahalagang pagtuunan ng pansin ang maidudulot ng bagong paaralan sa pagkatuto niya.