Tagalog,bullying,bullying in school,con-00370,sc23,uri ng pambubulas,Uri Ng Pambubulas | Smart Parenting,uri ng pambubulas, bullying, bullying types, bullying signs, pambubulas,Hindi limitado ang bullying sa physical abuse dahil marami pang mga uri ng pambubulas.
ParentingTweens & Teens

Hindi Limitado Ang Bullying Sa Physical Abuse: 5 Pang Uri Ng Pambubulas

Mga dapat malaman tungkol sa pambubulas, o bullying.
PHOTO BYCanva

First day ng anak mo sa eskwelahan. Hindi mo tuloy maiwasang mag-alala. Kahit excited kayong dalawa, nariyan pa rin ang kaba. Sumasagi rin sa isip mo kung makasusundo kaya niya ang kanyang mga kaklase. Hindi ka rin mapakali dahil baka ma-bully ng ibang bata ang iyong anak, lalo na’t malawakang problema sa Pilipinas ang iba’t ibang uri ng pambubulas.

Mga dapat malaman sa pambubulas

Base sa datos ng National Baseline Survey on Violence Against Children na isinagawa ng Council for the Welfare of Children noong 2016, merong 66% ang nakaranas ng pisikal na karahasan, 58% ang emosyonal na pambubulas, 20% ang sexual violence, at 65% sa iba't ibang uri ng bullying.

Tinatayang nasa 17.5 milyong kabataang Pilipino ang nakaranas ng bullying, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian sa Senate Committee on Basic Education inquiry ukol sa implementasyon ng Republic Act (RA) No. 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013.

RELATED: 3 Philippine Laws You Can Turn To Protect And Defend Your Child Against Cyberbullying

Ang pambubulas, o bullying, ayon sa paliwanag ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ay uri ng youth violence. Ito ay anomang hindi kanais-nais na mapangahas o aggressive behavior(s) ng isang bata o grupo ng kabataan na hindi magkakapatid o magkasintahan.

Mayroon ding nao-obserbahang power imbalance at paulit-ulit, o mataas ang posibilidad na mauulit ang ganitong behavior. Ang ganitong maling pagtrato sa kapwa ay mapanganib para sa pisikal at emosyonal na well-being ng sinomang biktima o target. Mahalaga na malaman ang iba't ibang uri ng pambubulas (types of bullying).

Sa isang 2014 meta-analysis ng 80 pag-aaral tungkol sa bullying involvement rates ang nagpapakita ng sumusunod na datos: 

  • 35% ng mga mag-aaral edad 12 hanggang 18 ang nakaranas ng tradisyonal na pambubulas at 15% ang nakaranas ng cyberbullying
  • 20% ng Grades 9-12 students sa U.S. ang nag-report na sila ay nabu-bully
  • Mahigit 70% ng mga mag-aaral ang nagsabing nakakita o witness sila sa bullying incidents sa kanilang paaralan
watch now

Sa mga paaralan, karaniwang nangyayari ang bullying sa sumusunod na mga lugar:

  • silid-aralan
  • hallways
  • locker areas
  • cafeteria
  • gyms (PE classes)
  • banyo
  • palaruan (playground)

Mga senyales ng bullying sa biktima

  • mood swings
  • hirap sa pagtulog
  • kagustuhang mapag-isa
  • pag-iyak nang madalas

Ilan pa sa psychosomatic symptoms ang sumusunod na kadalasan ding makikita sa mas may edad na kabataan:

  • paglalayas
  • alcohol at drug abuse
  • absenteeism, o iyong parating lutang ang pag-iisip
  • pagkakaroon ng self-inflicted, accidental, o perpetrated injuries
  • anxiety at depression
  • mataas ang panganib ng ng pananakit sa sarili (self-harm) at pagkakaroon ng  suicidal ideation

Kung dati astig o siga ang paningin ng mga tao sa mga mahilig mambulas (halimbawa, ang excuse na ang batang bully ay “nagmana” lang sa tatay na pulis), ngayon naman ay unti-unti nang namumulat ang mga Pilipino (maging ang lahat ng tao sa buong mundo) na nakakasira ng mental health ang bullying. Nagiging sanhi ito ng trauma at dapat nang solusyonan at tuldukan ang ganitong kultura at gawain.

Kahit sino ay maaaring mabiktima ng pang-aabuso anuman ang edad, kasarian, at katayuan sa buhay. Maaaring ilan sa kanila ay walang sapat na kakayahang proteksyunan ang sarili, lalo na ang mga bata, may kapansanan, minoridad at mga nakatatanda (senior citizens).

RELATED: Epekto Ng Pambubully Sa Mga Bata: Isang Malalim Na Pagsusuri

Mga uri ng pambubulas

Verbal na pambubulas

Paggamit ng mga pahayag, mga salita, at name-calling upang makontrol ang target o biktima. Pinipili ng bullies ang targets batay sa itsura nito at kung paano ito kumikilos. Karaniwang target ang mga batang may special needs.

Madalas na ginagawa ang verbal bullying kapag walang nakatatanda o person of authority sa paligid. Mahirap itong mapatunayan at maraming pagkakataon na hindi naparusahan ang bully dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Kailangang tandaan na seryoso rin ang epekto nito at nakapag-iiwan ng malalim na emotional scars.

Physical bullying

May popular na aklat pambata kung saan ang karakter na si Rigor ay kinatatakutan ng kanyang mga kaklase. Siya ang pinakamalaking bata sa klase at tinawag na salbahe dahil sa kanyang pag-uugali. Binu-bully kasi ni Rigor at sinasaktan ang kanyang mga kaklase.

Nangyayari ang pisikal na pambubulas sa pamamagitan ng mga kilos na naglalayong makontrol at takutin ang target. Halimbawa nito ang pagtisod, pagsipa, paghampas, pagsuntok, pangungurot, pagsampal, pagtulak, at iba pang pisikal na pag-atake.

Kasama rin dito ang pagkuha at pagsira ng mga gamit, pag-alis ng upuan ng taong uupo para matumba ito at mahulog sa sahig, at pagpapakita ng bastos na senyas ng daliri. Tandaang karaniwan ding mas malalaki at malalakas ang bullies kagaya nga ng bata sa kuwento.

Maaaring matindi ang epekto ng pisikal na pambubulas katulad ng physical injuries, pananakit ng katawan, at pangmatagalang trauma sa biktima. Kailangang may mga malinaw at striktong anti-bullying policies sa mga eskwelahan. Dapat ding hikayatin ang lahat ng mga bata na iwasang maging bystanders para agad na mapigilan o tuluyang maiwasan ang ganitong klase ng sitwasyon.

Psychological bullying

Kasama sa emotional o psychological bullying ang tactics na nakakasira sa self-esteem ng biktima. Minamanipula rin nito ang sitwasyon at kinokontrol ang biktima sa pamamagitan ng takot at intimidation.

Pananakot, pagpapahiya, gaslighting, pamba-blackmail, at paulit-ulit na kritisismo ang ilan sa mga halimbawa nito. Karaniwang sitwasyon ng ganitong uri ng pambubulas ang hindi pakikipagkaibigan sa target na hindi mayaman o may katulad na estado sa buhay (relational o social bullying).

Madalas na kabataang babae ang nakakaranas ng ganitong uri ng pambubulas. Hindi rin ito limitado sa pagiging biktima ng mga tsismis, pagiging “left-out” online man o hindi, at pagkakaroon ng nakahihiyang nicknames o bansag (alias). Sa isang post ng isang nanay sa Smart Parenting Village, kwento nito na naging outcast ang kanyang anak dahil sa pagiging English-speaking nito.

Cyberbullying

Maaaring nangyayari ang cyberbullying nang 24/7 gamit ang email, instant message, websites, text messages, social media, at ibang digital communication platforms.

Ang pag-post ng nakakasira sa reputasyon ng isang tao—larawan, videos, at status updates, pati na ang pagpapadala ng online threats at nang-iinsultong emails o texts— ay hindi tama at lalong hindi dapat palampasin.

Dahil normal na lamang sa kasalukuyang henerasyon na lagi silang online, parami din nang parami ang mga kaso ng cyberbullying. Halimbawa nito ang pag-bash ng netizens sa ilang celebrities at ang pagpo-post tungkol sa kaaway.

Mapanganib at higit pang mahirap iwasan ito dahil kombinasyon ng verbal, emosyonal, at social bullying ang ganitong uri ng pambubulas. Mataas din ang posibilidad na hindi agad nalalaman ng magulang na dumaranas ng  ganito ang anak. Mahalagang turuan ang iyong anak tungkol sa responsableng paggamit ng social media at ipaunawa sa kanya ang consequences ng cyberbullying.

Paano maiiwasan ang cyberbullying? Ang pagtuturo sa iyong mga anak ng matalinong paggamit ng teknolohiya ay makakatulong para maging ligtas mula sa mga taong ipahahamak sila.

Bilang magulang, maaari ka ring maging halimbawa kung paano gamitin nang maayos at nararapat ang teknolohiya. Pagtuunan ng pansin ang sariling mga gawi at baguhin kung kailangan.

Dapat ding tandaan na hindi lamang mga bata ang nakakaranas ng pambubulas. Nangyayari din ito sa iba’t ibang lugar ng trabaho at sa loob mismo ng mga tahanan kasama ang pamilya.

Narito ang ilan pang uri ng pambubulas (types of bullying) na karaniwang nararanasan hindi lamang ng bata kundi ng mas nakatatanda:

Sekswal na pambubulas

Paulit-ulit, nakakasakit, at mga sekswal na kilos na makapagpapahiya sa iba ang ganitong uri ng pambubulas. Kasama rito ang sekswal na name-calling, bastos na mga komento at kilos, paghipo o paghawak sa mga bahagi ng katawan ng iba, at pornographic materials.

Karaniwan ding nagkokomento ang isang bully tungkol sa hitsura, sexual development, o sekswal na mga gawain ng isang tao at madalas na babae ang biktima. Sa ibang mga kaso, maaaring simula ito ng sexual assault.

Prejudicial bullying

Base ito sa stereotypes at takot ng mga tao sa mga pinaniniwalaang naiiba sa kanila. Halimbawa rito ang partikular na mga aspekto ng pagkatao o identity, kagaya ng sexual orientation, gender identity, disability, lahi, at relihiyon. Delikado ang ganitong uri ng pambubulas dahil maaaring mauwi sa hate crimes.

Ilan sa mga ito ang sumusunod:

1. Transphobic at gender-related bullying

Ito ang paggamit sa aktwal o pinaniniwalaang gender identity o gender expression ng isang tao para siya ay ipahiya o insultuhin. Kasama rin dito ang obscene at/o sexualized gestures, harassment, panunukso, at pananakot.

Uri ng pambubulas din ang pagpapakalat tungkol sa gender identity ng biktima, totoo man ito o hindi.

2. Sexist bullying

Ito ang pambubulas dahil sa kasarian ng tao. Halimbawa nito ang mga lalaking naniniwalang mas malakas, matalino, at may kakayahan sila kaysa sa babae kaya minamaliit at iniinsulto nila ang kanilang biktima.

3. Homophobic bullying

Uri ito ng bullying dahil sa sekswal na oryentasyon ng biktima.

Mga dahilan ng pambubulas

Ilan sa karaniwang dahilan ng pambubulas ang sumusunod:

  • attention-seeking behavior
  • may nais silang makuha mula sa pagiging bully (kontrol, power, popularidad)
  • para parusahan ang ibang kinaiinggitan o pinagseselosan nila
  • ginagaya nila ang ginagawa ng iba at natatakot silang sumuway sa "utos" ng lider ng kinabibilangang grupo
  • mababa ang kanilang self-esteem at kumpiyansa sa sarili
  • anger management issues
  • biktima rin sila ng bullying kaya gumaganti sa mas mahina sa kanila

RELATED: 7 Rason Kung Bakit May Mga Nambu-Bully

Paano mo ipaliliwanag ang pambubulas sa iyong anak?

Magkaroon ng malawak na isipan, ayon sa mga eksperto. Simulan ang bukas na komunikasyon sa anak habang bata pa siya. Kausapin siya tungkol sa sanhi, epekto, at mga uri ng pambubulas at hingin ang kanyang opinyon tungkol dito.

Ipaliwanag sa kanya na lahat ng uri ng pambubulas ay maaaring makaapekto nang matindi sa mismong bully, sa kanyang biktima, at sa mga bystanders o mga taong nakasaksi sa pambubulas.

Maaari ring kumustahin siya at alamin ang kanyang online activities nang walang halong panghuhusga. Malaking tulong din ang pagtuturo at pagbibigay ng payo tungkol sa online safety tips.

Dahil may kinalaman ang bullying involvement sa pakiramdam ng bata na hindi siya ligtas at pagkakaroon ng hindi maayos na ugnayan sa mga tao sa paligid, pati na mababang mga marka sa eskwelahan, increased risk ng depression, at iba pang mental health issues, dapat lamang na unang-una ang mga magulang at kapamilya sa anti-bullying advocacy.

Paano mo matutulungan ang anak na binu-bully sa eskwelahan?

Makatutulong ang madalas na pagkumusta sa anak. Kung siya ay nakakaranas ng pambubulas, hikayatin din siyang magkaroon ng bagong hobby o mapagkakaabalahan. Puwede ring pasalihin ang iyong anak sa mga grupo o clubs para magkaroon ng bagong mga kaibigan.

Makatutulong din ang pakikipag-ugnayan sa kanyang guro o guidance counselor. Sa ibang mas malalang mga sitwasyon, makatutulong din ang iba pang mental health professionals.

Paano maso-solusyonan ang pambubulas?

Tandaang pangunahing public health problem ang pambubulas o bullying. Kailangang mayroong kolektibong pagkilos at atensyon mula sa health-care providers, policy-makers, educators, at mga pamilya.

Makatutulong ang pag-unawa sa mga uri ng pambubulas upang mapalawak ang kaalaman ng mga tao tungkol dito. Mahalaga ang edukasyon tungo sa pagkakaroon ng kultura ng empathy, respeto at inclusivity. Maaaring sa sariling pamilya at komunidad magsimula.

Maraming tao ang makikinabang sa implementasyon ng preventive measures at sa pagbibigay ng wasto at sapat na suporta sa mga apektado ng anumang uri ng pambubulas. Malayo ang mararating ng awareness campaigns at anti-bullying policies kung magiging layunin ng bawat indibidwal ang ligtas na lipunan para sa lahat. Sa ganitong paraan lamang mababawasan kung hindi man tuluyang mawala ang iba’t ibang uri ng pambubulas.

Basahin dito ang ilang paraan kung paano maiiwasan ang pambu-bully.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close