Ang Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) ay isang neurodevelopmental disorder na nakakaapekto sa milyun-milyong tao sa buong mundo. Makikita sa gabay na ito kung ano ang ADHD, ang mga sintomas nito, mga sanhi, at ang mga paraan sa pag-manage ng kondisyon.
Ano ang ADHD?
Isang kondisyong medikal ang ADHD na nailalarawan sa pamamagitan ng mga pattern ng kawalan ng pansin, hyperactivity, at impulsivity na nakakasagabal sa pagkilos ng tao at pag-thrive sa society. Bagaman maaaring makita ang mga sintomas ng ADHD nang iba sa bawat indibidwal, karaniwang lumilitaw ang mga ito sa dalawang pangunahing kategorya: inattentive at hyperactive-impulsive na mga pag-uugali.
Mga Uri ng ADHD
Inattentive Type
Maaaring makaranas ng mga sumusunod ang mga indibidwal na may predominately inattentive presentation:
- Kawalan ng kakayahang mag-sustain ng pansin sa mga gawain
- Hindi pag-follow through sa mga pinapagawa sa kanya
- Mga isyu sa pagsasaayos ng mga bagay o maging ng mga iniisip
Hyperactive-Impulsive Type
Nagpapakita ng mga sumusunod ang mga may predominately hyperactive-impulsive presentation:
- Pag-fidget at kawalan ng kakayahang manatiling nakaupo
- Pag-akto nang hindi masyadong iniisip ang magiging kahihinatnan ng mga ginagawa niya
- Pagkaantala o pagputol sa gawain ng ibang tao
Sanhi at Risk Factors
Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw ang eksaktong sanhi ng ADHD, bagaman pinaniniwalaan itong may kinalaman sa genetic at environmental factors. Nagpakita ng mga pagkakaiba sa istruktura at pag-andar ng utak sa mga indibidwal na may ADHD kung ikukumpara sa mga taong kaedad nila. Nagpapahiwatig ito na posibleng biological basis ang isa sa mga pinagmulan ng kondisyong ito.
Genetic Factors
Kapag may iba pang miyembro ng pamilyang may ganitong kondisyon, mas lumalaki ang chance na mamana ito ng mga susunod na henerasyon.
Mga Environmental Factors
Ang mga environmental factors kabilang ang exposure ng ina sa tabako, alak, at iba pang mga sangkap bago ipanganak ang bata, ay nauugnay sa isang nadagdagang pagkakataon na magkaroon ang bata ng ADHD. Lead exposure ang isa pang sinusuring anggulo na maaaraming panggalingan ng kondisyong ito.
Diagnosis Para sa May ADHD
Kailangan ng masinsinang pagsusuri ang pag-diagnose sa mga taong may ADHD. Kasama na rito ang pagsuri sa medikal na kasaysayan, mga checklist ng sintomas, at madalas, input mula sa mga guro o employer.
Walang iisang test o tool ang maaaring mag-diagnose ng ADHD, kaya mahalaga ang pagkakaroon ng detailed assessment na isinasagawa ng mga qualified na propesyonal sa kalusugang may kinalaman sa pag-iisip at pag-uugali. Narito ang mga pangunahing hakbang sa diagnostic process:
- Detalyadong Pagsiyasat sa Medical History at Edukasyon. Magtatanong ang propesyonal tungkol sa medical history, developmental milestones, educational background, at pag-uugali ng bata sa bahay at paaralan. Mahalaga rin ang impormasyon tungkol sa family history ng ADHD o iba pang kawangis na disorders.
- Pagkuha ng Impormasyon Mula sa Iba't Ibang Sources. Bukod sa mga magulang, mahalaga rin ang feedback mula sa mga guro at iba pang mga taong nakakakilala sa bata. Maaaring gamitin ang standardized rating scales at checklists na pinupunan ng mga magulang, guro, at minsan ng bata mismo upang makakuha ng objective na datos tungkol sa iba't ibang aspeto ng pag-uugali ng bata.
- Pisikal na Eksaminasyon. Ginagawa ito upang ma-exclude ang ibang medikal na kondisyon na maaaring magpakita ng katulad na mga sintomas, tulad ng problema sa pandinig, paningin, sleep disorders, o thyroid issues.
- Psychological Testing. Maaaring isagawa ang cognitive, psychological, at neuropsychological tests upang suriin ang pagka-inattentive, hyperactivity, impulsivity, at iba pang mga aspeto ng cognitive at emotional functioning.
- Obserbasyon. Sa ilang mga kaso, maaaring obserbahan ang bata sa iba't ibang settings, tulad ng klinika o paaralan, upang direktang makita ang pag-uugali ng bata.
- Pagtutugma ng Nakalap na Impormasyon. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtutugma ng kumpletong impormasyon ng bata at pagkumpara ng mga ito sa diagnostic criteria na itinakda ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM-5).
Pangangalaga sa Batang May ADHD
Kadalasang kasama ang kombinasyon ng gamot, behavioral therapy, at mga pag-aayos sa pamumuhay para sa mga batang may ADHD. Iniaakma ang approach sa mga sintomas ng indibidwal at maaaring kasama ang suportang pang-edukasyon para sa mga bata.
Gamot sa ADHD
Karaniwang inireseta ang mga stimulants para sa ADHD. Tumutulong ang mga itong mapabuti ang mga sintomas sa pamamagitan ng pagtaas ng mga antas ng dopamine at norepinephrine sa utak. Sa ibang kaso, nagrereseta ng mga non-stimulants ang mga manggagamot kung hindi tumutugon nang maayos ang katawan ng bata sa mga stimulants.
Behavioral Therapy
Naglalayon itong baguhin ang negatibong mga pag-uugali habang pinalalakas ang mga positibo. Para sa mga bata, maaaring kasama dito ang pagsasanay para sa mga magulang at mga estratehiya sa pamamahala sa silid-aralan.
Cognitive-Behavioral therapy (CBT) naman ang nakikitang mas kapaki-pakinabang para sa mga matatanda. Pinapabuti nito ang mga kasanayang pang-organisasyon at bawasan ang impulsibong mga pag-uugali.