Isa sa mga mahalagang aspeto ng pag-unlad ng bata ay ang neurodevelopment, na may kaugnayan sa utak at nervous system. Ang utak ay maituturing na “central computer” ng katawan na kumokontrol sa lahat ating ginagawa, habang ang nervous system naman ay parang network ng mga kable na nagpapadala ng mensahe mula sa utak patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa kontekstong ito, mauunawaan natin ang kahalagahan ng neurodevelopment, na tumutukoy sa paglago at pagdebelop ng utak na nakapaloob sa mga sistemang ito. Nakaiimpluwensiya ito sa mga pangunahing kasanayan tulad ng pagkatuto, pagbabasa, pakikipag-ugnayan sa iba, pag-alala, at pagbibigay ng pokus. Kapag natututo ang isang tao ng mga bagong kasanayan, lumalago ang kanyang neurodevelopment.
Bagamat lahat ng bata ay may kakayahang umunlad, magkakaiba ang paraan ng pag-usad nila batay sa kanilang kondisyon. Sa kasalukuyan, marami na tayong natutuklasan tungkol sa mga pagkakaibang ito sa pag-unlad ng utak. Ang mga pangunahing pagkakaiba nito ay makikita sa pagitan ng mga batang neurodivergent at neurotypical.
Ano ang neurodivergent at neurotypical?
Ayon sa isang artikulo ng Medical News Today, ang neurotypical ay tumutukoy sa mga indibidwal na nag-iisip at nagpoproseso ng impormasyon sa paraang inaasahan o karaniwan sa isang kultura. Natututo sila sa tipikal na paraan, at naabot nila ang mga yugto ng pagdedebelop na inaasahan mula sa kanila batay sa kanilang edad. Sa madaling salita, sila ang mga bata na walang kondisyon na nag-aapekto sa kanilang utak sa paraan ng pagproseso ng impormasyon. Ang mga neurotypical na bata ay sumusunod sa karaniwang pag-unlad ng mga aspeto ng kognisyon, emosyon, at pakikisalamuha sa kapwa. Madali silang nakikipag-usap, nakikisalamuha, at sumusunod sa mga simpleng tagubilin.
Samantala, ayon sa Cleveland Clinic, ang neurodivergent ay tumutukoy sa isang tao na ang pagdebelop ng utak o pagkilos ay kakaiba o hindi normal dahil sa ilang kondisyon sa utak. Dahil dito, mayroon siyang naiibang kakayahan at mga suliranin sa normal na pagkilos at pag-iisip na hindi gaya sa mga tipikal na bata. Ginagamit ang terminong ito upang ipakita na ang indibidwal ay may ibang paraan ng pag-iisip at pag-unlad at hindi para sabihing may kulang o mas mababa kumpara sa neurotypical na bata.
Kasama sa neurodivergent na mga bata ang may ASD, ADHD, dyslexia, dyspraxia, Tourette’s syndrome, at iba pang kondisyon na kaugnay ng utak. Mayroon ibang karanasan ng pagkatuto ang mga batang neurodivergent. Naiiba rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang tao at maging ang pag-unlad ng kanilang emosyon. Gayunman, may taglay silang kakaiba ring kakayahan, bagaman hirap sa pagsasalita at pakikisalamuha sa ibang tao, o magpokus sa isang gawain, may pambihira naman silang talento gaya ng sining, musika at kahusayan sa matematika o agham.
Ano ang mga pagkakaiba ng pagkatuto at pag-uugali ng neurodivergent at neurotypical na mga bata?
Ayon sa isang artikulo ng Mental Health Academy, hindi pare-pareho ang paggana ng utak ng bawat tao. Ang mga neurotypical na bata ay may pag-iisip, pakiramdam, at pag-uugali na pangkaraniwan sa pamantayan ng lipunan. Samantalang ang mga neurodivergent na bata ay may ibang paraan na pagproseso ng mga bagay. Narito ang ilan sa mga pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng dalawang grupo:
1. Kakayahang matuto
Neurotypical: Nakakasunod sa mga karaniwang pamantayan sa pag-aaral at mga alituntunin sa paaralan. Nagagawa niyang makisabay sa daloy ng pagtuturo, nakababasa, at nauunawaaan ang mga aralin sa normal na paraan.
Neurodivergent: May iba’t ibang paraan ng pagkatuto ang mga batang ito. Maaaring hindi sila natuto tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo. Halimbawa, ang isang batang may dyslexia ay maaaring mahirapang magbasa, kaya’t kailangan ng mga espesipikong istratehiya para sa kanilang pagkatuto.
2. Emosyonal na pag-unlad at pakikipag-ugnayang panlipunan
Neurotypical: May kakayahang umunawa ng hindi verbal na komunikasyon gaya ng mga ekspresyon ng mukha at kilos ng katawan. Mas madali rin para sa kanila ang pagkilala at pagtugon sa emosyon ng iba at nagkakaroon sila ng naaangkop na reaksyon sa mga sitwasyon na kanilang nararanasan.
Neurodivergent: Nahihirapan silang umunawa sa emosyon at sa mga hindi verbal na komunikasyon. Naipakikita nila ang kanilang nararamdaman o saloobin sa hindi karaniwang paraan. Mayroon din silang ginawang routine ng kanilang pang-araw-araw na gawain. Halimbawa, ang isang batang may Autism ay maaaring magkaroon ng mga ritwal o routine na kailangan nilang sundan araw-araw.
3. Interes at atensyon
Neurotypical: Mayroon silang konsentrasyon o madali para sa kanila ang magtuon ng atensyo sa isang gawain sa loob ng mahabang na panahon. Kaya rin nilang magpalit ng interes kung kinakailangan, kahit na maraming bagay ang nakapagbibigay ng disktraksyon sa kanilang ginagawa.
Neurodivergent: Posibleng mahirap para sa kanila ang manatiling nakatutok o manatili sa isang gawain nang matagal. Mabilis silang mawalan ng interest at maaaring hindi matapos and sinimulan nilang gain. Halimbawa, ang mga batang may ADHD ay kadalasang hirap magpokus dahil sa sobrang dami ng bagay na nakakaagaw ng kanilang atensyon.
Pagbibigay ng suporta sa neurodivergent at neurotypical na mga bata
Sa kasalukuyan, mahalagang mabigyan ng tamang suporta ang lahat ng bata, magingsila man ay neurotypical o neurodivergent. Bagaman may mga pagkakaiba sa kanilang pag-unlad, hindi ito dapat maging hadlang sa kanilag tagumpay. Ang mga neurodivergent na bata ay hindi dapat ituring na kakaiba o mababa. Sa halip, dapat bigyang-pansin ang kanilang mga natatanging kakayahan na maaaring makatulong sa lipunan.
Mahalaga ring tanggapin ang kanilang sitwasyon at ipakita ang pag-unawa sa kanilang kalagayan. Sa pamamagitan ng edukasyon, suporta mula sa pamilya, guro, at komunidad, pati na rin ang pagkakaroon ng mga espesipikong istratehiya para sa kanilang pagkatuto, mas mabibigyan sila ng pagkakataong umunlad.
Higit sa lahat, mahalagang isulong ang isang inclusive na lipunan kung saan may pantay na oportunidad ang bawat bata, maging siya man ay neurotypical o neurodivergent. Ang kanilang mga natatanging kakayahan at talento ay maaaring maging mahalagang ambag sa kanilang kinabibilangang komunidad.
Read here for types and symptoms of neurodivergent disorders.