Hindi maiiwasan sa ibang bata ang makipagtalo, kumontra, o maging palaban maging sa salita man o sa gawa. Normal ba ang ganitong pag-uugali o may iba pang kailangang suriin upang makumpirma kung may oppositional defiant disorder (ODD) ang isang tao?
Layunin ng gabay na ito na magbigay sa mga pamilya at edukador ng malalim na pag-unawa sa ODD, kabilang ang mga sintomas, sanhi, at mga maaaring gawin para sa may mga ganitong kondisyon.
Ano ang Oppositional Defiant Disorder?
Ang Oppositional Defiant Disorder (ODD) ay isang kondisyong may kinalaman sa pag-uugali ng mga bata, tweens, at teenagers na nailalarawan sa pamamagitan ng patuloy na pattern ng hindi makikipagtulungan, mapanghamon, at mapanlabang mga pag-uugali sa mga awtoridad.
Mga Sintomas
Maaaring magkaiba ang mga sintomas at epekto ng ODD sa iba't ibang yugto ng pag-unlad, at ang ilang maaaring gawin sa pag-intervene na akma sa edad at antas ng pag-unlad ng bata.
- Childhood. Sa mga mas bata, ang tahasang pagsuway at patuloy na mga tantrums ang mga sintomas ng ODD. Maaaring mag-focus ang pag-manage ng kondisyon sa pagtuturo ng mga paraan upang ma-regulate ang emosyon. Para sa mga magulang, kailangan nilang magpatupad ng consistent at positibong reinforcement strategies.
- Tweens. Sa yugtong ito, ang pagiging argumentatibo at pakikipagtalo sa mga awtoridad ay mas karaniwan. Cognitive-behavioral therapy (CBT)ang isang paraan upang tulungan ang bata na makilala ang mga negatibong pattern ng pag-iisip at matutunan ang mas mahusay na mga estratehiya sa paglutas ng problema.
- Teenagers. Ang mga kabataan na may ODD ay maaaring mas madalas na magpakita ng mapanghamon na pag-uugali at problema sa peer relationships. Ang mga interbensyon ay maaaring mag-ugnay ng mas direktang paglahok ng indibidwal sa therapy, pati na rin ang pagtuon sa pagbuo ng interpersonal skills at self-awareness.
Mga Sanhi
Maaaring resulta ng kombinasyon ng mga genetic, environmental, at psychological na mga elemento ang ODD. Kasama sa mga ito ang:
- Medical history ng mga miyembro ng pamilya na may kondisyong may kinalaman sa behavioral aspects
- Exposure sa marahas o hindi pare-parehong uri ng pagdidisiplina
- Substance abuse o mga mental health issues sa pamilya
Pag-Diagnose sa Oppositional Defiant Disorder
Kinabibilangan ng isang komprehensibong pagsusuri ng diagnostic process para sa ODD. Nilalayon nitong kilalanin ang pattern ng mapanghamon, suwail, at iba pang similar na pag-uugali. Karaniwang isinasagawa ito ng mga propesyonal gaya ng mga psychiatrist, psychologist, o pediatrician. Narito ang ilang mahahalagang hakbang sa diagnostic process para sa ODD:
- Klinikal na Pakikipanayam. Ito ang unang hakbang kung saan kapanayamin ng doktor o therapist ang mga magulang o tagapag-alaga, at kung maaari, ang bata. Ilan sa mga saklaw nito ang mga pag-uugali, simula ng mga sintomas, at kung paano ito nakakaapekto sa buhay ng bata sa bahay, paaralan, at sa iba pang sitwasyon ang kanilang mga kilos.
- Pagsusuri ng Kasaysayan ng Medisina at Pangkaisipan. Susuriin ng doktor ang medikal at mental health history ng bata at ng kanyang pamilya upang tukuyin kung may mga nakaraang kondisyon o karanasan na maaaring nakaka-ambag sa pag-uugali ng bata.
- Behavioral Checklists at Rating Scales. Maaaring gamitin ang mga standardized na checklist at rating scales upang masuri ang mga tiyak na pag-uugali at sintomas ng ODD. Maaaring punan ito ng mga magulang, guro, at minsan ng bata, depende sa kanyang edad.
- Obserbasyon. Sa ilang mga kaso, maaaring obserbahan ng mga propesyonal ang bata sa iba't ibang sitwasyon (sa klinika, paaralan, at iba pa) upang direktang makita ang pag-uugali.
- Pag-rule out ng Ibang Kawangis na Kondisyon. Mahalaga rin na ma-exclude ang ibang medical at psychological conditions na maaaring magpakita ng katulad na mga sintomas, tulad ng ADHD, anxiety disorders, depression, o mga problema sa pag-aaral.
- Pagsusuri sa Kapaligirang Sosyal at Pamilya. Kinokonsidera rin ang mga stressor sa kapaligiran, tulad ng mga isyu sa pamilya, bullying sa paaralan, o mga pagbabago sa buhay, na maaaring makaapekto sa pag-uugali ng bata.
Pangangalaga sa may ODD
Nangangailangan ito ng isang holistic at multi-faceted approach na kinabibilangan ng suporta mula sa pamilya, paaralan, at mga propesyonal sa kalusugang pangkaisipan. Narito ang ilang mahahalagang hakbang at istratehiya para sa management ng mga taong may ODD:
- Cognitive-Behavioral Therapy (CBT). Maaaring maging epektibo ang CBT sa pagtuturo sa mga bata kung paano kilalanin at baguhin ang mga negatibong pattern ng pag-iisip at pag-uugali. Pinapalakas din nito ang pag-unlad ng sosyal na kasanayan at kasanayan sa paglutas ng suliranin nang hindi gumagamit ng tahasang pagkontra sa ibang tao.
- Family Therapy. Makatutulong ito sa pagpapabuti ng komunikasyon at paglutas ng mga isyu sa loob ng pamilya. Tinutulungan nito ang mga magulang at miyembro ng pamilya na maunawaan ang ODD at magtulungan upang mabigyan ng nararapat na suporta ang bata.
- Parent-Child Interaction Therapy (PCIT). Nakatutok ito sa pagpapahusay ng mga pakikipag-ugnayan ng mga magulang at anak at pagbabago ng mapanggulong pag-uugali.
Gamot sa ODD
Habang wala pang tiyak na gamot para sa ODD, maaaring magreseta ang mga espesyalista ng mga gamot upang makatulong na mabawasan ang mga na-obserbahang sintomas. Ginagamit din ang mga gamot na ito para makatulong sa mga kondisyon tulad ng ADHD, anxiety, o depression.
Tungkulin ng mga Magulang at Ibang Tagapag-Alaga
Nangangailangan ng espesyal na pag-unawa, pasensya, at mga stratehiyang pang-edukasyon mula sa mga magulang at iba pang caretakers upang maisagawa ang maayos na pag-manage ng ODD sa mga bata. Narito ang ilang mahalagang tungkulin at gawain upang matulungan ang mga bata sa kanilang kondisyon:
- Pagkakaroon ng Matatag na Istruktura at Mga Panuntunan. Mahalaga ang pagtatakda ng malinaw at consistent na mga patakaran at inaasahan sa bahay mula sa bawat miyembro. Dapat ipatupad ang mga panuntunan sa paraang pare-pareho upang maituro ang kahalagahan ng disiplina at limitasyon.
- Positibong Pagpapatibay. Bigyang-diin ang positibong aspeto ng pag-uugali ng bata sa pamamagitan ng pagpuri at paggantimpala sa mabuting asal. Makakatulong ang iba't ibang uri positive reinforcement dito.
- Pagtatakda ng Mahusay na Halimbawa. Dapat magpakita ang mga magulang at caretakers ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng mahinahon at kontroladong asal, lalo na sa mga mahihirap na sitwasyon.
- Pagbuo ng Malusog na Komunikasyon. Mahalaga ang pagbuo ng isang bukas at suportadong linya ng komunikasyon. Ipakita sa bata na handa kang makinig nang walang paghusga at magbigay ng suporta sa kanilang mga ipinapahayag na damdamin at ideya.
- Paghikayat sa Paglutas ng Problema. Turuan ang bata ng mga kasanayan sa paglutas ng problema, kabilang ang paano mag-isip ng alternatibong solusyon kapag may nagaganap na argumento at kung paano harapin ang mga hamon sa positibong paraan.
- Paggamit ng Epektibong Disiplina. Iwasan ang parusang pisikal o verbal. Sa halip, gamitin ang mga istratehiya ng disiplina na nagtuturo ng mga aral, gaya ng natural consequences at timeout.
- Paghanap ng Suporta Mula sa Mga Eksperto. Kung kinakailangan, humanap ng tulong mula sa mga propesyonal tulad ng mga psychologist, psychiatrist, o mga espesyalista sa pag-uugali, para sa karagdagang suporta, mga estratehiyang pang-management, at posibleng paggamot.
- Paghahanap ng Suporta para sa Sarili. Minsan, maaaring kailanganin din ng mga magulang at caretakers ang suporta para sa kanilang sarili. Makakatulong ang pagsali sa mga support group o pagkonsulta sa mga propesyonal sa mental health upang matuto ng mga bagong estratehiya at makakuha ng emosyonal na suporta.