essay,con-00391,sc24,lch-00391,pananagutan,pananagutan ng magulang sa anak,personal essay,Pananagutan Ng Magulang Sa Anak: Hanggang Saan Nga Ba?,Family & Relationships,People & Society,Family and Relationships,Hanggang saan ang pananagutan ng magulang sa anak?
ParentingReal Parenting

Hanggang Saan Ang Pananagutan Ko Sa Aking Mga Anak Bilang Magulang?

Isang bagay ang natutunan ko: Hindi natatapos sa pagsilang sa anak ang responsibilidad ng pagiging magulang.
PHOTO BYADOBE STOCK

Natatakot ako noon na maging magulang dahil alam kong hindi madali at marami ang nakaatang na responsibilidad. Iniisip ko kung kakayanin ko bang mapalaki nang mabuti ang aking mga magiging anak at kung kakaynin kong maibigay ang kanilang mga pangangailangan.

Naitatanong ko rin sa sarili ko: Ano klase nanay kaya ako? Paano ko kaya palalakihin ang mga anak ko?

Sa kultura nating mga Pilipino, nakasanayan natin na nagmumula sa ating karanasan sa pagkabata ang pagpapalaki sa ating mga anak. Kung paano tayo pinalaki ng ating magulang, ganoon din ang nagiging paraan natin. Ngunit, sa panahon ngayon may mga naranasan tayong hindi na angkop sa henerasyon ngayon.

Isang bagay na natutunan ko: hindi natatapos sa pagsilang sa anak ang responsibilidad ng pagiging magulang. Sa katunayan, dito nagsisimula ang lahat ng pagiging magulang. Hindi sapat na napapakain mo sila, napaliliguan, naibibigay ang pangangailangan, at naalalagaan dahil higit pa rito ang pananagutan ng magulang sa anak.

Paano naming mag-asawa palalakihin ang aming mga anak?

Dalawang babae ang ipinagkaloob sa amin. Magkatuwang kaming mag-asawa sa pagpapalaki sa kanila. Wala kaming yaya. Kaming dalawa lang ng asawa ko ang nagtutulungan. Totoong mahirap kasi may mga bagay na kailangan naming isakripisyo gaya ng aming karera.

Gayundin, magkaiba ang uri ng pamilyang pinagmulan namin ng aking asawa. Kaya talagang nag-usap kami sa paraan ng paglalaki sa kanila. Bagaman sa tuwina may pagtatalo at dahil mas malapit at sumusunod sa kaniya ang dalawang anak namin. Pero lagi kong paalala na ’wag naming palalakihing spoiled sila kasi pareho kaming mahihirapan.

Pagsisikap na maibigay ang kanilang pangangailangan

Kung kaya naming ibigay ang mga bagay na hindi namin naranasan noon, ibinibigay namin sa aming mga anak pero may hangganan. Hindi iyong kapag humingi sila, bigay agad. Itinuturo namin sa kanila na isiping mabuti kung dapat o hindi dapat ang isang bagay. Kung makabubuti ito o hindi. Mahalaga na nakikinig sila kapag ipinapaunawa rin sa kanila na hindi namin kaya ang hinihingi nila. Ipinaliliwanag din namin na sapat na kung ano ang mayroon sila. Totoong hindi sapat ’yong naibibigay lang sa kanila ang kanilang pangangailangan dahil marami pang dapat gampanan ang magulang.

watch now

Pagtuturo sa kanila ng pagiging Kristiyano at mga mabubuting asal

Sa murang edad nila, maaga namin silang iminulat sa pagiging mabuti at responsableng tao. Tinitiyak namin na tuwing Linggo, buo ang aming pamilya na nakapagsisimba. Tinuturuan din namin silang magdasal at ang tamang pakikitungo sa iba.

Bukod dito, sa tuwing nagdiriwang sila ng kaarawan, sa halip na mag-celebrate kasama ang pamilya ay nagsasagawa kami ng outreach program kaya nagiging bukas o namumulat sila sa kalagayan ng ibang batang tulad nila. Dito higit nilang naa-aappreciate kung gaano sila pinagpala sa kabila ng mga kakulangan. Ang mga bagay na ito ang magiging pundasyon ng kanilang pagkatao hanggang sa pagtanda.

Pagbibigay sa kanila ang responsibilidad sa bahay

Kahit na bata pa lamang sila, binibigyan na namin sila ng mga dapat nilang gawin halimbawa ang paglilipit ng kanilang mga laruan o gamit. Pinatutulong din namin sila sa mga gawaing bahay gaya ng pagpupunas ng mesa o bintana. Tinuturuan din namin sila ng tamang pagsunod sa mga utos.

Paghubog ng kanilang pangunahing kaalaman at kakayahan

Tayong mga magulang ang itinuturing na unang guro ng ating mga anak. Nasa atin ang unang responsibilidad ng pagtuturo sa kanila ng pagsasabi ng kanilang pangalan, tirahan, kaarawan, edad, at pangalan ng magulang. Higit pa rito, katuwang din tayo ng mga guro sa pagpapabuti ng natutuhan nila sa paaralan. Dito medyo nauubos din ang pasensya ko dahil talagang mahirap din ang magturo sa mismong anak. Kakailanganin talaga ng maraming pasensya.

Pagdidisiplina sa kanila

Naranasan namin ng asawa ko sa panahon namin na mapalo ng sinturon, hanger, walis at mapaluhod sa asin, bigas, munggo at iba pa. Naisip namin kung ganito rin ba ang gagawin namin sa dalawa. Pero dahil iba na ang bata ngayon, kaunting galit mo lang iba na ang dating sa kanila lalo na kung hindi naipoproseso kung bakit sila napagalitan. Napapalo rin namin ang aming mga anak pero hindi gaya sa naranasan namin saka kinakausap namin sila para ipaliwanag ang kanilang nagawa. Mahalaga sa amin ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa mga anak. Ang paglalaan ng oras ng pakikipaglaro at pakikipagkuwentuhan sa kanila ay malaking bagay.

Pagbibigay ng emosyonal na suporta

Bukod sa pagtitiyak ng kaligtasan nila at malayo sila sa anumang uri ng pang-aabuso, pinakamahalaga ang pagpapadama kung gaano sila kahalaga at gaano ka ka-proud sa kanilang mga ginagawa. Sinisikap naming mag-asawa ang pagbibigay ng reward at papuri sa kanilang simpleng nagagawa. Sinisikap din naming maging present sa kanilang mga school activities. Naniniwala akong nasa magulang ang pagtulong sa anak na mabuo ang kaniyang kumpiyansa sa sarili para harapin ang mundo nang lakas loob.

Gayunpaman, walang perpekto sa pagiging magulang. May mga nagiging pagkakamali rin tayo. Pero maaaring maitama pa naman ang mga ito. Ang pagpapalaki sa akin ng aking magulang ay paalala na hindi lamang materyal na bagay ang kailangan ng anak kundi ang pagbibigay ng sarili, oras, at pagmamahal na walang kapalit.

Naniniwala akong habambuhay ang pananagutan ng isang magulang sa kaniyang mga anak pero habang tumatanda at kapag may pamilya na sila ay nagkakaroon na ito ng hangganan. Isang biyaya at walang katapusang paglalakbay ng pagmamahal at sakripisyo ang pananagugtan ng magulang sa kaniyang mga anak.

Iyong takot ko sa una, napalitan ng pananabik kung ano ang bukas na naghihintay para sa mga anak ko. Hindi ko iisipin na balang araw masasabi ko, ”saan ako nagkamali sa pagpapalaki sa kanila.” Totoong mapaghamon ang maging magulang, pero naniniwala akong palaging worth it ito!

Basahin ang saloobin ng isang ina ukol sa konsepto ng utang na loob sa magulang dito.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close