Hindi naiiwasan ng magulang lalo na ng mga nanay na masigawan ang kaniyang anak dahil sa sobrang galit o inis at idagdag na rin ang pagod sa trabaho o stress sa pag-aasikaso sa bahay o pag-aalaga sa mga anak. Nagiging mga “monster mom” o “momzilla” ang mga nanay lalo na kapag hindi nakikinig o sumusunod ang kaniyang anak sa sinasabi niya o iniuutos. Ganoon din kapag may ginagawang mali o hindi kanais-nais ang mga bata.
Nasisigawan din sila kapag ayaw nilang tumigil sa pag-iyak. Bukod pa sa pagsigaw, minsan may kasama pa itong pananakot sa mga bata kapag hindi sila tumigil sa pag-iyak.
Pero pagkatapos mong sigawan ang iyong anak, napapaisip ka rin kung bakit mo iyon ginawa o ano ang magiging epekto nito sa kaniya. Nakokonsensya ka bigla na alam mong mali ito at nadala ka rin lamang ng iyong emosyon.
Ang kultura ng pagdidisiplina
Sa pagdidisiplina sa anak, walang malinaw na ‘formula’ o pamamaraan ang naituturo sa atin ng ating mga magulang. Nakukuha lamang din madalas ang mga pamamaraan mula sa payo ng nakatatanda o ng ating mga magulang o kung paano tayo pinalaki.
Minsan nakalulungkot isipin ang pagdadahilan na “ganito ako pinalaki, effective sa akin kaya sinusubukan ko rin sa aking mga anak.” Ngunit dapat ding isaisip na nagbabago ang henerasyon, lipunang ginagalawan, paraan ng pamumuhay, at pangangailangan. Bagaman natatali tayo sa mga kasanayan, mahalagang isaalang-alang din ang naging resulta na ng mga pag-aaral at sinasabi ng mga eksperto tungkol sa pagdidisiplina ng mga bata.
Ayon sa aklat na Discipline without Shouting or Spanking, maituturing na isang uri ng bullying ang anumang uri ng pagdidisiplina na may kaakibat na pananakit, pisikal man ito o pasalita. Kapag ang bata ay pinapalo o sinisigawawan, gaya ng ginagawa ng isang “bully”, katatakutan ng bata ito. At dahil sa nararamdamang takot, gagawin niya ang ipinagagawa o ipinagbabawal sa kaniya para hindi na siya masaktan o mawala ang pangamba niya.
Epekto ng pagsigaw sa bata bilang disiplina
Paliwanag ng mga eskperto, hindi man agaran ang resulta nito, kalaunan magdudulot ito nang hindi mabuting epekto sa kanilang paglaki. Dahil nakararanas ang bata ng pananakit, naititimo sa isipan niya at posibleng nanais din niyang gawin din ito sa kaniyang paglaki para makuha ang kaniyang gusto o ibig.
Sinasabi na nagdudulot ng “stress reaction” sa utak at katawan ng bata ang ganitong pagdidisiplina. Paliwanag din ng mga Stress Psychologists na ang naapektuhang bahagi ng utak pagdating sa stress ay ang “prefrontal cortex” na siyang bahagi sa pagbuo ng mga desisyon. Kaya ang bata na lumalaki sa ganitong kapaligiran ay tiyak na mahihirapan sa pagkakaroon ng pokus at makasunod sa panuto, at makararanas ng pagkadismaya. Bukod pa rito, mahihirapan din sila sa pagkontrol ng sarili.
RELATED: 8 Ways to Take Care of Yourself So Your Family Doesn't Think You're Always 'Galit'
Pagpapahaba ng pasensya sa pagdidisiplina
“Naubos na ang pasensya ko,” ang madalas ding marinig natin natin na pahayag sa mga magulang kung bakit nila nasisigawan o napapalo ang kanilang anak. Hindi naman maikakaila na talagang nakapapagod at nakauubos ng pasensya ang kakulitan ng mga bata lalo na kung toddler at wala kang katuwang sa pag-aalaga sa kanila.
Bagaman nakatutuwa ang kanilang pagiging ‘cute’ at nakamamanghang mga “milestones,” naiinis naman tayo sa kanilang kakulitan dahil sa kuryosidad nila sa mga bagay-bagay. Marami silang gustong subukan at gawin na hindi natin pinahihintulutan dahil maaari silang masaktan o mapahamak. Hindi rin matapos-tapos ang kanilang pagkakalat na ikinagagalit natin dahil sa dami ng ligpitin.
Sa kabilang banda, mahirap maunawaan kung ano ang nasa isip ng mga bata. Nahihirapan din silang maipahayag pa ang kanilang damdamin. Kahit sila man nahihirapang unawain ang kanilang damdamin. Kaya bilang magulang, kailangan natin silang gabayan at tulungan.
Kung palagi tayong sumisigaw at nagagalit, hindi ito makabubuti para sa kanilang pagtuklas at pagkilala ng kanilang sarili at damdamin. Gayunman, maraming paraan ang maaari nating gawin upang mapahaba pa ang ating pasensya at pag-unawa sa kanila.
1. Lumayo muna kung matindi na ang iyong emosyon
Kung nakakaramdam ka na nais mong bumigay na, sumigaw o magalit, mas mainam na umalis muna sa sitwasyon o lumayo muna sa iyong anak at pakalmahin ang sarili. Makatutulong ang “breathing exercise” para mapayapa ang damdamin. Kahit ang paghingang malalim ng 4 beses ay makabubuti na sa iyong pakiramdam.
2. Kausapin ang iyong anak.
Kung nagawa mo nang sigawan o saktan ang iyong anak, pinakamabuti sa lahat na gawin ay kausapin siya. Bagaman hindi pa lubos niyang nauunawaan ito, maaaring maipaliwanag mo sa kaniya kung bakit mo nagawa iyon. Huwag ding magdalawang-isip na humingi ng tawad o mag-sorry lalo na kung nasaktan mo rin ang damdamin niya.
3. Akuin ang responsibilidad.
Huwag isisi rin sa iyong anak kung bakit ka nagalit o bakit mo siya nasigawan. Ituon sa naging aksyon mo sa sitwasyon. Mainam na iwasan ang pagsasabi ng “ikaw kasi…” o “dapat kasi alam mo…” at iba pang gaya ng ganitong pahayag.
4. Magtakda ng mga tuntunin sa bahay.
Turuan ang iyong anak sa pagkakaroon ng responsibilidad sa kaniyang ginagawa. Makabubuting sa murang edad nila nauunawaan nila ang pagkakaroon ng sariling pananagutan. Ituro din sa kanila ang dapat na mabubuting asal ng mga batang nasa edad nila. Maging mabuti rin tayong ehemplo o halimbawa sa ating mga anak.
5. Magnilay rin sa sarili.
Makatutulong din sa iyo na unawain ang iyong nararamdaman bilang isang magulang. Kaysa kalimutan na lamang ang nangyari, maaaring Isipin mo rin ang bagay na nagawa mo. Bigyan mo ng panahon ang iyong sarili na mag-isip sa posibleng mag-trigger muli sa iyo na gawin ito at sakali man mapag-isipan mo paano mo ito haharapin sa susunod o ano ang gagawin mo.
Baka makita mo ang padron o pagkakataon na nagpapagalit sa iyo at kung napapadalas na ba ito na napapansin mo lagi kang nagagalit, maaaring kailangan mo na rin ng tulong para sa pamamahala ng iyong emosyon.
Basahin ang article na ito para malaman ang dapat gawin kung napagtaasan mo ng boses ang iyong anak.