parenting,blended family,blended families,Family & Relationships,People & Society,Family and Relationships,sc24,Blended Family: An Ultimate Guide,Family & Relationships,People & Society,Family and Relationships, blended family, parenting, blended families,Ito ang mga kinakailangan para maging matiwasay ang isang blended family.
ParentingReal Parenting

Ultimate Guide Para Sa Masayang Blended Family

Ito ang mga kinakailangan para maging matiwasay ang isang blended family.
PHOTO BYADOBE

Sa paglipas ng mga taon, unti-unting umuusbong at mas tinatanggap ang makabagong konsepto ng "blended family." Sa pagkilala sa ganitong uri ng pagsasama, higit na napapalawig ang pagkakataong mapatunayan na posible sa isang pamilyang galing sa magkaibang ninuno ang pagpapamalas ng pang-unawa, pagtanggap, at pagmamahal sa isa't isa.

Ang kahulugan ng blended family

Ang blended family ay isang pamilyang binubuo ng magkakaibang mga miyembro na nagmumula sa iba't ibang pares ng magulang. Karaniwan, ito ay nagaganap kapag may mga miyembro ng pamilya na nag-asawa muli o nagdala ng anak mula sa naunang pagsasama. Maaari ring dulot ito ng diborsyo, pagkamatay ng naunang asawa, o simpleng pagsubok ng panibagong pag-ibig. Sinuman ang kasapi sa ganitong uri ng pagsasama, malinaw na nagpapakita ito ng pagtanggap, respeto, at pag-unawa sa kabila ng pagkakaiba-iba.

Halimbawa ng blended family

Ang pagsasama-sama sa isang blended family ay maaaring magdala ng hamon. Ngunit kung paiiralin ang pag-uunawaan, malasakit, at pagmamahal, maaari ito'y maging isang masayang pagkakataon para sa mas masayang pamilya.

Isang kilalang halimbawa ng Filipino blended family ay ang pamilya ni Jodi Sta. Maria at ang pangalawang pamilya ni Pampi Lacson. Dating mag-asawa sina Jodi at Pampi. Sila ay nabiyayaan ng isang anak na lalaki. Hindi nagtagal ang kanilang pagsasama at ngayon ay kapiling na ni Pampi ang kanyang kasintahan, si Iwa Moto, kung saan siya ay mayroong dalawang anak.

RELATED: ‘Blended, Not Broken,’ Jodi Sta. Maria, Iwa Moto, And Pampi Lacson Show The Beauty Of Blended Families

Ayon sa kanyang panayam sa isang pahayagan, inamin ni Jodi na hindi man niya nabigyan ng buong pamilya ang kanyang anak, hindi nangangahulugang hindi niya kayang iparanas sa anak ang isang mapayapang kapaligiran. Noong una, naramdaman ng aktres ang pagkadawit ng anak sa gulo ng kanyang mga magulang. Ang pagmamahal sa anak ang nagtulak sa magaling na aktres upang baguhin ang kanyang pananaw.

Iniisang-tabi ng dating mag-asawa ang kanilang mga personal na interes at ibinuhos ang pansin sa pangangailangan ng anak. Napagtanto rin ni Jodi na hindi makabubuti sa anak na itago ito sa kanyang ama. Kinalaunan, naging maayos ang samahan nina Jodi at ang bagong binuong pamilya ni Pampi.

watch now

Ang tagumpay ng isang blended family ay nakasalalay sa pagkakaroon ng malusog na komunikasyon, pagbibigay halaga sa pagkakaiba, at pagtutulungan sa pagharap sa mga pagsubok. 

Pagbuo ng blended family

Sa pag-unlad ng lipunan, mas maraming pamilya ang nagiging bukas sa ideya ng blended family. Ang pag-usbong ng ideyang ito ay hindi nalalayong magdala ng maraming pagsubok at hamon. Ngunit ito rin ay maaaring magbukas ng oportunidad upang makatanggap ng mas malawak na pagmamahal, suporta, at tulong. Katulong ng Smart Parenting, alamin natin ang Ultimate Guide para sa matiwasay na samahan sa isang Blended Family setup. Sama-sama nating basahin paano ba tahakin ang landas patungo sa mas masaya, matagumpay, at makulay na pagsasama ng isang blended family.

Pagtatag ng mapayapang kapaligiran

Ang pagrespeto sa mapayapang kapaligiran ay nag-uugat sa dakilang pagmamahal ng mag-asawa sa kanilang anak. Madalas, ang anak ang siyang nagbibigay inspirasyon sa kanyang mga magulang. At ang pagmamahal na ito ang nagsisilbing pangunahing lakas na nagtutulak sa naghiwalay na magulang na magkaroon ng pag-unawa, pasensya, at pakikisama sa kabila ng kanilang sariling mga pinagdadaanan.

Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa pangangailangan ng anak, nagiging mas bukas ang mga magulang sa pagtanggap ng mga pagkakaiba at pangangailangan ng isa't isa. Ang pangunahing layunin ay hindi lamang ang sariling kasiyahan, bagkus ang kapakanan at kasiyahan ng anak. Ang pagmamahal sa anak ay nagiging pangunahing tagapagturo ng pagtutulungan, pag-uunawa, at pag-aaruga sa pamilya.

RELATED: How To Prevent A Separation From Ruining Your Kids’ Happy Memories Of Mom And Dad

Pagpapahalaga sa respeto

Ang pagkakaroon ng respeto sa sarili at sa bawat kasapi ng pamilya ay nagtataglay ng mahalagang papel sa pagbuo ng maunlad, masigla at payapang blended family. Ito'y naglalaman ng pagpapahalaga sa bawat isa, malasakit sa bawat miyembro ng pamilya, at pagtutulungan sa pagharap ng mga paghamon ng buhay.

Ang pagpapakita ng respeto ay nangangahulugang handa ang bawat kasapi ng pamilya na makinig at magbigay-halaga sa opinyon at damdamin ng bawat isa. Ito'y nagpapalakas ng malayang komunikasyon sa loob ng pamilya, na nagbubukas ng daan para sa maayos na pag-uusap at pagsusulong ng solusyon sa anumang problema.

Sa pagpapahalaga ng respeto sa sarili at bawat miyembro ng blended family, nagiging mas maingat ang kasapi sa kanilang kilos at pananalita upang hindi mabuksan ang mga nagdaang karanasan at pagkakamali.

Pagkilala ng iisang layunin

Ang pagtutok sa iisang layunin ay mahalagang hakbang sa pagbuo ng masigla at matagumpay na pagsasama sa isang pamilya. Ito ay nangangahulugang ang bawat kasapi ng pamilya ay may kolektibong adhikain na patungo sa iisang layon lamang. Sa pagtingin sa pamilya bilang isang koponan, ipinapaabot nito ang ideya na ang bawat isa ay mahalaga at may ambag sa pangkalahatang tagumpay ng pamilya.

Kapag ang bawat miyembro ay nakatutok sa iisang layunin, nagiging mas malinaw ang kanilang direksyon. Nakatutok ang bawat isa ngayon na magkaisa na siyang diwa ng teamwork. Sa pagtutulungan para sa pagtugon sa iisang adhikain, ang bawat indibidwal ay nagiging bahagi ng isang kolektibong pagsisikap, at ang resulta ay masusing pagsasama at pag-unlad.

Pagsanay sa pagtanggap

Ang pagsasanay ng pagtanggap ng pagkakaiba—ng magulang, tradisyon, pag-uugali, at pananaw—ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan sa isang blended family. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga bagong kasapi at pagkakaroon ng bukas na kaisipan, nagkakaroon ang pamilya ng pagkakataon na maging mas matiwasay, masaya, at maunlad.

Sa isang pamilya kung saan ang mga kasapi ay nagmumula sa iba't ibang pares at may magkakaibang karanasan, mahalaga ang empathy upang mapanatili ang matatag na ugnayan. Ito'y nagbibigay-daan para sa pag-unlad ng positibong komunikasyon at pag-resolba ng mga hamon sa isang maayos at maunlad na paraan. Sa pamamagitan ng empatiya, nakatutulong ito na mapalago ang tiwala, pagkakaunawaan, at pagkakaroon ng maayos na samahan sa ilalim ng isang bubong ng blended family.

Isa pang mahalagang pamamaraan upang maging maayos ang samahan sa isang blended family ay ang ang pagtanggap sa mga kaugalian at tradisyon ng isa't isa. Ang pagiging bukas at maunawain sa mga kaugalian ay nagbubukas din ng daan para sa pagtataguyod ng masusing ugnayan at pagkakaroon ng masigla at masayang pagsasama.

Saklaw ng pag-unawang ito ang pagpapakita ng malasakit. Nagiging mas madali ang paghilom ng sakit kung paiiralin din ang pagtanggap at pagiging bukas sa pagbuo ng mas malalim na koneksyon at samahan. Nakatutulong din ang pagiging bukas sa pakikinig sa mga damdamin ng bawat kasapi. Ito iyong pag-unawa sa kanilang pangangailangan at pagbibigay suporta sa kanilang adhikain.

Matiwasay na blended family

Ang pagbuo ng isang pamilya ay maihahalintulad sa pagbuo ng isang aklat. Bawat pahina at kabanata ay naglalahad ng sariling kuwento at kahalagahan. Mayroong mga pahinang masaya ang kuwento samantalang may ilan namang mga kabanata na may malungkot na karanasan. Ngunit, upang mabuo ang aklat, kailangan itong tahiin sa iisang pabalat at bigyan ng iisang titulo. At ang titulong ito ang pagkakakilanlan ng babasahing iyon, na maihahalintulad sa apelidong dala-dala ng isang pamilya.

Hindi man naging matagumpay ang kwento ng isang pamilya at ninais maghiwalay ng landas, hindi ito dahilan upang maputol ang kanilang ugnayan. Mayroon pa ring mga pamilyang hindi nasisira ang pagmamahal at pangarap para sa anak kung kaya't pinasok ang blended family.

Mahalagang bigyan pansin na sa isang blended family, importante ang pagiging bukas sa pagbabago, pagkakaroon ng malasakit sa bawat isa, at pagpapahalaga sa pagtanggap ng bawat miyembro. Ang tagumpay ng isang blended family ay nakasalalay sa pagkakaroon ng malusog na komunikasyon, pagbibigay halaga sa pagkakaiba, at pagtutulungan sa pagharap sa mga pagsubok. Sa pagkakaroon ng pag-unawa, pagmamahalan, at pagiging bukas sa pagtanggap, maaaring maging masaya at matiwasay ang pagsasama ng pamilyang pinagsama mula sa iba't ibang pinagmulan.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close