Ang pagpapasuso ay isang maganda at natural na proseso na hindi lamang nagpapalusog sa sanggol kundi nagpapatibay din sa malalim na ugnayan sa pagitan ng ina at ng kanyang anak. Gayunpaman, dala rin nito ang ilang mga pagbabago sa pisikal na kondisyon ng katawan ng isang ina, isa na rito ang pagkaantala sa pagbabalik ng mga siklo ng regla pagkatapos manganak. Mahalaga ang pag-unawa kung kailan babalik ang menstruation para sa mga inang nagpapasuso para sa pagpaplano, pagsubaybay sa kalusugan, at pamamahala ng mga inaasahan.
Madalas na nakakaranas ang mga inang nagpapasuso ng pagkaantala sa pagbabalik ng kanilang mga siklo ng regla, isang kondisyon na kilala bilang lactational amenorrhea. Sinusuri ng artikulong ito ang mga bagay na nakakaapekto sa pagbabalik ng menstruation, ang average na timeline, at kung ano ang maaasahan ng mga ina sa panahong ito.
Pagpapasuso at ang Epekto Nito sa Buwanang Dalaw
Ang pagpapasuso ay nag-uudyok sa katawan ng ina na maglabas ng prolactin, isang hormone na responsable sa produksyon ng gatas. Kasabay nito, ang hormone na ito ay nakakatulong din sa pagkakaantala ng ovulation, ang proseso kung saan ang obaryo ay naglalabas ng itlog na maaaring maging fetus kapag dumaan sa fertilization. Dahil sa mataas na lebel ng prolactin sa panahon ng eksklusibong pagpapasuso (ibig sabihin, ang sanggol ay walang ibang kinakain o iniinom maliban sa gatas ng ina), ang regular na menstrual cycle ng ina ay kadalasang naaantala.
Direktang nakakaapekto ang pagpapasuso sa hormonal balance ng isang ina, partikular na ang mga antas ng prolactin at oxytocin, na may mahalagang papel sa produksiyon ng gatas at paglabas nito. Ang mataas na antas ng prolactin, na kinakailangan para sa lactation, ay pumipigil sa ovarian cycle, na nagdudulot ng amenorrhea.
- Prolactin at menstruation. Ang prolactin, ang hormone na responsable sa produksiyon ng gatas, ay pinipigilan ang secretion ng FSH at LH, mga hormones na mahalaga para sa menstrual cycle.
- Ang Papel ng Oxytocin. Bagaman kilala ito sa pangunahing papel nito sa paglabas ng gatas, nakakaapekto rin ang oxytocin sa antas ng stress ng ina at sa pagbuo ng ugnayan sa sanggol, na hindi direktang nakakaapekto sa hormonal na balanse na kinakailangan para sa menstruation.
Mga Bagay na Nakakaapekto sa Pagbabalik ng Menstruation
Ang pagbabalik ng buwanang dalaw pagkatapos ng panganganak, na kilala rin bilang postpartum menstruation. Ang mga sumusunod ay ilang pangunahing bagay na maaaring makaimpluwensya sa kung kailan magsisimulang muli ang isang ina na magkaroon ng regla:
Paraan ng Pagpapakain sa Sanggol
- Pagpapasuso. Ang eksklusibong pagpapasuso, lalo na on-demand o kung kailan humihingi ang sanggol, ay nagtataas ng lebel ng prolactin, na nakakapigil sa ovulation at maaaring maantala ang pagbabalik ng menstrual cycle. Maaaring magtagal ito hangga't ipinagpapatuloy ang pagpapasuso.
- Paghahalo ng Breastmilk at Formula. Ang paghahalo ng pagpapasuso at pagbibigay din ng formula ay maaaring magresulta sa pagbabalik ng menstruation nang mas maaga dahil sa hindi ganoon kadalas na pagpapasuso.
- Pagpapainom ng Exclusive Formula. Kung ang sanggol ay binibigyan lamang ng formula, mas malamang na agad na magbalik ang dalaw ng ina, kadalasang ilang linggo o buwan pagkatapos ng kapanganakan.
Hormonal Changes
Ang hormonal fluctuations na nagaganap pagkatapos manganak ay malaki rin ang epekto. Minsan ang katawan ay nangangailangan ng oras upang mabalik sa normal nitong hormonal rhythm postpartum.
Pisikal at Emosyonal na Stress
Ang stress, maging pisikal dahil sa pangangalaga sa bagong silang na sanggol o emosyonal mula sa pagbabagong dala ng pagiging magulang, ay maaaring magkaroon ng epekto sa hormonal balance at maaaring maantala ang pagbabalik ng regla.
Pangkalahatang Kalusugan at Nutrisyon
Ang estado ng nutrisyon at pangkalahatang kalusugan ng ina ay may mahalagang papel. Ang poor nutrition o labis na pagbaba ng timbang ay maaaring makaapekto sa regularidad at pagbabalik ng menstrual cycle.
Gawi sa Pag-Eehersisyo
Ang intensive physical activity mula sa exercise ay maaari ring magkaroon ng impact sa menstrual cycle, lalo na kung sa abnormal na level na maaaring maka-stress sa katawan.
Medikal na Kondisyon
Ang ilang kondisyon tulad ng thyroid disorders, polycystic ovarian syndrome (PCOS), at iba pang reproductive health issues ay maaaring makaimpluwensya sa kung gaano katagal bago magbalik ang menstruation.
Paggamit ng Contraception
Ang paggamit ng ilang uri ng birth control, lalo na ang hormonal contraceptives, pagkatapos ng panganganak ay direktang nakakaapekto sa pagbabalik at frequency ng menstrual cycle.
Average na Timeline para sa Pagbabalik ng Menstruation
Bagaman maaaring mag-iba ang timeline sa bawat indibidwal, karamihan sa mga inang nagpapasuso ay maaaring asahan na babalik ang kanilang regular na buwanang dalaw sa loob ng 6 hanggang 24 na buwan pagkatapos manganak. Maaaring maranasan ng mga inang eksklusibong nagpapasuso ang mas mahabang pagkaantala kumpara sa mga gumagamit ng bote para magpadede.
Basahin ang mga safe birth control method at pills for breastfeeding moms dito.