pregnancy,pregnancy test,Family/Children,sc24,sw24,Pregnancy Test, Menses, Pagbubuntis: Mga Kailangang Malaman,Family/Children, pregnancy, pregnancy test,Alamin ang mga paraan upang malaman kung nagdadalantao ka, kasama na rito ang paggamit ng pregnancy test.
PregnancyGetting Pregnant

Buntis Ba Ako? Mga Kailangang Malaman Tungkol sa PT, Menses, at Pagdadalantao

Alamin ang pagkakaiba, mga kailangang gawin, at iba pang impormasyon kung sumusubok mabuntis.
PHOTO BYPexels

Hindi maikakailang isa sa mga palaisipan, lalo na sa mga first-time parents, ang pagdadalantao. Kasama na sa palaisipang ito ang paggamit ng PT, o mas kilala natin bilang pregnancy test home kits. Bukod sa paggamit ng PT, mababasa sa ibaba ang mga kailangan mong matutunan tungkol sa buwanang dalaw, pagbubuntis, at paggamit ng PT.

Disclaimer: Ituring lamang bilang gabay ang paggamit ng pregnancy test at hindi bilang isang pamamaraan upang makumpirma ang pagbubuntis. Kumonsulta pa rin sa doktor upang makasigurong tama ang mga rekomendasyong ibibigay sa inyo.

Ano ang buwanang dalaw at ano ang koneksyon nito sa pagbubuntis?

Ang buwanang dalaw, o mas kilala bilang period o menses, ang proseso ng pagtanggal ng katawan ng tinatawag na uterine lining na nakabalot sa loob na bahagi ng matris (uterus). Nangyayari ito kapag hindi sumailalim sa fertilization ang egg cell ng babae. Nagkakaroon ng fertilization kapag nagsama ang egg cell ng babae at sperm cell ng lalaki.

Para sa mga kababaihang regular ang buwanang regla, nangangahulugang maaaring buntis ang babae kapag naantala ng ilang linggo ang pagdating ng regla niya. Tuwing 21 hanggang 38 na araw ang maituturing na normal na cycle ng isang monthly period. Nagsisimula ang pagbibilang ng mga araw mula sa unang araw ng pagkakaroon ng regla hanggang sa susunod na unang araw na nagkaroon ulit ng buwanang dalaw.

Sa kabilang banda, mas kumplikadong alamin kung buntis ang babae kung hindi regular ang kanyang menses. Ito ang ilan sa mga kundisyong medical na maaaraming magdulot ng irregular na dalaw ang mga sumusunod:

  • PCOS (polycystic ovarian syndrome)
  • Primary ovarian insufficiency
  • Obesity o labis na pagtaas ng timbang
  • Labis na pagbaba ng timbang, tulad ng makikita sa anorexia
  • Problema sa atay
  • Diabetes

Ito naman ang ilan lang sa mga dahilan ng pagkakaroon ng delayed menses:

  • Mataas na levels ng stress
  • Mabilis na pagtaas o pagbaba ng timbang sa loob ng isang buwan
  • Labis na pag-eehersisyo
  • Paggamit ng hormonal contraceptives, gaya ng pills at injectables
watch now

May posibilidad bang mabuntis kahit nireregla?

Hindi posibleng magkaroon ng buwanang dalaw habang nagbubuntis dahil nagsisilbing “tahanan” ng fetus (pinagsamang sperm cell at egg cell) ang uterine lining sa loob ng matris. Kumpara sa pagdurugong mararanasan kapag nagdadalantao, mas malakas ang agos ng dugo kapag nireregla ang babae.

READ ALSO: Magkaka-Regla Lang Ba O Buntis Na? 8 Senyales Paano Malalaman Kung Buntis

Mga Dahilan ng Pagdurugo Habang Nagdadalantao

Narito ang ilan sa mga maaaring maging sanhi ng pagdurugo kapag nagbubuntis:

  • Implantation bleeding o normal na mahinang pagdurugong nagaganap kapag nakapuwesto na ang fertilized egg sa uterine lining
  • Pagbabago sa kuwelyo ng matris (cervix)
  • Kumplikasyong may kinalaman sa pagbubuntis, tulad ng placenta previa
  • Pagtatalik habang buntis ang babae
  • Ectopic pregnancy o ang pagkakapuwesto ng fertilized egg sa daluyan ng egg cells (fallopian tube) mula sa mga obaryo (ovaries)
  • Miscarriage o nakunan

Kailan dapat kumunsulta sa doktor?

Huwag mag-dalawang isip na kumunsulta sa doktor kapag nakaranas ng isa sa mga sumusunod:

  • Naka-miss ka na ng mahigit tatlong periods.
  • Negative pa rin ang resulta ng PT mo ngunit nakararanas pa rin ng mga sintomas na may kaugnayan sa pagbubuntis. Ilan sa mga ito ang labis na pagsusuka (hyperemesis gravidarum), pagkahilo, sakit sa puson o tiyan, at panghihina.
  • May ibang mga sintomas kang nakikitang hindi normal na makita, anuman ang kalagayan mo. Isa sa mga ito ang kakaibang kulay ng discharge na lumalabas sa puwerta.

Delayed Ang Period Pero Negative Sa Pregnancy Test

Ito ang isa sa mga karaniwang tanong tungkol sa pagbubuntis: Puwede na ba mag-PT (pregnancy test) isang linggo buhat ng pagka-delay ng buwanang dalaw? Para sa mga kababaihang nakararanas nito, heto ang dapat mong malaman ukol sa mga pregnancy test.

Ano ang home pregnancy test (PT)?

Ginagamit ang home pregnancy test kits upang malaman kung buntis ang babae sa pamamagitan ng pagsuri kung may human chorionic gonadotropin (hCG) sa ihi ng babae.

Para sa mga may regular menses, maaari ng gumamit ng PT sa unang araw buhat ng pagkaantala ng period. Gawin ito sa unang pag-ihi pagkagising. May mga kasong hindi pa agad makita kung positibo (buntis) o negatibo (hindi buntis) ang resulta ng PT dahil masyado pang malabo ang linya, lalo na sa parte kung saan malalamang positibo ang resulta. Sa mga ganitong pagkakataon, maaaring ulitin ang test isa o dalawang linggo pagkatapos isagawa ang unang test.

Ito ang mga resultang maaaring makuha sa paggamit ng pregnancy test:

  • Positibo: Dalawang linya ang makikita sa pregnancy test. Depende sa kit na gagamitin mo, nakatapat ang tig-isang linya sa mga letrang C (control) at T (test).
  • Negatibo: Isang linya lang ang makikita sa pregnancy test. Nakatapat dapat ang linyang ito sa C (control) side.
  • Invalid: Isang linya rin ang makikita sa pregnancy test. Nakatapat ang linya sa T (test) side ngunit walang marka sa C (control) side. Sa mga ganitong pagkakataon, maaaring contaminated (hindi puro) ang ginamit na specimen (ihi ng nag-test) sa kit. Maaari ring expired o defective ang PT kit, kaya kinakailangang ulitin ang test gamit ang panibagong set.
pregnancy test
PHOTO BYPexels

May mga pagkakataon ding hindi tama ang resultang ibinibigay ng PT kit. Tinatawag itong false positive o false negative. Ito rin ang dahilan kaya mas mainam na magpatingin kaagad sa doktor, mayroon man o walang sintomas na nadarama.

Ano pa ang maaaring gawin upang malaman kung buntis ang isang babae?

Kung hindi pa rin makatiyak kung buntis ka, kumunsulta sa iyong Ob-Gyne (Obstetrics-Gynecologist) upang mapayuhan ng mga susunod na hakbang. Isa sa mga posibleng ipagawa sa iyo ang pagsailalim sa blood tests. Kumpara sa home pregnancy tests, mas accurate ang maibibigay na resulta nito kaya mas tiyak din ang mga kailangang gawin, depende sa makikita rito.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close