;
embed embed2
  • Kung May PCOS, Puwedeng Tumaas Ang Tyansang Mabuntis Sa Ganitong Mga Paraan

    Marami nang naging mommy kahit may ganyang reproductive issue.
    by Jocelyn Valle .
Kung May PCOS, Puwedeng Tumaas Ang Tyansang Mabuntis Sa Ganitong Mga Paraan
PHOTO BY Shutterstock
  • Isa sa reproductive issues ng mga kababaihan ang polycystic ovarian syndrome (PCOS). Ito ay hormonal imbalance, kung saan masyadong marami ang nagagawa ng katawan na male hormones na androgens at naapektuhan ang menstrual cycle. Kaya  marami ang nagtatanong kung may paraan para mabuntis ang may PCOS.

    Mga dapat malaman tungkol sa PCOS

    Dahil sa PCOS, hindi nagkakaroon ng ovulation kada buwan. Ibig sabihin, walang napapakawalang egg cell mula sa mga obaryo (ovaries) ng babae. Hindi kasi nahihinog o nabubuo nang husto ang egg cells. May mga kaso pa nga na hindi kailanman nagkakaroon ng ovulation.

    Bagamat hindi pa talaga natutukoy ang sanhi ng PCOS, may paniniwala na genetic, o namamana ito. Malaki ang tyansa mong magkaroon nito kung merong PCOS ang nanay, ate, tiya, o iba pang kamag-anak na babae.

    Isang kumplikadong kondisyon ang PCOS dahil walang medical test para masuri  ito. Sa halip, pagbabasehan ng iyong obstetrician-gynecologist ang mga nararamdaman mong sintomas. Kailangan hindi bababa sa dalawa ang mga sintomas bago masabing may PCOS ka nga.

    Nagbigay ng mga halimbawa si Dr. Maynila Domingo, isa ob-gyn na espesyalista sa maternal-fetal medicine, sa dati niyang panayam sa SmartParenting.com.ph. Kabilang diyan ang mga sumusunod:

    • Hindi regular na dating ng regla (irregular menstruation) dahil hindi rin regular ang ovulation.
    • Labis na buhok sa katawan (excess body hair) at tigyawat dulot ng mataas na level ng androgen sa katawan.
    • Mga bukol (follicular cysts) na 9 millimeters ang diameter sa isa o parehong obaryo. Makikita ito sa pamamagitan ng transvaginal ultrasound.

    Ang problema, sabi ni Dr. Domingo, kadalasang tumatagal ng isang taon pagkatapos ng huling regla at saka lang komukonsulta sa doktor. Dapat daw malaman na irregular period ang pagkakaroon ng pabago-bagong dating ng regla. Ang average menstrual cycle raw kasi ay kadalasang tumatagal ng 28 na araw, pero okay pa rin naman kung humaba o umiksi nang ilang araw.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Mga paraan para mabuntis ang may PCOS

    Marami sa mga kababaihan ang natutuklasang may PCOS kapag sumusubok na silang mabuntis. Maaaring hindi nila alam ang mga sintomas o hindi lang nila binibigyan ng pansin ang mga ito. Naaalarma lang sila kapag hirap silang magbuntis.

    Pero hindi kailangang nawalan ng pag-asa, ayon sa Office of Women's Health ng United States Department of Health and Human Services. Maraming may PCOS ang nabuntis at ligtas na nanganak. Dito sa Pilipinas, nariyan ang celebrity moms na sina Pauleen Luna at Nadine Samonte.

    Kailangan mo lang makipagtulungan sa iyong doktor at subukan ang mga paraan para mabuntis ang may PCOS. Ang unang ipapayo sa iyo, sabi pa ng mga eksperto, ay ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Bukod sa pag kain nang tama at pag-ehersisyo, kailangang bawasan o itigil ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.

    Sasabihan ka rin ng iyong doktor na subukan ang iba pang mga paraan:

    Bantayan ang timbang

    Maaaring narinig mo na sa iyong doktor ang "insulin resistance" dulot ng PCOS. Ibig sabihin, wala epekto ang insulin sa katawan kaya tumataas ang glucose, na tinatawag ding blood sugar, sa katawan. Bumibilis tuloy ang pagdagdag ng timbang at bumababa pagkakataon na maging fertile. Kalaunan, maaari pa itong mauwi sa diabetes at sakit sa puso.

    Subaybayan ang ovulation

    Mas tataas ang tyansa mong mabuntis kapag tinutukan mo ang dating ng iyong ovulation at sexual intercourse kung kailan fertile ang babae. Malalaman mong andiyan na o parating pa lang ang iyong ovulation kapag:

    • May pagbabago sa mucus o vaginal discharge
    • May pananakit sa puson
    • May nararamdamang premenstrual symptoms, gaya ng pagsakit ng mga suso, pamamamanas, at pagiging moody
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    (Basahin dito para sa mga senyales ng ovulation at dito kung gaano katagal ang ovulation period.)

    Subukan ang contraceptive pills

    Para sa mga kababaihang may PCOS at irregular na regla, maaaring makatulong ang pag-inom ng contraceptive pills, gaya ng progestin-only pills, upang umayos ang menstrual cycle. Karaniwang nirereseta ito kada tatlo hanggang apat na buwan, pero puwede rin daw na buwanan. Makakatulong pa ito na bawasan ang panganib ng endometrial cancer.

    Ovulation induction sa pamamagitan ng gamot

    Kung hindi umubra ang anim na buwan na pagsunod sa healthy lifestyle at pagbabawas ng timbang, maaaring payuhan ka ng iyong doktor na simulan ang ovulation induction. Isa itong treatment procedure na gumagamit ng gamot para tulungan ang ovaries na padamihin ang paggawa ng egg cells. Tandaan lang na hindi ito nirerekomenda sa mga may PCOS na obese o di kaya may body mass index (BMI) na higit sa 35.

    Kadalasang nirereseta ang clomiphene citrate bilang anti-estrogen drug para sa ovulation induction. Iniinom ito sa simula ng menstrual cycle para pataasin ang paggawa ng egg cells. Maaaring ito lang ang inumin o di kaya kasabay ng ibang pang gamot, gaya ng metformin, na nagpapababa ng insulin at blood sugar levels sa mga may PCOS.

    Paalala lang ng mga eksperto na may posibilidad na maghatid ng panganib ang ovulation induction. Nariyan ang side effects na pagsakit ng ulo, paglabo ng paningin, at pagbago-bago ng mood. Tataas din ang tyansang mabuntis na higit sa isang sanggol, tulad ng twins o di kaya triplets. Higit din kasi sa isa ang mapapakawalang egg cell mula sa ovaries.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Isa pang dapat tandaan ay ang bahagyang pagtaas ng panganib sa ovarian cancer. Kaya dapat mula anim hanggang siyam na buwan lang ang gamutan gamit sa clomiphene medication.

    Para naman sa mga may PCOS na hindi talaga nakakaranas ng ovulation, nireresetahan sila ng metformin. Ito ang magpapababa ng androgen levels at magpapataas ng ovulation rate. Makakatulong din ito para magbawas ng timbang, kasabay ng clomiphene. Pero may posibleng side effects, gaya ng pagkahilo (nausea), pagduduwal, at pagkawala ng ganang kumain.

    Puwede ring makatulong sa ovulation ang mga gamot na mayroong gonadotropins, o ang hormones tulad ng follicle-stimulating hormones (FSH) at luteinizing hormones (LH). Binibigay ito sa pamamagitan ng injection para dumami at magpakawala ng egg cells.

    Pagkatapos ng injection, sinusuri ang ovaries sa pamamagitan ng regular ultrasound para hindi masobrahan ang stimulation. Tataas kasi ang tyansa na magbuntis ng higit sa isa.

    Ovarian drilling

    Isa itong minimally invasive laparoscopic procedure, kung saan binubutasan (drilling) ang surface ng ovary para tanggalin ang tissue na responsable sa paggawa ng labis na androgens. Pagkatapos ng drilling procedure, nagkakaroon ng ovulation mula 6 hangang 12 na buwan.

    Paalala rin ng mga eksperto na hindi pangkaraniwang nirerekomenda ang ovarian drilling, puwera na lang kung hindi talaga umubra ang iba pang paraan para mabuntis ang may PCOS. May kaakibat kasi itong side effects, tulad ng pinsala sa internal organs.

    Basahin dito para sa iba pang fertility treatment options.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

Don't Miss Out On These!
View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles