postnatal,fetus,pregnancy,pregnant,getting pregnant,preterm birth,prenatal care,pagbubuntis,buntis,People & Society,Family/Children,Genres,conlch-00432,sc25,prenatal check up,Mga Medikal At Natural Na Paraan Na Pampakapit Para Sa Buntis,Alamin ang mga medikal at natural na paraan ng pampakapit sa buntis para maiwasan ang miscarriage at mapanatili ang malusog na pagbubuntis.
PregnancyGetting Pregnant

Mga Medikal At Natural Na Paraan Na Pampakapit Para Sa Buntis

Alamin ang medikal at natural na paraan upang mapanatili ang malusog na pagbubuntis at maiwasan ang miscarriage.
PHOTO BYCanva

Isa sa pinakamahalaga at maselang yugto sa buhay ng isang babae ang pagbubuntis. Maraming maaaring mangyari sa panahong ito, kaya kinakailangang maging maingat. Mainam ang isang full-term pregnancy para sa kalusugan ng sanggol, na karaniwang umaabot sa 40 na linggo. Kapag ipinanganak ang isang baby nang mas maaga sa 37 na linggo, maaaring magkaroon ito ng mga problemang pangkalusugan dahil sa kakulangan ng panahon ng paglaki o pagiging isang premature baby.

May mga buntis na nakakaranas ng maagang pagle-labor sa ilang kondisyong medikal ng ina. Kadalasan, mahina rin ang kapit ng baby, kaya nagbibigay ang doktor ng pampakapit. Bagamat may mga medikal na pamamaraan, maaari ring subukan ang ilang natural na paraan—subalit napakahalaga pa rin ang pagkonsulta sa doktor bago gumamit ng anumang pampakapit.

Mga Posibleng Sanhi ng Pagkakunan o Miscarriage ng Buntis

Ang maagang pagle-labor ay isang suliraning maaaring kaharapin ng isang buntis. Karaniwan, ang pagkakunan o pagkalaglag ng sanggol ay nangyayari bago ang ika-20 linggo ng pagbubuntis. Ilan sa mga posibleng dahilan ay ang sumusunod:

  1. Genetic factor: Ito ang pagkakaroon ng problema sa genes ng sanggol na sanhi ng hindi pagiging compatible.
  2. Hormonal imbalance: Maaaring may kakulangan sa hormone na progesterone kaya't hindi nagdebelop ng normal ang linig ng matris para makapitan at makuhanan ng nutrisyon ng na-fertilize na egg.
  3. Problema sa matris: Kasama rito ang pagkakaroon ng fibroids o abnormal na hugis ng matris, pati na rin ang pagiging mahina ng cervix, na maaaring maging sanhi ng maagang pagbubukas nito kahit na hindi pa kabuwanan.
  4. Impeksyon o sakit: Ang pagkakaroon ng matinding impeksyon at mga kondisyong pangkalusugan gaya ng diabetes, antiphospholipid syndrome (APS), at high blood pressure ay maaaring makaapekto sa pagbubuntis.
  5. Paraan ng pamumuhay: Ang pagkakaroon ng bisyo, gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak, o labis na stress ay hindi nakabubuti sa pagbubuntis.

Bukod sa mga ito, ayon din sa Cleveland, may iba pang mga salik na maaaring magdulot ng miscarriage, gaya ng:

watch now
  • Edad ng ina sa panahon ng pagbubuntis
  • Problema sa immune system, gaya ng lupus
  • Pagkakalantad sa sakit na TORCH (toxoplasmosis, rubella, cytomegalovirus, herpes)
  • Pagka-expose sa radiation

Mga Medikal na Paraan ng Pampakapit ng Baby

Kung may banta ng pagkakunan o miscarriage, maaaring irekomenda ng iyong doktpr ang pag-inom ng gamot at pag-bed rest. Narito ang ilang medikal na pamamaraan:

1. Progesterone Supplement

Ang progesterone ay mahalagang hormone na tumutulong sa pagpapanatili ng pagbubuntis. Kung mababa ang progesterone level ng nagbubuntis, maaaring bigyan siya ng progesterone oral pills, injection o vaginal suppositories ng kaniyang doktor.

2. Duphaston at Utrogestan

Kadalasang ibinibigay ang mga gamot na ito sa mga buntis na may spotting o history na ng miscarriage. Nagagawa nitong patibayan ang pagkapit ng embryo sa matris.

3. Folic Acid at Prenatal Vitamins

Ang folic acid ay mahalaga hindi lamang sa paglaki ni baby, kundi pati na rin sa pag-iwas sa miscarriage. Kasama na dito ang iba pang prenatal vitamins tulad ng iron, calcium, at DHA.

4. HCG Injections

Inirerekomenda naman ang Human Chorionic Gonadotropin (HCG) injection para mapanatili ang pagbubuntis lalo na sa mga may history ng pauulit-ulit na miscarriage.

5. Pag-monitor ng Thyroid Level

Ang hindi normal o balanseng thyroid level ay maaaring magdulot ng komplikasyon sa pagbubuntis. Ang pagbibigay ng tamang gamot ay makakatulong sa pagpapanatili ng normal na antas ng hormones.

Bukod sa mga gamot, may ilang medikal na interbensyon na maaaring gawin upang maiwasan ang miscarriage. Ito ang cervical cerclage. Ayon sa KidsHealth, ito ay isang procedure kung saan tinatahi ang cervix upang mapanatili ang pagbubuntis hanggang sa tamang panahon ng panganganak. Karaniwan itong ginagawa sa mga buntis na may incompetent cervix o mabilis na nagbubukas o nagda-dilate ang cervix.

Ipinapayo rin ng doktor ang pagpapahinga o bed rest upang maiwasan ang labis na pagkilos, stress, at pressure sa matris.

Mga Natural na Paraan sa Pampakapit ng Baby

Bukod sa mga medikal na pamamaraan, makabubuti rin ang pagsasagawa ng mga natural na pamamaraan habang nagbubuntis pa lamang para makaiwas sa banta ng miscarriage. Narito ang ilan sa mga ito:

1. Malusog na Pagkain at Balanseng Diet

Ang wastong nutrisyon ay mahalaga sa pagpapanatili ng malusog na pagbubuntis. Makatutulong ang ilang pagkain gaya ng:

  • Madahong gulay (malunggay, spinach): Mayaman sa folic acid at iron
  • Pagkain na mayaman sa protina (karne, isda, itlog, beans): Nakakatulong sa paglaki ng sanggol
  • Prutas (saging, orange, abokado): Mayaman sa vitamin C at potassium
  • Dairy products (gatas, yogurt, keso): Para sa bone development ni baby

Ipinapayo rin ng doktor ang pagkain nang pakaunti-kaunti kada dalawang oras sa halip na tatlong beses sa isang araw na sobrang busog.

2. Pag-inom ng Maraming Tubig

Ang dehydration ay maaaring magdulot ng contraction, kaya mainam ang pag-inom ng maraming tubig upang manatiling hydrated.

3. Pagsunod sa Tamang Ehersisyo

Maaaring isagawa ang magagaan na ehersisyo tulad ng prenatal yoga at paglalakad upang mapanatili ang tamang sirkulasyon ng dugo at lakas ng kalamnan. Makatutulong din ang meditation o mga deep breathing exercises. Ngunit mahalagang humingi ng permiso ng doktor bago magsagawa ng anumang pag-eehersisyo.

4. Pag-iwas o Pagbawas sa Stress

Ang labis na stress at pagkapagod ay maaaring makaapekto sa pagbubuntis. Mahalagang magkaroon ng sapat na tulog at maayos na pahinga. Kung may emosyonal na problema, makipag-usap sa asawa, kaibigan, o kamag-anak na makapagbibigay ng mental at emosyonal na suporta.

Sa kabuuan, ang kombinasyon ng medikal at natural na pamamaraan ay maaaring makatulong sa pagbubuntis, ngunit higit sa lahat, ang tamang pangangalaga ng sarili ay makabubuti para sa malusog na pagbubuntis at pagsilang ng baby. Gayundin, maaaring makaiiwas sa anumang posibleng komplikasyon.

Gaya sa personal na karanasan, sa aking unang pagbubuntis, ako ay nasa ika-6 na linggo nang magkaroon ako ng cervical infection na maaaring maging sanhi ng pagkawala ng baby sa sinapupunan. Kaya pinainom ako ng aking doktor ng Duphaston at kinailangan kong mag-bed rest nang isang linggo na nakataas ang bahagi ng aking balakang at paa.

Sa ikalawang pagbubuntis naman, nasa ika-33 na linggo ako nang bigla akong makaranas ng pagdurugo dahil sa matinding pagod sa trabaho at sa labis na stress na rin dulot ng pandemya. Muli akong pinainom ng gamot at pinagpahinga ng isang linggo.

Kaya naman, mahalagang alagaan ang sarili lalo na kung maselan ang pagbubuntis. Narito ang ilan pang dapat tandaan ayon sa Cleveland Clinic para napanatili ang pagbubuntis o makaiwas sa miscarriage:

  • Regular na prenatal check-up
  • Pagpapanatili ng tamang timbang
  • Pag-inom ng prenatal vitamins
  • Pagkakaroon ng regular na ehersisyo
  • Pag-kain ng masustansiya
  • Pag-iwas sa mga bisyo

Sa tamang pag-aalaga, maiiwasan ang komplikasyon at mapapanatili ang kalusugan ng ina at sanggol.

Alamin kung paano maproprotektahan ang pinagbubuntis mula sa miscarriage.

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close