Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Sina Jolina Magdangal, Meryll Soriano, at Aicelle Santos ang ilan sa mga nakaranas ng gestational diabetes. Ito ang naging rason kung bakit naging high risk ang kanilang pagbubuntis (ikalawa para kina Jolina at Meryll, habang una naman kay Aicelle).
Pero sa tulong ng kanilang mga doktor at kanilang sariling pagsisikap, nalampasan nila ang ganoong pregnancy complication. Ligtas nilang naipanganak ang kani-kanilang mga anak, at nanumbalik ang kanilang kalusugan.
Ano ang gestational diabetes?
Ang gestational diabetes, na kilala rin bilang gestational diabetes mellitus (GDM), ay isang uri ng diabetes na nangyayari lamang kapag buntis. Ibig sabihin lubhang mataas ang blood sugar o blood glucose.
Hindi mabuti ang ganitong kondisyon sa iyo at sa iyong ipinagbubuntis, ayon sa United States National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases (NIDDKD).
Mga panganib na dulot ng GDM sa buntis:
- Pagtaas ng blood pressure, na tinatawag na preeclampsia
- Panganganak ng Cesarean section
- Posibilidad na makunan
- Pagkakaroon ng type 2 diabetes sa pagdaan ng panahon
Mga panganib na dulot ng GDM sa sanggol:
- Posibleng mapaaga ang kapanganakan
- Mabigat na timbang, na maaaring maging sagabal sa panganganak
- Pagkakaroon ng low blood glucose, o hypoglycemia, pagkapanganak
- Hirap sa paghinga
- Pagiging overweight at diabetic sa pagtanda
Karaniwang natutuklasan, sa pamamagitan ng regular checkup sa doktor, ang GDM sa pagitan ng Week 24 at Week 28. Sa ganoong panahon din nalaman nina Jolina, Meryll, at Aicelle na mataas ang blood sugar nila.
Bakit nagkakaroon ng gestational diabetes?
Sa panahon ng pagbubuntis, gumagawa ang iyong katawan ng special hormones at sumasailalim ito sa iba pang pagbabago. Kabilang dito ang pagdagdag ng timbang (weight gain).
Ang nangyayari tuloy hindi nagiging maayos ang paggamit ng insulin. Ito ang hormone na ginagawa ng lapay (pancreas) na tumutulong sa paggamit ng glucose parang maging energy. Tumutulong din ang insulin kontrolin ang blood glucose levels.
Kapag hindi nagagamit nang tama ang insulin, nagkakaroon ng tinatawag na insulin resistance. Lahat ng buntis ay nagkakaranas ng insulin resistence sa huling bahagi ng kanilang pagdadalang-tao. Marami sa kanila ang nakakagawa ng sapat na insulin para malabanan ang insulin resistence. Pero meron ding hindi, kaya sila nagkakaroon ng gestational diabetes.
May epekto rin ang pagiging overweight o di kaya obese habang buntis, ayon sa mga eksperto, pati na ang pagkakaroon ng diabetic sa pamilya. Aminado sina Meryll at Aicelle sa kani-kanilang interview sa Smart Parenting na naging matakaw sila habang buntis at nagdagdag ng timbang.
Read also: How Much Weight Should You Really Gain During Pregnancy?
Mga sintomas ng gestational diabetes
Hindi karaniwang nagdudulot ng sintomas ang GDM, ayon sa United Kingdom National Health Service (NHS). Kaya nagugulat ang maraming buntis na mataas ang kanilang blood glucose levels kapag sumasailalim sa sa gestational diabetes screening.
Pero meron ding mga buntis na nakakaranas ng mga sintomas, lalo na kung napakataas na ng kanilang blood glucose. Mga halimbawa:
- Mas madalas sa normal na pagkauhaw at pag-ihi
- Panunuyo ng bibig
- Pagkahapo
Payo ng mga eksperto na nasabihan ang iyong doktor nang masuri para sa gestational diabetes, kahit kadalasang simula sa Week 24 pa ito ginagawa.
Para malaman kung may gestational diabetes
Pinagbabasehan ng doktor ang blood test upang magbigay ng diagnosis na meron ka ngang gestational diabetes. Maaaring irekomenda ang:
- Glucose challenge test
- Glucose tolerance test (OTT)
- Puwede ring pareho
Makikita sa mga ito kung paano ginagamit ng iyong katawan ang glucose.
Paano nagagamot ang gestational diabetes?
Unang ipapasubok ng doktor ang ganitong mga paraan para kontrolin ang blood glucose:
Pag-kain ng tamang uri at dami
Sa pagpili ng mga dapat kainin ng buntis, ayon sa mga eksperto, kailangan pagbasehan ang food pyramid. Sinasabi dito na kumain ng iba-ibang uri ng pagkain. Pero dapat mas maraming kainin na "lean high-quality protein" at complex carbohydrates, habang mas kaunti naman ang matataba at matatamis na pagkain.
Kailangan din ng tamang dami at oras ng pag-kain. Paalala ng mga eksperto na huwag maniwala sa sinasabing "eat for two" dahil magdudulot ito ng overeating at tuluyang overweight.
Pag-ehersisyo nang regular
Bukod sa pagsusunog ng calories at pagmintina ng blood glucose levels, nakakatulong ang exercise at pagiging aktibo na palakasin ang puso at mga buto habang pinapalakas ang mga muscle at ginagawang flexible ang kasu-kasuan. Nakakabawas din ng stress ang exercise.
Kausapin lang muna ang iyong doktor kung ano ang mainam na mga exercise at kung gaano kadalas mo itong gagawin. (Basahin dito ang ilang halimbawa ng pregnancy exercise at home.)
Pag-monitor ng blood glucose levels
Makakatulong ang pagkakaroon ng sariling blood glucose meter para matignan ang iyong lagay kahit nasa bahay. Kailangan lang ng konting patak ng iyong dugo para mabasa ng device na ito ang iyong blood glucose levels.
Narito ang rekomendadong blood glucose levels para sa mayroon gestational diabetes:
- Bago kumain, matulog, o di kaya sa magdamag—95 pababa
- Isang oras bago kumain—140 pababa
- Dalawang oras bago kumain—120 pababa
Kung hindi umubra ang pagkakaroon ng healthy eating plan at pagiging physically active, maaaring irekomenda ng doktor ang insulin. Tuturuan ka rin kung paano magturok ng insulin shot. Ito ang pangunahing gamot para sa gestational diabetes at hindi ito nakakapinsala sa iyong sanggol, ayon sa mga ekspeto. Pero ituloy pa rin ang tamang pagkain at ehersisyo.
Read also: Can I still breastfeed even if I had gestational diabetes when I was pregnant?