Para sa maraming mag-asawa, ang pagkakaroon ng anak ay isa sa pinapangarap sa pagbuo ng pamilya. Ngunit, may ilan na humaharap sa hamon ng hindi agad pagkakaroon ng anak. Isa sa mga dahilan ay ang kondisyon ng infertility o pagkabaog. Ang sitwasyong ito ay isang seryosong usapin hindi lamang sa kalusugang pisikal ngunit maging sa emosyonal at sikolohikal na konteksto.
Ayon sa World Health Organization (WHO), isa sa bawat anim na tao sa buong mundo ang dumaranas ng pagkabaog. Ang epekto nito ay hindi lamang personal, may malaking epekto rin sa kanilang relasyon, pagpapamilya, at komunidad.
Ano ang Pagkabaog?
Ang pagkabaog o infertility ay isang medikal na kondisyon kung saan nahihirapang makabuo o hindi agad magkaaanak ang mag-asawa sa loob ng isang taon o higit pa na may regular na pagtatalik nang hindi gumagamit ng anumang contraceptive. Maaari itong makaapekto sa alinmang kasarian: babae, lalaki, o pareho. Mahalagang tandaan na hindi ito sukatan ng pagiging "buo" o "kulang" bilang tao. Isa itong medikal na isyung nangangailangan ng wastong kaalaman, suporta, at pag-unawa.
May tatlong uri ng pagkabaog o infertility:
- Primary infertility na hindi mabuntis-buntis;
- Secondary fertility na nahihirapan nang magbuntis pagkatapos ng isang matagumpay na pagbubuntis; at
- Unexplained infertility na walang natuklasang dahilan sa ginawang pagsusuri.
Mga Sintomas ng Pagkabaog sa mga Babae
Karaniwan na ang kondisyon ng baog o infertility na nakaapekto sa parehong babae at lalaki. Batay sa Cleveland Clinic, nasa 48 milyong mag-asawa ang nakararanas nito sa buong mundo.
Bagaman walang malinaw na sintomas ng pagkabaog, may ilang mga palatandaan na maaaring maging babala para sa mga babae at lalaki.
Sa mga babae, kapag aktibo ang pakikipagtalik sa asawa nang may tatlong beses kada linggo pero hindi magkaanak sa loob ng isang taon ay isang sintomas ng pagkabaog, ayon sa Harvard Health.
- Ang irregular na regla ay maaaring senyales ng problema sa obulasyon
- Ang hindi dinadatnan o amenorrhea o tuluyang pagkawala ng regla
- Sobrang sakit ng puson tuwing may regla na maaaring dulot ng endometriosis
- Hormonal imbalance na maaaring dulot ng pagbabago ng balat, buhok, at mood
- Pagkakaroon ng mga abnormality sa vagina, uterus, o fallopian tube
Mga Sintomas ng Pagkabaog sa mga Lalaki
Sa mga lalaki, paliwanag sa Harvard Health, na ang kawalan ng kakayahan na makabuntis ng normal ay sintomas ng pagkabaog.
- Pagkakaroon ng problema sa pag-erect o ejaculation
- Mababa ang dami ng tamod o semen
- Pamamaga o bukol sa bayag o testicles
- Pagbabago sa buhok sa katawan na maaaring senyales ng hormonal imbalance
- Pagkakaroon ng mga genetic disorder gaya ng cystic fibrosis
Mga Itinuturing na Sanhi ng Pagkabaog
Gaya ng nabanggit na walang sintomas ang pagkabaog, may maituturing na direktang sanhi ng pagkabaog sa mga babae at lalaki. May kaugnay ang mga ito sa mga kondisyong pangkalusugan at edad.
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang fertility sa mga babae ay unti-unting bumababa habang tumatanda. Dahil dito, ang ilang mga doctor ay nagbibigay ng pagsusuri at paggamot sa mga babaeng may edad 35 pataas matapos ang anim na buwang pakikipagtalik sa asawa na walang proteksyon.
Samantala, sa mga lalaki ito ay maaaring dulot ng pagkasira ng testicular o ejaculatory function, kabilang na rin dito ang mga hormonal at genetic disorder. Karaniwang sinusuri ito sa pamamagitan ng semen analysis, pagsasagawa ng medical history, at pisikal na eksaminasyon. Nakatutulong ang mga ito para malaman kung ano ang mga salik na nakaapekto sa pagkabaog ng lalaki. (CDC, 2023).
Iba pang kondisyon na naakapekto sa pagkabaog ng mga babae:
- Polycystic Ovary Syndrome (PCOS)
- Problema sa uterus o matres gaya ng fibroids, polyp
- Radiation therapy o chemotherapy
- Pagkakaroon ng obesity o labis na timbang
- Abnormalidad sa hormone na pinoprodyus ng sentro ng utak
- Pelvic Inflammatory disease (PID)
- Kidney disease
- Autoimmune conditions gaya ng celiac diseas o lupus
- Thyroid disease
- Iba pang malalang kondisyon at sakit
Sa mga lalaki naman:
- Pagkakaroon ng mga bisyo at pang-aabuso sa mga bisyong ito (gaya ng alak, sigarilyo)
- Paglaki ng mga ugat sa scrotum o varicocele
- Pagkakaroon ng problema sa scrotum o testicles
- Pagkakaroon ng chromosomal disorder gaya ng Klinefelter syndrome
- Surgical o congenital absence ng testes
- Pagkakalantas sa iba’t ibang toxins
- Pagkakaroon ng karamdaman gaya ng diabetes, STD
Paano Malalaman ang Pagkabaog o Infertility?
Upang malaman ang iyong kondisyon at matiyak sa mga sintomas ng pagkabaog, mahalaga ang pagpapasuri o pagpapatingin sa mga eksperto kagaya ng reproductive specialist. Nagsasagawa sila ng iba't ibang proseso ng pagsusuri upang matiyak kung ano ang sanhi nito sa isang babae o lalaki.
Sa mga babae:
1. Isinasagawa ang isang pelvic exam para malaman kung may problemang estruktural o senyales ng anumang karamdaman.
2. Nagsusuri din ng dugo sa pamamagitan ng blood test para masukat ang antas ng mga hormone para matukoy kung may hormonal imbalance o nag-o-ovulate ang isang babae.
3. Nagsasagawa ng transvaginal ultrasound kung saan may ipunapasok sa loob ng vagina na isang ultrasound wand para masuri kung may mga problema sa reproductive.
4. May ipinapasok din na manipis at may ilaw na tubo (hyteroscope) sa pagsasagawa ng hysteroscopy para masuri ang loob ng matres.
5. Pinupuno ang matres ng saline (sterilized salt water) sa saline sonohysterogram at saka isinasagawa ang transvaginal ultrasound.
6. Pinupuno naman ang mga fallopian tube ng saline at mga bula ng hangin sa sono hysterosalpingogram habang isinasagawa ang saline sonohysterogram para makita kung may bara sa mga tube.
7. Kumukuha ng larawan sa x-ray hysterosalpingogram habang dumadaloy ang ini-inject na dye sa mga fallopian tube para malaman kung may bara.
8. Ipinapasok naman ang isang manipis na tubo na may kamera sa laparoscopy sa isang maliit na hiwa sa tiyan para matukoy ang mga problema gaya ng endometriosis, uterine fibroids at iba pa.
Sa mga lalaki:
1. Isinasagawa ang semen analysis kung saan sinsusri kung mababa ang bilang ng sperm o mahina ang sperm mobility.
2. Nagsasagawa rin ng blood test para masuri ang thyroid at iba pang hormone level. Ang mga genetic blood test ay para matukoy ang mga chromosomal abnomarlities.
3. Ginagawa rin ang isang scrotomal ultrasound para malaman kung may varicoceles at iba pang problemang testicular.
Paano Magagamot ang Pagkabaog?
Ayon sa Johns Hopkins Medicine, maraming pamamaraan ang maaaring subukan para bigyang solusyon ang mga sintomas ng pagkabaog. Isa sa madalas na nagiging opsyon ang in-vitro fertilization o IVF ngunit hindi ito madali at magkakaiba rin ang sitwasyon. Bukod sa may kamahalan ito, hindi lahat ay nagiging matagumpay dito. Kailangan rin na may kaakibat itong pagbabago sa paraan ng pamumuhay o lifestyle change gaya ng pagbabawas ng timbang, pagkain ng masustansiya, at pagtigil sa mga bisyo.
Sa mga babae, batay sa payo ng doktor, maaaring subukan ang mga fertility medication gaya ng Clomiphene at Letrozole. Maaaring sumailalim din sa surgery para maalis ang mga bukol na dulot ng endometriosis, myoma o fibroid, at tubal blockage.
Sa mga lalaki, kailangan ang pag-inom ng gamot para sa hormonal imbalance o anumang impeksyon. Maaaring sumailalim din sa surgery kung kinakailangan gaya ng varicocele repair.
Paano Makakaiwas sa Pagkabaog?
Bagaman hindi lahat ng kaso ng pagkabaog ay maiiwasan dahil sa magkakaibang sanhi nito, may ilang paraan para mabawasan ang panganib lalo kung maaga kang magpapasuri kapag naramdaman o napansin ang ilang mga nabanggit na sintomas.
- Panatilihin ang tamang timbang at mag-ehersisyo
- Kumain ng masustansiyang pagkain
- Iwasan ang mga bisyo gaya ng sigarilyo, alak at ilegal na droga
- Iwasang labis na malantad o ma-expose sa mga kemikal
- Pangalagaan ang sarili at pamahaalang mabuti ang stress
- Magpatingin ng regular sa iyong doctor
Sa kulturang Pilipino, isang sensitibong usapin ang pagkabaog sa babae man o sa lalaki. Minsan, nagdudulot ito ng pressure sa mag-asawa at mayroon din itong epekto sa sikolohikal at emosyonal na stress sa pagbuo ng pamilya. Ngunit mahalagang tandaan na walang sinuman ang dapat sisihin sa kondisyong ito.
Sa tulong ng mga ekperto, teknolohiya, at higit sa lahat, pag-asa at pang-unawa, posible pa ring makahanap ng liwanag sa kabila ng hamon ng infertility. Kailangan lamang ng pagtutulungan ng mag-asawa at pagiging bukas sa mga posibilidad. Magiging nakakapagod ang proseso at kakailanganin na maglaan talaga ng budget para rito, ngunit hindi ito isang paglalakbay na kailangang tahakin nang mag-isa. Magsimula sa tamang kaalaman, humingi ng tulong, at alalahaning ang bawat kwento ng pamilya ay may sariling oras at anyo.