Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Sa bawat pagbubuntis, mararanasan mo talaga ang iba’t ibang uri ng sintomas. May ilan sa mga ito nakapagdudulot nang hindi magandang pakiramdam. Isa na rito ang pagkakaroon ng heartburn. Karaniwan rin talaga ang heartburn sa buntis, dulot na rin daw ito ng pagbabago sa hormones at dagdag pa rito ang paglaki ng baby sa sinapupunan ng ina.
Mga dapat malaman tungkol sa heartburn
Taliwas sa pangalan nito, hindi nangangahulugan na sakit sa puso ang heartburn. Pero ano nga ba ito?
Ang heartburn ay isang indigestion
Kapag may indigestion o hindi natunawan sa iyong kinain, maaaring maranasan ang heartburn na hatid ng acid reflux, lalo na kung meron kang gastroesophageal reflux disease (GERD). (Basahin dito ang pagkakaiba ng acid reflux at GERD.)
Matapos mong kumain, tulad ng mga kontra sa tiyan o GERD foods to avoid, maaaring magbago ang pakiramdam mo kaagad o pagkalipas ng ilang oras. Para itong may paninikip ng dibdib, busog na busog o parang bloated, at dighay pa nang dighay. Iyon ang tinatawag na heartburn, na sintomas ng acid reflux. Ibig sabihin, umakyat pabalik ang stomach acid sa esophagus kaya nakakaramdam ka ng pag-init ng lalamunan at dibdib.
Posibleng maranasan ng mga buntis ang sintomas ng heartburn anumang panahon ng kanilang pagbubuntis pero kadalasan nagsisimula ito kapag nasa 27 weeks hanggang sa dulo ng pagbubuntis.
Ang heartburn ay walang kinalaman sa sakit sa puso
Sa heartburn, pakiramdam mong may pagkirot sa iyong dibdib sa bandang puso. Akala mo may paninikip na sa iyong puso na para itong pinipiga o may mabigat na nakadagan. Pero ayon sa Hopkins Medicine, ang heartburn ay ang nararamdaman natin sa dibdib na hindi kaaya-aya na umaakyat sa ating leeg at lalamunan. Pero para makasiguro, lalo na kung madalas at matindi itong mangyari, mainam na komunsulta sa iyong doktor.
Karaniwan talaga ang heartburn sa buntis
Sa dulo ng esophagus, may muscle na nagbubukas lamang kapag may dadaan na pagkain at magsasara lamang pagkatapos. Kapag nangyayari ang acid reflux, o kumpirmadong GERD, bigla itong nagbubukas kaya nakaaakyat ang acid sa esophagus at nakararanas ng heartburn.
Walang direktang paliwanag bakit ito nararanasan ng buntis. Pero maraming eksperto ang nagsasabi na dahil ito sa pregnancy hormones. Nagdudulot kasi ng pagrelaks ng esophageal sphincter (ito ang muscle na nasa ibabaw ng sikmura) ang hormones.
Dagdag pa diyan ang female hormone na progesterone, na nakapagpapabagal sa pagtunaw ng pagkain. Nagagawa nitong panatilihin ang pagkain nang mas matagal sa sikmura.
Isa pang malaking dahilan na nararanasan ng buntis ang heartburn ang paglaki ng baby. Dumadagdag ang pressure ng lumalaking uterus sa sikmura. Itinutulak din ng iyong baby ang iyong sikmura paakyat.
Paano mabawasan ang heartburn sa buntis
Dahil mahirap maiwasan ang heartburn pag buntis, mainam na gawin ang mga bagay para makontrol ang mga sintomas na maidudulot nito o mabawasan ang anumang discomfort. Pangunahin dito ang pagbabago sa diet at lifestyle.
Kumain ng masustansiyang pagkain
Kapag buntis ka, pakiramdam mo lagi kang gutom at gustong-gusto mong kumain. Subukang paunti-unti ang pagkain. Iyong saktong mabusog ka lamang at hindi sobra. Kadalasan ipinapayo rin ng mga ob-gyn ang pagkain ng kaunti lang kada dalawa o tatlong oras kaysa kumain nang marami nang 3 beses sa isang araw. Makabubuting iwasan din ang mga pagkain na makapagdudulot ng heartburn, lalo na iyong mahirap matunaw na pagkain.
Alamin ang mga dapat iwasan na pagkain at inumin
Iwasan ang mga pagkain na gaya ng sibuyas, maanghang, tomato sauce, mint, prito at mamantikang pagkain, at keso. Iwasan ang mga inuming carbonated at may caffeine. Bukod sa pagkain, mas mabuti ring umiwas sa pag-inom ng citrus juices, softdrinks, alak, kape o inuming may caffeine. Uminom na lamang ng maraming tubig.
Ayusin ang paghiga
Mahiga sa left side para hindi pumunta ang acid na nasa sikmura sa esophagus sa halip ay bababa ito papunta sa bituka. Subuking palitan din ang unan na ginagamit. Makatutulong kung wedge ang unan o kaya naman gawing mas mataas ang ulo hanggang balikat o naka-elevate ang itaas na bahagi ng katawan. Gawin ito lalo na kung hindi maiiwasan na mahiga agad pagkakain para magpahinga, nang sa gayon kahit papaano bumaba ang kinain.
Itigil ang mga bisyo
Iwasan ang pag-inom ng alak dahil nagdudulot ito ng indigestion. Bukod pa rito, ang paninigarilyo rin ay isa pang dapat na itigil habang buntis. Ang mga kemikal na makukuha mo rito ay makadaragdag sa problema ng pagtunaw ng pagkain at higit pa sa epekto sa iyong baby na nasa sinapupunan.
Magkaroon ng sapat na pahinga
Bagamat madalas makaramdam ng antok pagkatapos kumain, sikaping umupo o tumayo muna. Maghintay nang 3 oras para bumaba ang kinain. Hayaan na ma-digest muna ang kinain mo bago ka matulog. Tiyakin din na may sapat na oras ka ng tulog para mas mabuti ang iyong pakiramdam.
Bilin ng mga eksperto na ang heartburn ay nangyayari dahil sa hindi pagtunaw ng kinain at walang kinalaman sa sakit sa puso. Kapag may pagkain sa sikmura, nagre-release ng hydrocholic acid. Ito ang gastric juice na nagbe-break down ng pagkain sa sikmura. Kapag humiga ka agad pagkatapos kumain, maiirita ang pinakadulo ng esophagus at maaaring magdulot ng paghina ng muscle na narito na siyang magdudulot naman ng acid reflux.
Pero, mas mahalagang magpakonsulta rin sa iyong doktor lalo na kung matindi ang nararanasan mong sintomas para mabigyan ka ng tamang payo at kung kailangan mong may inuming gamot. Mainam din ito para matiyak kung acid reflux nga ang talagang dahilan ng heartburn sa buntis.
Pinagkunan ng impormasyon:
Pregnancy and Heartburn
How Do Symptoms Of Heartburn Feel Exactly? Plus, 7 Foods To Avoid If You Have It
https://www.smartparenting.com.ph/health/your-health/symptoms-heartburn-a1278-20210121