Mas maliit ang tsansa ng mga buntis na makaramdam ng sintomas ng COVID-19 gaya ng lagnat at pananakit ng katawan kumpara sa mga hindi buntis ng parehong edad. Pero mas malaki naman ang posibilidad na ipasok sila sa intensive care unit (ICU) para magamot, ayon sa isang pagsusuri.
Kabilang sa risk factors para sa malalang kaso ng COVID-19 sa mga buntis ang pataas nilang edad, palaking pangangatawan, at pagkakaroon ng higit sa isa pang karamdaman o kondisyon (pre-exisiting conditions).
May dagdag na panganib sa mga COVID-19 positive na buntis na mapaaga ang kanilang panganganak kesa sa mga buntis na hindi dinapuan ng nakahahawang sakit dulot ng novel coronavirus.
Ang mga ito ang napag-alaman ng mga researcher sa isang pag-aaral na posted online sa The BMJ, na dating kilala bilang British Medical Journal, nitong September 1, 2020.
Gumawa ang mga researcher ng isang “living systematic review and meta-analysis” ng kasalukuyang 77 studies sa mga buntis na pinaghihinalaan pa lang o di kaya kumpirmadong COVID-19 positive na.
Layunin ng kanilang review at analysis na ikumpara ang clinical features, risk factors, at outcomes ng mga darating pang kaso at kaparehong pag-aaral. Kaya maaaring i-update nila ito pagkaraan ng dalawang taon para maipasok ang mga bagong datos.
Base sa mga datos na hawak nila, may paalala at suhestiyon ang mga researcher sa pangunguna ni John Allotey, isang research fellow sa epidemiology and women’s health ng University of Birmingham sa United Kingdom.
Anila, dapat daw malaman ng mga healthcare professionals na ang mga buntis ay maaaring magpakita ng mas kaunting sintomas ng COVID-19 na pangkaraniwan naman sa mga nakararami. Sa ganitong paraan, matutugunan kaagad ang pangangailangan ng mga pasyenteng buntis lalo na’t mas malaki ang posibilidad na madala sila sa ICU at magkaroon sila ng pre-term birth.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
Inaasahan naman ng mga researcher na lalawak pa ang kanilang review at analysis sa pagtatag ng “new national and global perspective cohorts of COVID-19” at lubusang magpag-aralan ang “impact of new findings on the rapidly growing evidence base.”
We use cookies to ensure you get the best experience on SmartParenting.com.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. Find out more here.