Hindi na kaiba sa kultura nating mga Pilipino ang pagpapahilot lalo na bago ang panganganak o kahit pagkatapos manganak. Ganito ang paniniwala rin lalo na sa mga lalawigan na malalim ang pagpapahalaga sa pagpapaalaga sa manghihilot upang hindi rin daw mahirapan manganak. Samantala, tila isang nakasanayang gawi din at matanda nang kaugalian ang pagpapahilot pagkatapos manganak. Sinasabi nila na kailangan ito upang gawin ang “pagsasauli” o pagsasara ng sipitsipitan o ang pagbabalik ng matres sa dating puwesto, inaalis rin daw ng pagpapahilot ang mga lamig sa katawan upang makaiwas din sa binat. Ngunit walang siyentipikong batayan ang ilan sa mga nabanggit, dapat nga bang magpahilot pagkatapos manganak?
Ayon sa American Pregnancy Association, malaki rin ang naitutulong ng pagpapahilot pagkatapos manganak o ang postpartum massage gaya rin ng benepisyo kung nagpapamasahe habang buntis. Sinasabing epektibong paraan ito para sa pag-aadjust ng katawan pagkatapos manganak.
Dahil ang hilot o masahe ay isang paraan ng pagre-relaks, pag-aalis ng stress at anumang sakit ng katawan, at iba pa. Gayunman, malaki ang naitutulong ng pagpapahilot pagkatapos manganak gaya ng pag-regulate ng iyong hormones, pagpapataas ng produksyon ng breastmilk, pag-iwas sa pagmamanas, at pagkakaroon ng maayos na pagtulog. Nakatutulong din itong mapanumbalik ang iyong katawan sa dati nitong kondisyon bago ang pagbubuntis at para sa mga nanganak ng cesarean delivery, nakabubuti rin ito sa mabilis na pagpapagaling. Subalit kailangan at ipinapayo na magpahilot lamang sa mga certified prenatal at perinatal massage therapy.
Bukod din sa mga bahagi ng katawan, isa pa minamasahe ang uterus o matres. Karaniwang inirerekomenda ang uterine massage pagkapanganak upang mabawasan ang postpartum blood loss at maibsan din ang kirot na dulot ng kontraksyon ng uterine muscle.
Mga Benepisyon ng Pagpapahilot Pagkapanganak
Ang makatanggap ng isang magandang masahe o hilot ay nakasusuporta sa pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan ng isang bagong panganak.
1. Emosyonal na kalusugan
Nakatutulong ito na matugunan ang postnatal depression dahil nagagawa nitong mai-regulate ang hormones na nakaapekto sa mga pagbabago ng mood. Dagdag pa, naire-relaks din ang mga muscle, napapataas ang sirkulasyon, at napapababa ang stress hormones na nagdudulot sa katawan na marelaks at mawala ang pagod at stress mula sa panganganak.
2. Nakakawala ng sakit ng katawan
Mula sa pagbubuntis hangggang sa panganganak, ramdam mo ang pagod ng katawan at ang pananakit ng balakang, balikat, at paa dahil sa bigat ng iyong tiyan at pagtaas ng timbang. Idagdag pa ang pananakit ng likod mula sa pagpapasuso. Kaya naman, ang pagpapahilot ay maituturing na epektibong paraan para maibsan ang mga sakit ng katawan kahit na walang medikasyon.
3. Pagbawas ng pamamaga o pagmamanas
Kailangan ng tubig sa katawan na manumbalik sa pagbabalanse nito mula sa pagbubuntis na tumataas ng 50% ang dami habang buntis. Sa pagpapahilot, napapataas nito ang sirkulasyon na nagbibigyan daan na ilabas ng katawan ang labis na tubig at dumi. Kailangan na matulungan ang katawan na mailagay sa tama ang mga tubig na nasa katawan. Nakaapekto rin ang hormones sa pagmamanas na isa sa malaking pagbabagong pinagdadaan pagkapanganak.
4. Pagkakaroon ng sapat na tulog
Tunay na nakakapagod at nakauubos ng lakas ang panganganak higit lalo kung matagal ang pagle-labor. Sa tulong ng pagpapahilot, maiibsan nito ang pagod mula sa panganganak at nakakapagparelaks din. Dahil dito, nakapagpapahinga ang ating katawan at makatutulong para magkaroon ng maayos na tulog. Malaki ang naitutulong ng pagkakaroon ng sapat na tulog sa pagpapagaling mula sa panganganak.
5. Nakapagpapabuti ng breastfeeding
Mahalaga ang pagpapasuso sa ina at sa baby. Malaki ang benepisyo nito sa kanila pareho. Bagaman sa simula, hindi rin madali ang pagpapasuso. Makatutulong ang pagpapahilot para mairelaks ang katawan nang sa gayon makapagprodyus ng maraming gatas. Napapataas din ng pagpapahilot ang sirkulasyon at pagpapadami ng gatas ng ina. Dahil batay sa mga pag-aaral, ang pagpapahilot ay nakapagpapataas ng prolactin level na isang lactation hormone.
Anong uri ng hilot o masahe ang puwede pagkapanganak
Maaaring subukin ang ilang paraan ng pagpapahilot o masahe pagkapanganak na nakabubuti sa katawan at ligtas para sa bagong panganak gaya ng Swedish massage o tinatawag ding Classic massage, Jamu massage, Foot reflexology, Shiatsu o Acupressure, at Herbal baths.
Kailan puwedeng magpahilot pagkapanganak
Maaari kang magpamasahe kung kailan kaya at handa na ang iyong katawan at mas komportable ka na. Siyempre, pinakamainam sa lahat ang nabigyan ka ng permiso ng iyong doktor na gawin ito.
Kung magpapahilot agad pagkapanganak at dumaan ka sa epidural, mahalagang banggitin ito sa manghihilot o therapist upang maiwasan ang bahagi na iyon na maaaring namamaga pa.
Samatala, inirerekomenda para sa mga caesarean delivery na magpamasahe pagkaraan ng 4-6 linggo pagkapanganak kung kailan naghilom na ang iyong sugat at komportable ka na ring kumilos o humiga nang padapa kung kinakailangan.
Paano mapanatiling mabisa ang hilot pagkapanganak
Mapananatili mo rin ang bisa ng hilot kung:
· Manatiling hydrated
Sa pag-inom ng maraming tubig nakatutulong ito sa mabuting paggalaw ng muscle at mabawasan ang pananakit nito.
· Sanayin ang pagmamasahe sa sarili.
Subukin ang mga simpleng teknik na makatutulong sa iyo.
· Kumilos at gumalaw-galaw.
Makatutulong ang paglalakad-lakad. Maaaring magsagawa rin ng pag-iinat o stretching.
Sa kabuuan, ang pagpapahilot pagkapanganak ay masasabing mabisa at therapeutic na paraan na makatutulong sa mga pagbabagong nararanasan ng katawan pagkapanganak – pisikal, mental o emosyonal na aspekto man. May iba na natatakot na magpamasahe pagkapangak ngunit Maaaring subukin ito basta may pahintulot din ng iyong doktor bagaman may ibang doktor na hindi naman ito inirerekomenda. Pakiramdaman at pakinggan din ang iyong katawan kung sa tingin mong kailangan mo ito at makatutulong sa iyo. Tiyakin lamang na sa certified massage therapist ka magpapahilot.