;
embed embed2
Bumuka Ang Tahi? Mga Hakbang Sa Pangangalaga Ng Sugat Mula Sa CS
PHOTO BY Shutterstock
  • Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

    Maraming buntis ang naghahangad ng normal vaginal delivery, kahit na dumaan sila sa matinding labor pains. Kapag nakaraos kasi mabilis na ang recovery kumpara kung sumailalim sa Cesarean section. Nariyan ang paunang lunas sa sugat hanggang sa matyagang pag-aalaga hanggang tuluyang maghilom ito.

    Mga dapat malaman tungkol sa C-section

    Sa panganganak, ang kapakanan ng nanay at sanggol ang pinakamahalagang konsidersyon. Kaya kung may anumang balakid sa ligtas na normal delivery, kadalasang nirerekomenda ng doktor ang C-section, na isang major surgery.

    Habang isinasagawa ng doktor ang operasyon, ayon sa What to Expect, gagawa siya ng dalawang hiwa (incisions). Ang unang hiwa ay tumatagos sa balat ng bandang puson (lower abdomen) na halos isa o dalawang pulgada sa itaas ng pubic hair line. Ang ikalawang hiwa naman ay tumatagos sa matris (uterus) para mailabas ng doktor ang sanggol.

    May dalawang uri ng hiwa sa tiyan:

    • Pahalang (horizontal), na tinatawag ding "bikini cut" at ginagawa sa ibabang parte ng matris
    • Patayo (vertical), na kilala rin bilang “classical” C-section at ginagawa sa gitnang parte ng matris

    Pagkatapos mong manganak ng CS, sabi pa ng mga eksperto, kailangan mong manatili sa ospital ng ilan pang araw. Maaaring mas humaba ang ilalagi mo sa ospital kung may kumplikasyon.

    Sa loob ng 24 oras, papayuhan ka ng doktor na bumangon sa kama, mag-inat-inat, at subukang lumakad. Kailangan mo na ring makaihi, makadumi, o kahit makautot man lang. Iyon ang hudyat na puwede ka nang kumain.

    ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

    Kung gumamit ng surgical staples sa pagsara ng sugat mula sa operasyon, tatanggalin na ito habang kusa namang matutunaw ang mga tahi. Maaaring kumirot nang husto ang sugat, pero posible namang magkaroon ng epekto ang pain medication kung pipiliin mo ang breastfeeding. Kaya mainam na kausapin ang iyong doktor para sa iba pang paraan.

    Mga dapat gawin para mapangalagaan ang sugat

    Kapag nakauwi ka na, bilin ng mga eksperto na ituloy ang postnatal care para tuluyang maghilom ang sugat. May mga suhestiyon din ang mga mommy na Parent Chat online community ng SmartParenting.com.ph.

    Easy lang

    Sa mga unang linggo, iwasan mo muna ang pag-akyat-baba sa hagdan, pagbubuhat ng mabibigat, pagkikipagtalik, at iba pang nakakapagod na gawain. Ugaliin mo namang magdahan-dahan sa pagtawa at pag-upo habang unti-unting igalaw ang bahagi ng tiyan para umayos ang blood circulation.

    Wala munang exercise

    Sapat na ang konting stretching at walking, pero hindi pa ang exercise sa abdominal muscles. Ayon kay Dr. Teresa Bongala, isang ob-gyn, sa dati niyang panayam, hindi puwede ang exercise sa loob ng anim na linggo pagkatapos manganak. Kailangan mo rin bantayan kung gaano kabilis ang recovery ng iyong katawan.

    Tamang paglilinis ng sugat

    Dapat banayad lang ang paglilinis ng CS wound, sabi ng mga mommy, at gawin ang mga sumusunod bilang paunang lunas sa sugat.

    • Kumuha ng bimpo o di kaya sponge at basain ito sa tubig na may halong sabon.
    • Pigain ang bimpo at hayaang dumaloy ang tubig sa sugat.
    • Huwag daw kuskusin ang sugat, at hindi mo rin kakayanin ang kirot.
    • Dampian ang sugat gamit ang bimpo na tuyo naman at hayaan itong matuyo sa loob ng 15 minuto.
    • Takpan ang sugat gamit ang benda (bandage).
    • Iwasang kamutin ang sugat.
    CONTINUE READING BELOW
    Recommended Videos

    Magsuot ng binder

    Malaking tulong ang abdominal binder para nakapirmi ang bandage sa sugat at maprotektahan ito. Bilin lang ng mga mommy na huwag masyadong masikip ang pagsusuot ng binder. Isa pang paraan ang pagsusuot ng maluluwag na cotton underwear o di kaya boxer shorts. Ilang araw lang daw nahihilom ang sugat sa balat, pero ilang linggo naman ang sugat mismo.

    Piliin ang masustansyang pagkain

    Mainam ang mga pagkain na mayaman sa iron at calcium, sabi ni Dr. Bongala. Dagdag pa diyan ang ascorbic acid para bumilis ang paghilom ng sugat. Sa kabilang banda, iwasan naman ang softdrinks at mga inumin na maaasim para hindi lalong kabagin.

    Kapag bumuka ang tahi o CS wound, payo ng American Academy of Family Physicians na kaagad komunsulta sa iyong doktor. Susuriin niya ito para malaman kung kailangan pang tahiin ulit o kung hindi na.

    Kapag naman daw namula ang sugat at kumalat ang pamumula sa higit kalahating pulagada (half inch), kailangan mo na ring ipatingin ito sa iyong doktor. Baka raw kasi senyales na iyan ng infection, at bilang paunang lunas sa sugat, maaari ka raw sabihan ng doktor na pahiran ito ng antibiotic ointment.

    What other parents are reading

  • You're almost there! Check your inbox.

    We sent a verification email. Can't find it? Check your spam, junk, and promotions folder.

Smart Parenting is now on Quento! You will love it because it personalizes news and videos based on your interests. Download the app here!

View More Stories About
Trending in Summit Network
View more articles