Kapag nakakakita si Marian Rivera ng nanay at anak noong dalaga pa siya, napapadasal siya ng ganito: "Lord, gusto ko ng ganyan." Pangarap niya talagang maging nanay at ang pagkakaroon ng pamilya ang gusto niyang mangyari sa kanyang buhay.
Nagkatotoo ang pangarap ni Marian nang isilang niya ang panganay nila ng asawa at kapwa GMA-7 star na si Dingdong Dantes noong November 23, 2022. Ang panganganak niya kay Maria Letizia, na may palayaw na Zia, ang itinuturing niyang "most memorable mommy moment." Naging nanay siya sa ikalawa nilang anak na si Jose Sixto IV noong April 16, 2019.
Pagbabalik tanaw ni Marian sa kanyang pangarap na magkaanak: "Sabi ko, isang dosena. Di ko pala kaya. Dalawa pa lang, hirap na hirap na ’ko." Dahil pagkatapos manganak, may mga panibago pang hamon. Gayunpaman, "inborn" aniya ang kanyang pagiging nanay.
"Every day siyempre challenging talaga ’yan," lahad ni Marian sa advance Mother's Day celebration na inorganisa ng Mega Prime, ang Filipino brand ng canned products na kanyang iniendorso, para sa mga piling nanay.
"Iba-ibang sitwasyon, iba-iba ang nangyayari sa anak mo, iba-iba ang gusto nila, iba-iba ang kailangan mong support sa kanila. Mahirap pero rewarding kasi siya kapag nakikita mo ang mga anak kung gaano sila kasaya or ganoon nila naa-appreciate ang ginagawa mo."
Dugtong niya na may ngiti, "At the end of the day, masasabi mong ’yun ang joy na gusto mong maramdaman sa buhay mo."
Aminado si Marian na aligaga siyang nanay: "Matutulog na lang, iisipin pa: Ano ba ang iluluto ko bukas? Parang showbiz ’yan, isasadula mo sa isip mo anong mangyayari bukas para smooth lahat. Uupo ka na lang, ‘Ay, may gagawin pa pala ako.’"
Kaya naiintindihan niya na maaaring mapagod at makaranas ng burnout ang nanay. Nagbigay siya ng ilang paraan para maiwasan ito at magpatuloy ang magandang lagay ng pamilya.
Iwas burnout tips
1. Kumapit sa iyong support system. Nagpapasalamat si Marian na malakas ang suporta na nakukuha niya sa kanyang asawa, nanay, lola, biyenan, at mga kaibigan.
2. Gawing positibo ang paghingi ng tulong sa Diyos. Imbis na manisi at sabihing hindi kakayanin ang pagsubok, maaaring ganito ang gawing dasal: "Lord, alam kong nand’yan ka. Alam kong kakayanin ko dahil and’yan Ka."
3. Huwag sisihin ang sarili. Ito ang madalas sabihin ni Marian sa kanyang mga kaibigan kapag nagkakaroon ng problema sa mga anak. Paliwanag niya na iba-iba ang bawat bata na may kanya-kanyang personality, at "and’yan lang tayo to guide them."
Diin niya, "Don’t be too harsh, chill lang tayo. Lahat may solusyon. Daanin sa positive way."
4. Bigyan halaga ang self-care. Ika nga ni Marian, "Mahalaga na kumpleto ka. How can you give 100 percent ng pagmamahal at pag-aalaga kung kulang ka?" Kaya inaalagaan niya ang sarili sa lahat ng aspeto, kasama na ang health.
5. Sundin ang time management. Nagagawa ito ni Marian dahil organized siya sa lahat ng bagay. Sa pamamahala ng pang-araw-araw na pagkain, halimbawa, siya mismo ang naglilista ng weekly menu tuwing araw ng Linggo. Kasama sa listahan ang pambaon ng mga anak sa eskuwela (basahin dito).
6. Simulan ang training ng mga anak habang bata. Ganyan pinalaki si Marian ng kanyang lola, na tumayong guardian habang nagtatrabaho ang kanyang nanay sa Spain. Two years old lang si Marian nang maghiwalay ang kanyang nanay at tatay na taga-Spain.
Kabilang sa mga natutunan ni Marian sa kanyang lola ang paglalaba ng sariling underwear, na itinuturo niya ngayon kay Zia. Kuwento niya na gumagawa silang mag-ina ng checklist para sa mga gawaing bahay ni Zia, tulad ng pag-turn off ng mga ilaw sa kanyang kuwarto, pag-ayos ng kanyang kama, at paglalaba ng underwear.
Katwiran ni Marian na mula sa paglalaba ng underwear, matututunan din ni Zia ang paglalaba ng T-shirt at mas malalaki pang damit o gamit.
Basahin dito ang tungkol pa sa parental burnout.