Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Karaniwan na ang pananakit ng binti dahil sa pang-araw-araw na mga gawain, lalo kung mas madalas kang nakatayo buong araw. Leg cramps, blood clots, o mga isyu sa ugat ang ilan sa maaaring sanhi nito. Pero paano kung ang nararamdaman ay pananakit ng buto sa binti pala?
Kapag mayroon ka ring naramdamang panlalambot, matindi at malalim na pananakit, pati na discomfort sa iyong mga buto, posibleng mapaisip kang baka muscle o joint pain lamang ito.
Paalala ng mga eksperto na may ipinagkaiba ang bone pain sa pananakit ng muscles. Halimbawa, sa pananakit ng buto sa binti, hindi nawawala ang sakit gumagalaw ka man o hindi.
Upang makatiyak, kailangang pakinggan nang mabuti ang sariling katawan. Mas matalas at malalim ang sakit na dulot ng pananakit ng buto saanmang bahagi ng katawan. Karaniwang mas matagal din itong nararanasan at humihingi rin ng medikal na atensyon.
Dapat malaman tungkol sa ating mga buto
Ang pananakit ng buto ay kasama sa mga karamdamang bahagi ng muscoloskeletal system at naiuugnay sa mga kondisyong nakaaapekto sa normal function o structure ng buto.
Depende sa sanhi ang iba pang mga sintomas na maaaring maranasan. Halimbawa, kung dulot ito ng mineral deficiency, maaaring makaramdam ng cramps, fatigue, muscle at tissue pain, at hirap sa pagtulog.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ating mga buto. Ang mga ito ay living tissue na nagbibigay ng istruktura sa ating katawan. Tinutulungan tayo ng ating mga buto upang makagalaw. Nagbibigay rin ito ng proteksyon sa ating organs.
Sa mga may malusog na pangangatawan, ang mga buto ay patuloy na napapalitan ng bagong mga buto sa paglipas ng panahon. Ngunit kung mayroong karamdaman tulad ng osteoporosis, parami nang parami ang mga butong posibleng nawawala at hindi na mapapalitan. Dahil dito, nagiging mas marupok o brittle ang butong naiiwan at mas prone sa pagkabali at fractures.
Mga posibleng sanhi ng pananakit ng buto
Ang osteoporosis ay isa sa mga medikal na kalagayang resulta ng kakulangan sa calcium at Vitamin D. Isa itong medical condition kung saan numinipis ang mga buto at nawawalan ng lakas. Nauuwi ito sa broken bones na nagdudulot ng sakit at disability. (Basahin dito ang osteoporosis risk factors.)
Pinakakaraniwang sanhi rin ng pananakit ng buto sa binti ang pakabali nito (fractures o broken bones).
Narito ang listahan ng iba pang mga sanhi:
- Injury
- Mineral deficiency (lalo na sa calcium at vitamin D)
- Hormone disorders
- Tumors
- Osteoarthritis
- Hyperthyroidism
- Menopause
- Cancer, tulad ng blood cancer o leukemia
Cancer of the bone marrow ang leukemia. Ang bone marrow ang nagpo-produce ng bone cells. Isa sa pangunahing sintomas ng leukemia ang pananakit ng buto sa binti.
Samantala, dulot ng cancer cells mula sa ibang bahagi ng katawan na kumakalat hanggang sa mga buto ang metastatic bone cancer.
Hindi pangkaraniwang nangyayari ang cancer of the bone marrow kumpara sa metastatic bone cancer.
Iba pang uri ng kanser ang sumusunod:
- Osteosarcoma
- Non-Hodgkin lymphoma
- Multiple myeloma
- Chondrosarcoma
- Giant cell tumor of the bone
Tandaang mayroon ding mga sakit na pumipigil sa pagdaloy ng dugo papunta sa mga buto. Kapag kulang ang dugong dumadaloy, namamatay ang bone tissue. Nakapagdudulot ito ng pananakit ng buto sa binti at nakapagpapahina rin sa mga buto saanmang bahagi ng katawan.
Iba pang sanhi ng pananakit ng buto ang sumusunod:
- Impeksyon (osteomyelitis)
- Fibromyalgia
- Sickle cell anemia
- Cancer treatment—Matindi ang epekto ng treatment para sa kanser dahil sa strong medications na madalas ay may side effects o mga komplikasyon.
- Post-chemotherapy treatment
- Tailbone pain (coccydynia)
Kailan dapat komunsulta sa doktor
Kung ang pananakit ay tatagal nang mahigit sa 48 oras, mainam kung agad nang magpapatingin sa doktor. Kahit mild bone pain, i-monitor pa rin ito dahil posible pa ring isa na itong emergency condition.
Diagnosis at treatment
Narito ang ilan sa mga paraan upang matukoy ang bone pain at posibleng sanhi nito:
- Physical exam at medical history
- Blood tests
- Bone X-rays
- Magnetic resonance imaging (MRI))
- Computed Tomography (CT) scan
- Urine studies
Ilan din sa imaging tests na ginagamit ang:
- Ultrasonography
- Arthrography
- Bone scanning
Mahalagang ma-rule out ang iba pang medical conditions bago masabing may pananakit ng buto. Malaking tulong ang orthopedica surgeons o mga orthopedist, mga doktor na ang specialization ay musculoskeletal system.
Sa oras na mabigyan ka ng diagnosis, bumubuo na ng treatment plan ang iyong doktor. Pahinga ang pangunahing rekomendasyon ng mga doktor. Kasama rin sa mga gamot ang sumusunod:
- Pain relievers (ibuprofen o Advil, acetaminophen o Tylenol)
- Antibiotics
- Corticosteroids (upang mabawasan ang inflammation o pamamaga)
- Analgesic tulad ng opioids
- Blood transfusion (para sa mga kulang ang supply ng dugo)
Maaari ding uminom ng paracetamol o morphine para sa mga may katamtaman o malubhang pagsakit ng buto.
Bukod sa antibiotics, maaari ding magrekomenda ng nutritional supplements ang iyong doktor. Maaaring nasa pill, liquid, o chewable form ang mga ito.
Kung cancer ang diagnosis, narito ang ilan din sa karaniwang cancer treatments:
- Surgery—Kailangan ng surgery kapag tatanggalin ang mga bahagi ng butong tuluyang nasira dahil sa impeksyon.
- Radiation therapy
- Chemotherapy—posibleng makapagdulot ng mas matinding sakit sa mga buto
- Bisphosphonates—nakatutulong na maiwasan ang bone damage at bone pain sa mga may metastatic bone cancer
- Opiate pain reliever
Kung ang pananakit ng buto sa binti ay dulot ng injury kagaya ng fracture, kakailanganin ng cast o splint. Makatutulong din dito ang Rest, ice, at elevation (RICE) method.
Kombinasyon ng bone-building at pain medications ang rekomendasyon ng mga doktor ngunit kailangan ding tandaan na mahalaga ang ibayong pag-iingat at ang pagbabago sa lifestyle upang makaiwas sa ganitong mga karamdaman.
Anomang irekomenda ng iyong doktor ay nakabatay sa uri ng sakit na mayroon ka at kung ano ang sanhi ng pananakit ng buto sa binti.
Paano maiiwasan ang bone pain
Payo ng mga ekspeto ang gawin ang mga sumusunod:
- Mag-ehersisyo araw-araw, o di kaya tatlong beses kada linggo, ng weight-bearing exercises
- Dagdagan ng calcium ang iyong diet
- Iwasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo
- Iwasang maging masyadong mabigat ang timbang
- Magpaaraw upang magkaroon ng sapat na Vitamin D
- Iwasan ang injuries
Upang makaiwas sa mga aksidente, siguraduhing clutter-free ang paligid lalo na ang sahig o dinaraanan upang makaiwas sa injury. Magsuot din ng maayos at angkop na protective gear kapag naglalaro ng contact sports. Maging maingat palagi, nasa loob o labas man ng sariling bahay. Ang mga paalalang ito at ang payo ng inyong doktor ay maaaring makapaglayo sa inyo sa pananakit ng buto at iba pang karamdaman.
Basahin dito tungkol sa sakit sa tuhod at dito para sa gamot sa sakit ng tuhod.