Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Pagkatapos mong manganak, iba’t ibang kondisyon ang mapagdaanan mo. Kasabay ng pagbabago sa iyong pisikal na anyo, nariyan din ang mental at emosyonal na aspekto. Naranasan mo ba, halimbawa, na hindi mo mapigilan ang iyong galit, na tinatawag na postpartum rage? Tingin mo sa sarili mo ay para kang monster na sa tindi ng iyong emosyon.
Dahil sa sobrang galit, nasisigawan mo na rin ang iyong asawa, napapalo mo ang iyong anak, nakapagbabato ng mga bagay o mas matindi pa, nasasaktan mo ang iyong sarili. Batay sa mga pag-aaral, ang galit na ito ay bahagi ng postpartum depression at postpartum anxiety.
Mga dapat malaman sa postpartum rage
Karaniwang nararanasan ang mom rage o postpartum rage, na tinatawag ding postpartum anger, sa loob ilang linggo o buwan pagkapanganak o maaaring mas tumagal pa. Batay sa website ng Cleaveland Clinic, ang postpartum rage ay pagbabago sa mood na nagdudulot ng matinding galit, agresyon, at pagkabalisa.
Normal na maranasan ang ganitong bagay pagkapanganak bunsod ng maraming pagbabago sa iyong hormones, kalusugan, pang-araw-araw na routine, at iba pa. Nauunawaan din naman ang ganitong pagbabago sa iyong mood. Dahil ngayong nakapanganak ka na, mas mabigat din ang mga gawain at responsibilidad na nakaatang sa iyong balikat.
Dumadagdag pa ang puyat o kakulangan sa pahinga dahil sa pagkaabala mo sa pag-aalaga ng iyong baby at pag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Bagaman ang ganitong mga pagbabago sa mood ay panandalian lamang hindi dapat ipagbawalang bahala at pabayaan ang iyong mental na kalusugan.
Ayon sa mga eksperto, hindi pa lubos na naipaliliwanag bakit nakararanas nang hindi makontrol na galit ang mga bagong panganak. Ngunit hindi rin maituturing na opisyal na diagnosis ang postpartum rage. Pero kinikilala nila ang ganitong sitwasyon ng mga bagong panganak at mayroong solusyon para dito.
Mga sanhi ng postpartum rage
Kahit sinong bagong panganak ay malaki ang posibilidad na makaranas ng postpartum rage. Karaniwan ito sa pagitan ng 6 na linggo hanggang 1 taon pagkatapos manganak. Sinasabi ng mga pag-aaral na bahagi ito ng mga postpartum journey ng mga bagong mommy dulot ng mga nararanasan din nilang pagbabago sa kanilang aspektong pisikal, mental, at emosyonal.
Pangunahing sanhi nito ang pagbabago sa hormones, patikular sa pagbaba ng level ng estrogen at progesterone. Bukod pa rito, maaaring dulot din ito ng:
1. Pagkakaroon ng personal o family history ng depression o anxiety
2. Pagbabago sa padron ng pagtulog o kawalan ng sapat na pahinga
3. Pagiging emosyonal dahil sa pagod sa pag-aalaga sa baby
4. Pagkakaroon ng hindi magandang karanasan sa panganganak
5. Pagbabago sa pangangatawan, pamumuhay, at relasyon sa iba
Bukod sa mga nabaggit, maaaring makadagdag din ang pakiramdam na labis na pressure ng mga taong nasa paligid mo. Idagdag pa ang mga opinyon na nababasa o napapanood sa mga social media sa pagnanais mong maging isang mabuti o perpektong magulang. Ngunit wala namang perpektong magulang, kundi ang mahalaga ay unahin ang pinakamabuti para sa inyong anak.
RELATED: Mom Goes on a 'Social Media Diet' to Stop Comparing Herself to Other Moms
Mga sintomas ng postpartum rage
Bagaman magkalapit na kondisyon ang postpartum depression at postpartum rage, naiiba pa rin ang huli. Dahil sa postpartum rage, nakararanas ka nang hindi makontrol na galit o pagsabog ng matinding emosyon.
Nararanasan mo rin ang sintomas ng postpartum depression gaya ng pagkalungkot at pakiramdam na nag-iisa. Pero ang pagkainis o pagkagalit ang pinakapunong sintomas ng postpartum range.
1. Pagiging mainitin ng iyong ulo
2. Pakiramdam mo na gusto mong sigawan ang ibang tao
3. Pagnanais na ihagis o ibato ang isang bagay
4. Paghampas o pagsuntok sa isang bagay gaya sa unan
5. Nahihirapan kang makaalis sa isang sitwasyon na o maka-move on sa isang pangyayari
6. Hindi mo makontrol ang iyong galit
7. Palagiang pagmamaktol o pakiramdam na iritable o naiinis
8. Pag-iisip nang hindi mabuti sa iba
9. Palaging nakasigaw at nakapagbibitiw nang hindi magandang salita
10. Mabigat ang nararamdamang emosyon
Pagharap sa postpartum rage
Nitong pandemya, masasabi kong matindi ang postpartum rage na pinagdaaanan ko. Kasabay ng work-from-home setup at ang pag-aalaga sa aking newborn at toddler, hindi ko maintindihan kung ano ang uunahin. Exclusive breastfeeding din ako kaya dagdag ito sa pagod ko.
Bigla na lang akong napapasigaw kasi gusto kong ilabas ang bigat ng dibdib ko. Minsan nakapagbibitiw na rin ako nang hindi magandang salita sa sobrang galit at inis ko. Nasisigawan at napapalo ko rin ang mga anak ko na napag-aawayan namin ng asawa ko. Sabi nga niya, “Ano raw ang problema ko?,” at ang sagot ko naman, “Hindi ko alam.”
Sa totoo lang, hindi ko rin kasi talaga maintindihan ang nararamdaman ko. Minsan pagkatapos kong gawin ang pagsigaw o pamamalo, matitigilan na lang din ako at mapapaisip bakit ko iyon nagawa. Bakit di ko mapigilan ang sarili ko?
Narito ang ilan sa bagay na ginawa ko na makatutulong din sa inyo sa panahong mararanasan mo ang postpartum rage:
1. Sikaping magkaroon ng sapat na tulog o pahinga
Mahalaga na magkaroon ng sapat na tulog para nakapag-iisip ka ring mabuti. Mas nagiging maayos ang iyong pag-iisip at magagawa mong makontrol nang mabuti ang mga bagay-bagay kung may wasto kang pahinga.
Panatilihin ding malusog ang iyong panganagatawan. Bukod sa tulog, kumain din sa tamang oras at ng masustansiyang pagkain. Mag-ehersisyo rin kung kayanin para malibang, makaiwas sa lungkot, at labis na stress.
2. Maging bukas sa komunikasyon sa iyong asawa
Sabihin mo sa iyong asawa ang nararamdaman mo at nangyayari sa iyo. Ipaliwanag mong mabuti ang sitwasyon mo. Higit kaninuman, siya ang makatutulong sa iyo lalo na sa pag-aalaga sa inyong baby. Magsabi ka kung nahihirapan ka at humingi ka ng tulong sa kaniya lalo na sa pagharap ng mga gawaing bahay.
Ang bukas na komunikasyon ay nagdudulot ng mabuting pagsasamahan ninyong mag-asawa. Maiiwasan din ang mga pagtatalo.
3. Makatutulong ang pagkakaroon ng support system
Bukod sa iyong asawa, kamag-anak at kaibigan, subukin ding sumali sa mga social group ng mga mommies na mapaghihingahan mo ng iyong mga nararamdaman. Makatutulong ang pagkakaroon ng espasyo na walang huhusga sa iyong nararamdaman kundi mauunawaan ka rin dahil hindi nalalayo ang inyong nararanasan.
Bukas mong naibabahagi ang iyong sarili nang walang pag-aalinlangan. Makahihingi ka rin ng mga payo mula sa kanilang personal na danas.
4. Hinay-hinay lang at alagaan ang iyong sarili
Paalalahanan ang sarili na hindi ka isang superwoman na may special powers na kaya mong gawin ang lahat. Tao ka lang na napapagod. Totoong nakakalula ang mga kaganapan sa bahay pagkapanganak mo. Maging mabuti sa iyong sarili.
Magrelaks ka. Lumabas-labas ka para makalanghap ng sariwang hangin. Kailangan mo ring huminga at pansamantalang lumayo mula sa mga intindihin sa bahay. Deserve mo bilang mommy ang magliwaliw rin paminsan-minsan. Totoong nanay ka 24/7 pero hindi rin masama na magbigay ka ng oras para sa sarili kahit kaunti.
Normal ang mapagod bilang nanay. Normal din na makaramdam ng pagkalungkot bilang nanay. Normal ang magalit kung may dahilan. Pero lagi mong isipin bilang nanay na minsan kailangan mo ring sabihin sa sarili mo na, “Teka, sandali lang, pahinga lang ako!”
Kailangan mong mag-pause at bigyan ng panahon ang iyong sarili na huminga, magnilay, at mag-isip. Walang masama rito at hindi ka magiging masamang ina kung kahit paano, titigil sandali ang mundo mo sa pagiging ina.
Hindi pangmatagalan ang postpartum rage, lilipas din ito sa pagdaan ng mga panahon ngunit kailangan mong tulungan ang iyong sarili para magampanan mong mabuti ang pagiging isang ulirang nanay.
---
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Postpartum Rage
https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/24768-postpartum-rage
The Scariest Symptom of Postpartum Depression Is Rage. Here's What You Need to Know
---
Basahin ang tungkol naman sa postpartum fatigue dito.