Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.
Isa ang usog sa mga pamahiin ng mga Pinoy na sinusunod pa hanggang ngayon. Ito ang katumbas ng "evil eye," ang sinaunang paniniwala sa maraming bansa na may dalang sumpa ang masamang tingin o titig.
Sinasabing nangyayari ang usog kapag ang sanggol ay binati ng isang taong nakita niya sa unang pagkakataon at kinagiliwan siya kaagad. Ang pagkagiliw na ito raw ang magdudulot ng biglang pagkakasakit ni baby. Andiyan ang pagkakaroon ng lagnat, panghihina, at pagkabalisa.
Para raw gumaling si baby, kailangang hanapin ang taong bumati sa kanya at para lawayan ang noo o di kaya tiyan ni baby. Bumubuti ang pakiramdam ng sanggol, ayon sa mga kuwentong naipasa na sa mga henerasyon.
Kaya nagkaroon din ng paniniwalang palawayan ang sanggol sa taong makikita niya sa unang pagkakataon at bigla siyang babati. Habang nilalawayan si baby, kailangan ding magsabi ng "pwera usog." Bukod diyan, pinasusuot din ang sanggol ng "anti-usog" bracelets (basahin dito).
Payag ka bang lawayan ang baby mo pwera usog?
Ito ang naging paksa kamakailan sa Smart Parenting Village, ang online community ng Smart Parenting. May nag-post kasi ng isang kuwento tungkol sa magulang na ikinagulat ang biglang paglaway sa kanyang baby kontra usog. Kaya nagbigay siya ng paalala at babala sa panganib na hatid ng ganitong pamahiin.
Maraming mga nagkomento at nagsabing hindi sila pumapayag kapag may sumusubok na lawayan ang kanilang anak para sana kontrahin ang usog.
Ika nga ng isa sa kanila, "No... Pwede naman magsabi ng pwera usog ng hindi nilalawayan ang baby."
Sabi ng isa pang miyembro ng online community, "Never! May time na iyak ng iyak si LO, 'tapos sabi ni mom ko, 'Baka nausog ni ano, palawayan natin!' Hindi talaga kame pumayag ni hubby! Kasagsagan ng COVID 'yun, atsaka talaga naman kadiri."
Sabi ng isa pang magulang, "Naku, ako di rin naniniwala sa usog. Minsan nga biniro ko 'ung lalaway sana sa anak ko. Sabi ko baka sa laway n'ya mausog anak ko, hehhe!"
Sang-ayon ng kapwa nila magulang: "Pag may umaakto din na lalaway sa anak, nage-gesture na ko na padura. Umuurong sila."
Kung nalayawan na ang kanyang baby, ito ang ginagawa ng isang mommy at kanyang asawa: "Pinupunasan namin ng tissue, 'tapos alcohol. Madalas kasi biglaan, kaya hindi mo na mapigilan. 'Tapos the next time na magkikita ulit, nilalayo na para makaiwas."
May iba namang kuwento ang isang mommy: "Dito sa province na napuntahan ko, hinihipo lang ang ulo, hindi nilawayan. In my own experince, hindi ako naniniwala sa usog pero nausog ako.
"Nakasalubong ko lang naman 'yung relative namin. Gutom daw s'ya noon. Pag dating ko sa bahay, sumakit ang t'yan ko, 'tapos nagsusuka ako. Tinanong ako ng asawa ko kung sinong huli kung kausap. Hinanap n'ya at hinaplos lang n'ya ang ulo ko. Ayun, parang magic, bumuti 'yong pakiramdam ko."
Kaya ito ang payo niya sa mga ibang magulang para maiwas ang mga sanggol sa usog: "Pahipo n'yo na lang ang ulo or likod. Huwag na palawayan."
Paliwanag ng pedia
Bagamat may bumabalot na misteryo sa usaping usog, may paliwanag naman ang pediatrician na si Dr. Ina Atutubo tungkol sa pagdampi ng laway sa sanggol.
Aniya sa artikulo na kanyang sinulat para sa Smart Parenting, na napatunayan ng medical science na meron ang laway, o saliva, na substance na opiorphin. Kapareho raw ito ng morphine at iba pang opioids, na ginagamit sa modern medicine bilang pain killer, o analgesic.
Pero ang epekto ng opiorphin bilang analgesic ay nasubok pa lang sa research gamit ang mga daga. Kaya kailangan ng marami pang research na magpapatunay na epektibo ang opiorphin bilang analgesic sa mga tao naman.
Sabi pa ni Dr. Atutubo na "unsanitary" ang pagdadampi ng laway sa sanggol. Posibleng may hatid ang laway ng iba-ibang sakit, tulad ng:
- Trangkaso (flu)
- Sipon (common cold)
- Swine flu
- Beke (mumps)
- Bulutong (chicken pox)
- Tigdas (measles)
- Tigdas hangin (German measles)
- Hand-and-foot-and-mouth disease
Isa pang konsiderasyon ang posibleng maging allergic reaction ng sanggol sa laway ibang tao. Kaya payo ni Dr. Atutubo na mag-ingat sa pagpapalaway sa anak kahit sabihin pang walan mawawala kung susunod sa pamahiin. Mainam din na ipatingin si baby sa doktor kung suspetsa mong may sakit ito.
Basahin dito ang pamahiin naman kapag sinisinok ang sanggol.