brain,seizures,Tagalog,epilepsy,greener,Epilepsy | Smart Parenting,seizure, epilepsy, children with epilepsy, epilepsy myths, epilepsy myths debunked, maling paniniwala sa epilepsy, batang may epilepsy,May dagdag na dagok sa mga pasyente ng epilepsy ang kinahaharap nilang stigma dahil sa mga maling paniniwala tungkol sa sakit sa utak na ito.
HealthYour Kid’s Health

Hayaan Ang Batang May Epilepsy Na Maglaro, Makipagkaibigan, Mamuhay Nang Normal

Paalala ng neurologist na kailangang itama ang mga maling paniniwala sa epilepsy.
PHOTO BYfreepik/jcomp

Editor's Note: Ang sumusunod ay for educational at informational purposes lamang. Huwag pong gamitin ito na kapalit ng doktor. Mahalaga na kumunsulta sa doktor para sa medical advice na bagay sa pangangailangan mo.

Isa ang epilepsy sa mga pinakalumang sakit sa mundo, ayon sa World Health Organization (WHO). Sa katunayan, may mga naisulat na tungkol dito noon pang 4000 before common era (BCE), at hindi lang 19-kopong-kopong.

Pero hindi pa rin nabubura ang mga maling paniniwala sa epilepsy, nandiyan pa rin ang stigma sa mga pasyente at nakakaranas pa rin sila ng diskriminasyon. Mabuti na lang at may mga grupong patuloy sa pamamahagi ng tamang kaalaman sa sakit na ito.

Ang Philippine League Against Epilepsy, halimbawa, ay nag-organisa ng lay forum webinar series para sa 21st National Epilepsy Awareness Week 2022. Tinawag nila ang serye ng mga talakayan bilang "Bridging the Gaps in Epilepsy Care: The Silver Lining."

Kabilang si Dr. Jean Paolo Delfino, isang neurologist, sa mga speaker ng webinar series. Nilinaw niya ang mga maling paniniwala, o myths, sa kanyang talakayan na may titulong “Epilepsy Sa Mata Ng Iba.”

Ano ang epilepsy?

Bago maunawaan ang epilepsy, lahad ni Dr. Delfino, dapat munang malaman ang gawain ng utak (brain) bilang command center ng katawan.

Paliwanag niya na kapag may naisip tayo, gaya ng planong hawakan ang kamay ng crush, ay magpapadala ang utak ng electrical signal. Dadaloy ang electrical signal sa neurons at nerves hanggang makarating sa muscles ng ating mga kamay para hawakan ang kamay ni crush. Kaya lang daw, biro niya, magdadala rin ng signal ang utak ni crush para masampal ka.

Seryosong usapan, aniya, "Lahat ’yan sa utak. May kuryenteng involved, normal ’yan. Pag naging labis at magulo ang daloy ng kuryente sa utak natin, nagkakaroon ng abnormal na reaction sa paggalaw, pakiramdam, o pag-iisip. ’Yan ang nangyayari sa seizure."

Kapag paulit-ulit ang seizures na nararanasan, nagiging epilepsy na ito. Sa ibang mga wika, tinatawag ang sakit sa utak na ito bilang epileplambanein (Greek); epilepsia; at epilepsie (French).

watch now

Sa Pilipinas, ayon sa isang unpublished survey, 80 percent ng 120 na taong kinausap ng mga researcher ay nagsabing narinig o di kaya nagamit na nila ang salitang "epilepsy." Pero kadalasan kapag nakakakita ng taong inaatake ng epileptic seizure, ang mga salitang tulad ng "nangingisay" ay nagiging katatawanan na.

"May kaakibat na pangit o negatibong kahulugan," sabi ni Dr. Delfino tungkol sa stigma na nararanasan ng mga taong may epilepsy. "Nagkakaroon tuloy ng prejudice o jina-judge mo kahit di mo naman kilala. Nagkakaroon ng discrimination.

"Puwedeng hindi sila matanggap sa trabaho o sa school. May sakit na nga sila na epilepsy, nadadagdagan pa ang hirap nila dahil sa discrimination. Hindi dapat ito nangyayari."

Mga dapat malaman tungkol sa epilepsy

Nagbigay ng paliwanag si Dr. Delfino bilang pagtatama sa mga maling paniniwala tungkol sa isa sa mga uri ng sakit sa utak.

Mali: Ang epilepsy ay isang pagsasanib ng demonyo sa katawan ng tao (demonic possession).

TAMA: Ang epilepsy ay sakit sa utak, kung saan nagkakaroon ng panandaliang bugso ng magulo at labis na pagdaloy ng kuryente sa utak.

Mali: Ang epilepsy ay isang sumpa na bilang ganti sa mga hinamak na nilalang sa katawang lupa (duwende, nuno sa punso).

TAMA: Ito ay problema sa utak. Kapag nakaroon ng "short circuit" sa utak, nagkakaroon din ng seizure.

Mali: Ang epilepsy ay isang parusa sa mga nagawang kasalaman ng magulang.

TAMA: Hindi kasalanan ang pagkakaroon ng epilepsy, kahit ito ay namamana. Tinatayang mula 30 hanggang 40 percent ng epilepsy ay sanhi ng genetic predisposition. May two-to-four-fold increase ang tyansang magkaroon ng epilepsy kung merong first-degree relatives na pasyente.

Mali: Ang epilepsy ay nakakahawa. Naipapasa ito sa pamamagitan ng laway, ihi, o kahit sa pagtitig lang ng taong may ganitong sakit.

TAMA: Hindi ito nakakahawa. Pag may seizure kasi, nagdo-drool o naglalaway, kaya akala nila parang rabies. Puwedeng halikan, yakapin, at mahalin ang taong may epilepsy.

Mali: Ang epilepsy ay hindi nagagamot, pero naiibsan ang pag-atake gamit ang mga pinaghalong sangkap na halaman at hayop.

TAMA: Higit sa 80 percent ng mga taong may epilepsy ay puwedeng gumaling sa pamamagitan ng gamot at iba pang paraan ng pampagaling.

Mga halimbawa ng epilepsy treatment methods:

  • Vagus nerve stimulation (VNS) o di kaya deep brain stimulation (DBS)
  • Surgery
  • Anti-epileptic drugs (AEDs)
  • Diet, gaya ng ketogenic, na epektibo sa ibang may epilepsy

Mali: Ang taong inaatake ng epileptic seizure ay bumubuti ang pakiramdam kapag sinampal sa mukha; kinagat ang mga daliri sa kamay at paa; inipit ang tiyan; o di kaya hinila ang maselang parte ng katawan ng kalalakihang pasyente.

TAMA: Huwag saktan ang inaatake ng epileptic seizure. Bagkus, siguraduhin na ligtas siya mula sa mga posibleng pinsala. Hindi dapat siya mabundol, mahulog, mahulugan ng kung anong bagay, o di kaya malunod. Ilayo siya sa panganib.

Mali: Ang epilepsy ay isang sakit sa pagi-isip, o mental illness.

TAMA: Ito ay sakit ito sa daloy ng kuryente sa utak. Maraming underlying disease mechanisms ang maaaring magdulot ng epilepsy. Pero walang matukoy na malinaw na dahilan sa 50 percent ng mga kasong nagkakasakit.

Ilan sa mga posibleng sanhi ng epilepsy:

  • Brain infections
  • Severe head injury, tulad ng pagkabagok ng ulo
  • Brain damage mula sa prenatal o perinatal na dahilan, gaya ng kakulangan sa oxyen habang ipinagbubuntis
  • Brain tumor
  • Stroke
  • Congenital or genetic

Mali: Ang taong may epilepsy ay hindi makakapasok sa eskwelahan o di kaya makakapagtrabaho.

TAMA: Ang seizure ay saglit lang nangyayari at hindi dapat maging sagabal sa pang-araw-araw na buhay. Hindi dapat pagbawalan ang batang may epilepsy sa pagpasok sa eskwelahan, paglalaro, at pagkakaibigan.

Maaaring magtrabaho ang taong may epilepsy. Ang uri ng maaaring pasukang trabaho ay depende sa kanyang pinag-aralan, galing, karanasan, pati na rin ang uri ng epilepsy. Ang mga bawal lang na trabaho ay pagiging piloto, tsuper, at miyembro ng armed services at fire brigade, pati na diver.

Kailangan ng ibayong pagi-ingat ang mga trabahong naga-ayos ng poste, gumagamit ng mapanganib na makina, paghawak ng baby, at iba pang katulad na gawain. Dahil may panganib sa kanilang sarili at ibang tao.

Bawal naman ang pagsabak sa sports na scuba diving, rock climbing, skydiving, hang gliding, at mountain climbing. Maaari kasi silang mahulog kapag inatake ng seizure.

Sa huli, ito ang paalala ni Dr. Delfino sa mga magulang o tagapangalaga ng batang may epilepsy: "Huwag silang i-deprieve kung kaya naman nilang gawin para mag-enjoy. Treat n’yo lang as normal. It’s their right."

Basahin dito ang karanasan ng mga magulang ng batang may epileptic.

View More Stories About

Trending in Summit Network

lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
lorem ipsum

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit, sed do eiusmod
Read more
Close