-
Hindi Lang Nakadepende Sa Genes Ang Pagtangkad Ng Bata, Ayon Sa Mga Eksperto
May mga paraan para matulungan ng magulang ang anak na maabot ang potensyal nitong tumangkad.by Jocelyn Valle .
- Shares
- Comments

Tulad ni Chesca Garcia, may mga magulang na hindi napipigilang ikumpara ang height ng anak sa mga kaedarang kaibigan, kaklase, o kalaro. Kaya marami ang nagtatanong kung kailan dapat mag-alala sa paglaki ng bata at kung paano siya tumangkad nang husto.
Ang “fastest period of growth” ay nangyayari habang nasa sinapupunan pa lang ang bata, ayon sa education resource ng Society for Endocrinology na base sa United Kingdom. Lumalaki raw si baby mula zero hanggang 50 cm sa loob ng 9 months.
Pagkapanganak, kung hindi preterm birth, nasa 5.5 cm ang average growth ng bata hanggang marating niya ang 8 years old. Patas ang laban sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan. Pero pag dating ng puberty, kung kailan nangyayari ang growth spurt, kadalasang lumalamang sa tangkad ang mga lalaki.
Factors sa maaabot na height
May ilang factors na nakakaimpluwensya sa height ng isang tao, ayon pa sa mga eksperto. Pangunahin sa mga ito ang genetics at nutrition.
Ibig sabihin, malaki ang tyansa na lumaking matangkad ang anak ng mag-asawang matangkad, lalo na kung nabibigyan siya ng sapat na nutrisyon.
Pero mula 20 hanggang 40 percent lang ang kontribusyon ng genetics, sabi naman ni Dr. Mary Jean Villa-Real-Guno ng Philippine Society for Pediatric Gastroenterology, Hepatology, and Nutrition (PSPGHN).
Manggagaling naman daw ang mula 60 hanggang 80 percent sa nutrition na nakukuha ng bata.
Sa pag-unlad ng nutrition at health science, tumaas ang average height sa mga populasyon. Ang global average height ay 159.5 cm (5’2) para sa kababaihan at 171 cm (5’6) para naman sa mga kalalakihan.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOWMga posibleng paraan para sa pagtangkad ng bata
Mahalaga na bantayan ng magulang lalo na ang unang limang taon ng anak. Paliwanag ni Dr. Villa-Real-Guno na iyon ang panahon na pinakamabilis ang growth velocity. Kaya nga raw may kasabihan na “The height of five is height for life.”
Kapag kasi hindi naaayon ang height sa age ng bata alinsunod sa World Health Organization (WHO) standards, masasabing nakararanas siya ng stunted growth.
Ibig sabihin, pigil ang kanyang paglaki at pagtangkad. Sa 10 bata raw sa Pilipinas, 3 ang stunted at 2 ang nasa binggit ng pagiging stunted.
Monthly monitoring
Para masubaybayan ang tuloy-tuloy na paglaki ng anak, payo ni Dr. Villa-Real-Guno na gumawa ang magulang ng monthly monitoring gamit ang weighing scale at height chart sa bahay.
Itala sa notebook o computer ang nasukat na height at weight ng bata. Ikumpara ang mga ito sa WHO standards gamit ang internet tools. Doon mo malalaman kung mabagal ang paglaki ng iyong anak para magawan mo kaagad ng solusyon.
Good nutrition
Kailangan ng bata ang kumpleto at balanseng pagkain na mayaman sa protein, zinc, at vitamins D, A, C, at E. Makukuka ang protein sa animal source (manok, baka, baboy, itlog, gatas) at plant-based (tokwa, beans).
May hatid din ang mga pagkaing iyon na zinc at iba pang sustansya. Ang vitamins A, C, at E ay makukuha naman sa mga gulay at prutas. Bilang pandagdag lang, maaaring bigyan ng vitamin at mineral supplements ang mga batang hirap pakainin at nagkukulang na sa nutrisyon.
CONTINUE READING BELOWwatch nowMakakatulong din ang oral nutritional supplement (ONS), gaya ng ibinigay ni Chesca sa bunsong anak na si Gavin Kramer noong mga panahong na nag-alala siya sa height ng third child at only son nila ng asawang si Doug Kramer.
Paliwanag ni Dr. Villa-Real-Guno na magsisilbing ding “building blocks” ang gatas o kaya ONS na may amino acid na arginine at vitamin K2 para sa mga batang lampas 5 years old para mapaghandaan nila ang susunod na growth spurt.
Growth hormone
Kung hindi umuubra ang good nutrition at mabagal pa rin ang paglaki ng bata, maaaring ipatingin na ang bata sa doktor. Baka kasi mayroon siyang medical condition o hormone deficiency.
Makakatulong ang maagang treatment para makahabol ang bata at lumapit sa kanyang potential adult height. Kapag kasi tumigil na ang skeleton sa paglago, wala ng medical o drug treatment ang makakadagdag pa ng height.
Kapag napatunayan sa tests na may kakulangan ang bata sa growth hormone, ayon sa mga eksperto, maaari siyang magamot sa pamamagitan ng artificial growth hormone.
Lumabas daw sa mga paga-aral na makakatulong ang growth hormone kung paano tumangkad ang mga batang may Turner syndrome, Prader-Willi syndrome, at kidney failure, pati na raw iyong may low birth weight.
What other parents are reading

- Shares
- Comments