
Napakahirap ibalik ang nasirang tiwala—lalo na kung may kinalaman ito sa pagsasama ng mag-asawa. Isa ito sa mga madalas itanong at ikwento sa amin ng mga nanay na miyembro ng aming online community.
Pwede pa nga bang ibalik ang tiwala kung hindi naging tapat sa iyo ang iyong asawa? Dapat mo pa nga ba siyang bigyan ng pangalawang pagkakataon?
Sabi ng mga eksperto, oo.
Ayon kay Kenneth Rosenberg, ang may akda ng librong Infidelity: Why Men and Woman Cheat, hindi imposibleng malampasan ng mag-asawa ang cheating o infidelity. Sa katunayan, maaari pa nga itong maging daan para mas maging matibay ang kanilang pagsasama.
Ang tanong: Paano mo malalaman kung dapat mo pang bigyan ng pangalawang pagkakaton ang asawa mo?
Naniniwala kang may pag-asa pa ang pagsasama ninyo
Walang perpektong tao. Lahat tayo ay nagkakamali at may kanya-kanyang mga kahinaan. Kung naniniwala ka na hindi na uulitin ng asawa mo ang pagkakaroon ng extramarital affair, hindi masamang bigyan pa siya ng ikalawang pagkakataon.
Ang isang relasyon din ay patuloy na nage-evolve. Ibig sabihin, hindi mawawala ang mga pagkakataong may isa sa inyo na magkakamali. Ang mahalaga ay willing kayong itama ang mga mali niyo at naniniwala kayong dapat pang bigyan ng second chance ang inyong pagsasama.
Kaya mong magpatawad
Isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng healing ang pagpapatawad. Kung alam mo sa sarili mo na mapapatawad mo ang asawa mo pagdating ng tamang panahon, hindi masamang bigyan siya ng second chance.
Sigurado ka bang hindi mo na siya pagdududahan? Mag-aalala ka ba sa tuwing may kausap siyang iba? Kaya mo pa ba siyang pakisamahan sa kabila ng ginawa niya?
Kaakibat din ng pagpapatawad ang pagtanggap sa nangyari at unti-unting pag-move on mula dito. Hindi mo kailangang kalimutan o alisin sa isip mo ang nangyari. Ngunit mahalagang matanggap mo ito at magdesisyon ka na tapos na ang yugtong iyon sa buhay ninyong mag-asawa.
Kung alam mo sa sarili mo na madalas mong maiisip ang nangyari at araw-araw mong babalikan ang nakaraan, hindi magiging matagumpay ang second chance ninyong dalawa.
Willing kayong maging honest sa isa't-isa
Masakit mang marinig ang bawat detalye ng affair ng asawa mo, maaaring makatulong ito sa iyong healing process.
Importante na simula ngayon, tapat na kayo sa nararamdaman ninyo para sa isa't-isa. Kung may pagkukulang ang asawa mo, dapat ay naipararating mo ito sa kanya at ganoon din naman siya sa iyo. Sa ganitong paraan, binibigyan niyo ang isa't-isa ng pagkakataong itama ang mga mali ninyo.
Halimbawa, isa sa mga malimit na dahilan ng cheating ay ang kawalan ng respeto at appreciation ni mommy kay daddy. Pero dahil hindi ipinapahayag ni daddy ang kanyang emotional at physical needs, hindi ito matutugunan ni mommy.
Malimit, hindi nagkakaroon ng pagkakaunawaan dahil hindi open sa isa't-isa ang mag-asawa.
Handa kayong maghintay
Sabi nga nila, panahon ang pinakamabisang gamot sa ano mang dinaramdam ng ating puso. Kung willing kayong pareho na maghintay para maghilom ang inyong mga emotional pains, hindi masamang bigyan pa ang inyong relasyon ng pangalawang pagkakataon.
Ang tunay at ganap na pagpapatawad ay hindi nangyayari sa isang iglap lang. Kailangan nito ng sapat na panahon. Kailangan, pareho kayong willing na maghintay. Hindi pwedeng habang panahon mong paparusahan ang asawa mo sa nagawa niya. Hindi rin pwedeng habang panahong naghihintay ang asawa mo para mapatawad mo siya.
Kung pareho kayong willing na hintayin ang isa't-isa na maghilom, malaki ang posibilidad na mapagtagumpayan ninyo ang madilim na bahagi na ito ng inyong pagsasama.
Ang tagumpay ng isang relasyon ay nakasalalay sa parehong tao na involved dito. Ang pagbibigay ng ikalawang pagkakataon ay hindi lang nakasalalay sa isa. Kung pareho kayong mayroong willingness at talagang desididong ayusin ang inyong pagsasama, hindi masamang magbigay ng second chance.
Naranasan mo na bang maloko ng partner mo? Nagbigay ka ba ng second chance? Bakit? Bakit hindi? I-share mo na ang iyong experience sa comments section.