
Madalas hot topic sa aming online community ang cheating o pagkakaroon ng extramarital affairs. Hindi lang ang mga hubbies ang nasasangkot dito, kahit ang mga wives ay nagkakaroon din ng mga tinatawag na moments of weakness.
Ipinapadala nila sa amin ang mga kwentong ito sa pamamagitan ng #SPConfessions. Isa sa mga madalas nilang itanong ay kung bakit nga ba ito nangyayari. Mayroon nga bang mas malalim na dahilan ang cheating?
May mga tinatawag na risk factors
Maaaring maging dahilan ng cheating ang mga problema sa pagsasama tulad ng:
- Domestic violence o pang-aabuso
- Kawalan ng physical o emotional connection
- Mabigat na financial pressure
- Kakulangan sa komunikasyon
- Kawalan ng respeto
- Mababang compatibility o iyong pagpapakasal sa maling dahilan
Mga pangaunahing dahilan kung bakit nangangaliwa ang isang tao
Hindi na siya masaya sa inyong pagsasama
Alam mo ba kung ano ang tunay na nagpapasaya sa partner mo? Naibibigay mo ba sa kanyang mga physical at emotional needs? Kung hindi, maaaring pagmulan ito ng dissatisfaction niya sa inyong pagsasama.
Ayon sa mga eksperto, isa sa mga pinaka-common na dahilan niyo ay ang kawalan ng sex o iyong tinatawag na sexless marriage.
Kakulangan sa appreciation
Bahagi ng pagiging masaya ng isang tao sa isang relasyon ay kapag nararamdaman niyang mahalaga siya sa partner niya. Kung hindi nararamdaman ng partner mo na naa-appreciate mo siya, malaki ang chance na hanapin niya ang appreciation na ito sa iba.
Pagkainip
Masakit mang isipin, ang ilan ay nagkakaroon ng extramarital affairs dahil sa pagkainip. Mayroon kasing mga taong laging naghahanap ng thrill o iyong excitement ng pakikipag-usap sa ibang tao o pakikipagkilala sa iba.
Paghahanap ng validation / Pagkakaroon ng mga image issues
May ilang tao na may pamilya na na nangangailangan ng 'boost sa kanilang confidence'. Gusto nilang makita kung mayroon pa silang 'hatak' sa opposite sex.
Sa kabilang banda, kung ikaw ang may body issues, maaaring gamitin itong dahilan ng partner mo para mangaliwa. Ito iyong mga pagkakataong sinasabi nilang 'pinabayaan mo na ang sarili mo'.
Mga iba pang maaaring pagmulan o maging dahilan ng cheating
Bukod sa mga pangunahing dahilan ng pangangaliwa, maaari ring maging dahilan o contributing factors ang mga ito:
Social media / internet
Mas madali na ngang magkaroon ng affair ngayon dahil sa mga pagbabagong dala ng social media at ng internet.
Ngayon kasi, madali na lang magkaroon ng mga secret conversations at fake accounts. Madali na lang ding makakilala ng mga taong willing na pumasok sa isang relasyon kahit online lang. Pero ang cheating, online man o hindi, ay cheating pa rin.
Mas maraming oportunidad
Marami sa mga mag-asawa ngayon ang hindi magkasama sa iisang bahay—kalimitan, dahil sa kanilang mga trabaho.
Kaya naman nagkakaroon ng pagkakataon ang isa sa kanila para magkaroon ng affair. Bukod kasi sa mas madali ito, mas mababa rin ang pagkakataong mahuli sila.
Kawalan ng boundaries
May mga taong hindi marunong magtalaga ng limit o boundaries. Halimbawa, ang simpleng coffee break kasama ang kaopisina ay maaaring maging isang habit na kalaunan ay maaaring pagmulan ng posibilidad para sa isang affair.
May ilan pang mga posibleng risk factors na maaaring maging dahilan ng pangangaliwa. Halimbawa, kung ang isang tao ay exposed sa infidelity noong bata pa lang siya, maaaring pataasin nito ang risk na mangaliwa siya kapag nagkaroon na siya ng karelasyon.
Maaari ring maging risk factor ang mga psychological issues o personality disorders. Maaari kasing para sa kanila, hindi mali ang pangangaliwa. Maaari ring may mga tao na sarili lang nila ang iniisip nila, kaya hindi mahalaga sa kanila kung makakasakit sila ng kapwa.
Sa karanasan ng ilang mga nanay na lumapit sa amin, may ilan sa kanila ang nagsabing kahit ilang beses nilang kausapin ang mga partners nila, hindi talaga nagbabago ang mga ito—marahil dahil ugali na nila ang mangaliwa at wala talaga silang intensyong magbago.
Ngayong alam mo na ang mga maaaring dahilan ng pangangaliwa, sana ay hindi mo isising lahat ang ano mang nangyari sa inyong relasyon. Kung naranasan mo mang maloko ng partner mo o maipagpalit sa iba, tandaan mo na hindi mo kasalanan ang mga nangyari.
Maraming mga nanay ang paulit-ulit na kinukuwestiyon at sinisisi ang kanilang mga sarili. Pero kung tutuusin, may pagkukulang ka man, hindi 100% na kasalanan mo ang nangyari.