Nakatakdang ipadala ngayong araw, December 1, 2022, ng Social Security System (SSS) ang pensyon para sa buwan ng December at para sa 13th month.
Sakop nito ang Batch 1, ayon sa press release ng ahensya. Ipapadala naman ang Batch 2 sa December 4. Pero dahil pumatak ito sa araw ng Linggo, maaaring ma-credit na ito sa December 2 pa lang.
Kaya asahang matatanggap ang pera sa inyong enrolled bank account mula sa SSS accredited PESONet participating banks simula sa unang linggo nitong December. (Basahin dito kung paano i-enrol ang inyong bank account sa SSS Online kahit hindi pa pensyonado.)
Inagahan talaga ng ahensya ang pagpapadala ng pensyon para mai-withdraw ito bago abutan ng Christmas rush, sabi ni SSS president at chief executive officer Michael G. Regino sa press release.
May kabuuang Php29.74 billion ang pondong ilalabas ng SSS para sa sakop nitong 3.36 million pensyonado.
Inanunsyo din ng SSS na nagpasabi na sila sa mga accredited nilang non-PESONet participating banks na i-release ang December at 13th month pensions sa mga pensyonado ng ahensya nang hindi lalampas ng December 4, 2022.
Sinabihan na rin ng SSS ang Philippine Postal Corporation na pabilisin ang pagpapadala ng mga December at 13th month pensions para sa mga pensyonadong piniling tumanggap ng buwanang pensyon sa pamamagitan ng koreo.
Paliwanag ni Regino na nagbibigay ang SSS ng 13th month pension simula pa ng December 1988. Katumbas ang 13th month pension ng isang buwang pensyon.
Ang mga pensyonado na kuwalipikadong tumanggap ng 13th month pension ay mga:
- SS retirement pensioners
- SS at Employees’ Compensation (EC) survivor
- Total disability pensioners, kabilang ang partial disability pensioners na may pension duration na hindi bababa sa 12 months
Basahin dito ang listahan ng SSS branches na bukas kahit Sabado, pero hanggang December 31, 2022 na lamang.