Fact-Checked by Ronna Capili Bonifacio
Ang article na ito ay unang naipublish noong Mayo 29, 2020. Nadagdagan ito ng updates noong Oktubre 31, 2024.
Sa pagtungtong ng sanggol sa ika-6 na buwan, mapapansin ang mabilis niyang paglaki at pagkilos. Magsisimula na ring tumubo ang kanyang mga ngipin para maging handa sa pagsubok ng iba’t-ibang pagkain. Kaya kailangan ng magulang na alamin kung ano pwede ipakain sa baby na 6 months.
Hindi na dapat nakadepende lamang sa breast milk ang sanggol sa ganitong edad, ayon sa World Health Organization (WHO) — panahon na para sa solid food. Paliwanag pa ng WHO na ang panahon mula pagkasilang hanggang 2 taon ay “critical window” para makamit ng sanggol ang “optimal growth, health, and behavioral development.”
Kapag daw kulang ang bata sa nutrisyon, magiging balakid iyon sa kanyang paglaki at maaari pang maging sanhi ng problema sa kanyang kalusugan. Halimbawa nito ang “delayed mental and motor development” na baka hindi na matugunan kapag dating niya sa dalawang taong gulang.
Paano malalaman kapag puwede na pakainin ng solid food si Baby
Ngunit bago simulan ng magulang ang pagbibigay ng solid food sa anak, tiyakin muna na handa na talaga ang bata. Nakasaad sa American Academy of Pediatrics (AAP) guidebook, na may pamagat na Nutrition: What Every Parent Needs to Know, ang ilang panuntunan.
Para makasiguro, obserbahan ang sanggol kung kaya na niyang gawin ang mga sumusunod:
- Panatiliing nakataas ang ulo. Kailangan kasi siyang paupuin habang pinapakain kaya importante na hindi siya nakatungo.
- Bumubuka ang bibig kapag sinusubuan. Ibig sabihin gusto na niyang kumain, lalo na kung inaabot na niya ang pagkain at excited siya pag nakakakita ng pagkain.
- Marahil sa simula ay iluwa niya ang pagkain, pero normal itong nangyayari. Makakatulong na tunawin muna ang pagkain na parang tubig bago unti-unting ipasubok ang totoong itsura nito.
- Marating ang tamang laki at bigat. Sakto na ang 13 pounds o kaya ay doble ng una niyang timbang.
Mga Benepisyo ng Solid Food para kay baby
May ilang benepisyo ang pagpapakain ng solid food kay baby sa edad na 6 months, tulad ng:
Maibigay ang kanyang kinakailangang nutrisyon: Sa edad na ito, nangangailangan na si baby ng mas maraming enerhiya at sustansya, at maibibigay ito ng solid food. Kumpara sa breast milk at formula milk, mas makakakuha din si baby ng iron, zinc, at iba pang sustansya mula sa solid food.
Pagbuo ng kasanayan: Kailangan ma-develop ni baby ang kasanayan o kakayahang kumain, tulad ng pag-nguya at pag-lunok ng pagkain. Ang pag-nguya ay maaari ring makatulong kay baby makapagsalita.
Pagpapakilala ng mga bagong panlasa at textures: Ang pagpaparanas kay baby ng mga bagong panlasa at textures na mula sa solid food ay maaaring makatulong sa pag-develop ng kanyang ngipin at panga.
Pag-iwas sa mga allergies: May mga pag-aaral na ang dahan-dahang pagpapakilala kay baby ng solid food ay maaaring makatulong makaiwas sa mga allergies.
Ano ang dapat ipakain kay Baby na 6 months old
Kung handa na talaga si baby sa solid food, maaari nang simulan ng magulang ang pagbibigay ng pagkain. Wala namang partikular na pagkain na kailangang unahin, sabi ng AAP, pero dapat isang uri lang muna ng pagkain.
Gulay, karne, o itlog
Ang unang pagkain ng sanggol ay maaaring gulay, karne, o itlog. Tandaan lang na huwag lagyan ng asin ang pagkain ni baby. Hindi pa kasi fully developed ang kanyang kidney kaya wala pa siyang kakayanan na tunawin ang asin sa katawan.
Iwasan din ang honey
May mga bacteria kasi ang honey na ang tawag ay Clostridium botulinum, na kayang gumawa ng lason sa bituka ng sanggol. Dahil dito, baka mahirapan siyang dumumi o mawalan ng ganang kumain. Sa malalang sitwasyon, maaari siyang magkasakit ng infant botulism, pneumonia, o dehydration.
Bawal muna ang popcorn at ubas
Hindi rin rekomendado ang popcorn, ubas, at pagkaing may jelly o ano mang madikit, madulas, matigas, makapal, at bilugan dahil baka mabilaukan si baby. Isama din sa listahan ng bawal ang hilaw o di kaya kulang sa luto na pagkain.
Isda
Ang isda naman, ayon sa U.S. Food and Drug Administration (FDA), ay para sa older kids, simula 2 years old. Basahin ang guideline na ito kung anong klaseng isda at gaano karami ang puwedeng kainin.
Mga Pagkain na Dapat Iwasan Para sa 6-Months Gulang na Baby
Narito ang ilang pagkain na hindi dapat ibigay para sa anim na buwang gulang na baby:
- Honey
- Asukal o masyadong matamis na pagkain
- Hotdog
- Mani
- Rice drinks
- Dried fruits
- Mga smoked o cured na karne gaya ng bacon
- Mga isda na mataas sa mercury gaya ng mackarel, marlin, tuna
- Unpasteurized food
- Asin, o masyadong maalat na pagkain
- Hilaw na shellfish
- Fruit juice
- Hilaw o hindi masyadong lutong itlog
- Mga malalagkit na pagkain
- Hilaw o hindi masyadong lutong gulay
- Chips
Bakit Dapat Iwasan ang mga Matatamis at Maalat na Pagkain
Hindi nirerekomenda ang pagbibigay ng mga masyadong matamis o maalat na pagkain kay baby sa kadahilanang:
Asukal o masyadong matamis na pagkain: Hindi kailangan ni baby ng maraming sugar o asukal para lumaki at umunlad. Maaari din itong magdulot ng pagkabulok ng ngipin.
Asin o masyadong maalat na pagkain: Hindi pa kaya ng kidney ni baby ang pag-proseso at mag-alis ng labis na asin mula sa kanilang dugo. Kaya't ang paglain ng masyadong maalat na pagkain ay maaaring makasama sa kanilang kidneys, magdulot ng panganib sa mataas na presyon ng dugo, na maaaring magdulot ng sakit sa puso. Maaari ding mas mahumaling si baby sa maalat na pagkain sa kanyang pagtanda.
Paghahanda ng Pagkain para kay Baby: Mga Tips sa Food Safety
Narito ang mga ilang nararapat gawin para masiguradong malinis at tama ang paghahanda ng pagkain para kay baby:
Hugasan ang mga kamay: Siguraduhing malinis ang iyong kamay at kamay ni baby tuwing bago kumain.
Siguraduhing malinis ang paligid: Siguraduhing malinis ang kusina at mga kasangkapang gagamitin sa paghahanda ng pagkain.
Ihanda ng maayos ang pagkain: Siguraduhing sariwa ang mga karne, gulay, at prutas na gagamitin, at hugasan nang maigi ang mga ito. Ihiwalay ang mga hilaw na karne, isda, at itlog mula sa ibang pagkain.
Lutuin ng maayos ang pagkain: Siguraduhing lutuin an pagkain sa tamang temperatura. Alisin ang mga taba, balat, at buto mula sa karneng baboy at manok, at isda.
Dahan-dahanin ang pagpapakain: Bigyan si baby ng maliliit na parte upang hikayatin siyang kumain.
Bantayan si baby: Siguraduhin na nakikita mo si baby habang siya ay kumakain, at huwag siyang pabayaang maglikot masyado habang may pagkain sa kanyang bibig.
Huwag magbigay ng ilang pagkain: Gaya ng honey, unpasteurized na gatas o katas ng prutas, at hilaw o hindi masyadong lutong karne, isda, at itlog.
Paano pakainin si Baby ng solid food
Sa simula, bigyan ang sanggol ng dalawa hanggang tatlong kutsara ng solid food at unti-unting damihan ito hanggang isang tasa na 250 ml. Puwede din siyang bigyan ng merienda o snack kung magana siyang kumain.
May payo ang AAP para hindi masyadong mag-adjust si baby sa solid food. Umpisahan daw ng magulang na bigyan ang anak ng breast milk at saka pakainin ng kaunting solid food, halos kalahating kutsara ang dami. Pagkatapos bigyan ulit ng breast milk o formula. Kapag umiyak ang sanggol habang pinapakain ng solid food, ibalik na lang muna siya sa exclusive breastfeeding. Sumubok muli sa iba pang pagkakataon.
Paalala ng WHO na ang mga sanggol na 6 hanggang 8 buwan ay dapat nakakakain ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw kasabay ang malimit na pagdede. Hindi daw dapat itigil ang breastfeeding kahit kumakain na si baby ng solid food hanggang marating niya ang dalawang taong gulang.
Sakaling wala pang masyadong kaalaman kung ano pwede ipakain sa baby na 6 months at paano mag-prepare ng mga pagkaing iyon, gumawa na lang muna ng liquid puree. Ang ilan sa suhestiyon ni Dr. Tanya Altmann, isang pediatrician at spokesperson para sa AAP, ay gawing liquid puree ang avocado at green vegetables. May masusundan na recipes dito.
Frequently Asked Questions (FAQs) Tungkol sa Pagpapakain ng Solid Food sa 6-Month Old Baby
Paano kung ayaw kumain ng solid food ni baby?
May ilang posibleng dahilan kung tumanggi si baby kumain ng solid food, gaya ng:
- Development: Hindi pa sila handa sa pisikal o development na aspeto, o hindi pa sila interesado.
- Nag-ngingipin: Maraming baby ang nagsisimulang magkaroon ng ngipin pagdating ng anim na buwan, kaya't maaaring mas gusto nilang ngumuya ng bagay kaysa kumain.
- Constipation: Kung nahihirapang tumae si baby, maaaring hindi siya kumportable kumain.
- Pagod o distracted: Maaaring hindi maging interesado si baby kung siya ay pagod na o may ibang pinagkakaabalahan. Maaaring subukan muli kung siya ay nakapahinga na.
- Takot sa pagkain: May ilang baby na hindi pa kumportable kumain agad, kaya't breast milk o formula pa din ang kanilang pangunahing source ng nutrisyon hanggang sa isang taong gulang.
- Food intolerance: May ilang baby din na may food intolerance, o sensitibo sila sa ilang pagkain.
Ano ang gagawin kung may palatandaan ng allergy si baby sa solid food?
Kung makitaan ng ilang sintomas si baby ng allergy sa solid food, nararapat na tawagan ang iyong Pediatrician o dalhin siya sa pinakamalapit na pagamutan. Ang ilang sintomas ng allergy ay ang sumusunod:
- Hirap sa paghinga o wheezing
- Pamamaga ng mukha, labi, o dila
- Pagsusuka o pagtaae
- Pamumutla o pag-kukulay asul ng mukha o labi
- Panghihina
- Pamamaos ng boses
Ilang beses sa isang araw dapat pakainin ng solid food ang isang 6-buwang gulang na sanggol?
Ang baby na nasa edad anim hanggang walong buwan ay maaaring kumain ng kalahating cup ng solid food ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw.
Read here for the 'big eight' solid food recommendation from experts.