Close ba ang iyong mga anak? Hindi ba’t mas masarap sa pakiramdam kapag masasaya sila kapag magkakasama?
Kung ikaw ay bagong magulang, mahalagang tandaan na ang relasyon ng magkakapatid sa isa't isa ay mayroong importang papel sa kanilang sosyal, emosyonal, at kognitibong development.
Nakalulungkot isipin na hindi sa lahat ng tahanan ay may maayos na relasyon ang magkakapatid. Hindi laging nagkakasundo ang mga ito, malapit o malayo man ang edad sa isa't isa. Isa ang bullying sa magkakapatid sa mga isyung dapat pagtuunan ng pansin.
Sa tulong ng mga eksperto, sisikapin nating talakayin ang mga senyales, sanhi, at epekto ng pambubulas sa pagitan ng mga magkakapatid. Tutukuyin din natin ang mga paraan upang maiwasan ito tungo sa mas maayos at mapayapang environment sa loob ng mga tahanan.
Kapag ang bata ay may higit sa isang kuya o ate, mas mataas ang posibilidad na makaranas siya ng bullying o pambubulas. Karaniwang mga panganay at mga nakatatandang kapatid na lalaki ang perpetrators, ayon sa research na inilathala ng American Psychological Association.
Ano ba ang Sibling Bullying?
Ang pambubulas o bullying ay ang paulit-ulit at intensyonal na nakapipinsalang pag-uugali o behavior at pagtrato ng isang tao sa kanyang kapatid. Kasama rito ang power imbalance kung saan ang isa sa iyong mga anak ay nang-i-intimidate at nagpapahiya sa isa o sa dalawa o higit pa niyang mga kapatid.
“Sibling bullying is the most frequent form of family violence and it is often seen as a normal part of growing up by parents and health professionals, but there is increasing evidence that it can have long-term consequences, like increased loneliness, delinquency and mental health problems,” paliwanag ni Dieter Wolke, PhD, ng University of Warwick at co-author ng pananaliksik.
Sinuri nila ang data mula sa longitudinal study sa 6,838 British children na ipinanganak noong 1991 o 1992 at ang mga nanay ng mga ito. Inilagay rin sa iba't ibang kategorya ang mga bata: victims, bully victims (perpetrator at biktima), bullies o uninvolved. Na-publish ang kanilang papel sa Developmental Psychology.
Tandaang naiiba sa karaniwang conflicts o hindi pagkakasundo ng magkakapatid ang pambubulas o bullying. May pattern of behavior sa bullying na kinakikitaan ng sumusunod:
- physical aggression (pagsipa, pamamalo o panunulak)
- psychological abuse (pagsabi ng nakasasakit sa damdamin)
- verbal abuse (name-calling, panunukso, o pananakot)
- social manipulation (pagkakalat ng tsismis o maling impormasyon o pag-isolate sa kapatid)
- emotional torment (emotional distress, silent treatment, pagsisinungaling)
Hindi nakabubuti at hostile ang environment sa pamilya kapag may bullying sa magkakapatid. Nakaaapekto ito sa kabuuang development, o well-being ng mga bata, partikular na sa binubully na kapatid.
Sa mga resulta ng pananaliksik sa British na mga bata, 28% sa kanila ang involved sa sibling bullying. Psychological abuse ang pinakakaraniwang anyo ng bullying sa magkakapatid.
Majority sa mga batang ito ay bully victims, ibig sabihin nam-bully sila at na-bully rin.
Naniniwala sina Wolke at Dantchev na nangyayari ang pambubulas sa mas malalaking pamilya dahil nagiging limitado ang resources habang palaki nang palaki ang pamilya. Kasama sa hinahanap-hanap ng mga bata ang parental affection, atensyon, at basic na mga pangangailangang nagiging limitado kapag higit pa sa dalawa ang magkapatid.
Mayroon ding isinagawang pag-aaral sa China at nakatuon ito sa ugnayan ng family factors at bullying sa magkakapatid. Binigyang pansin dito ang kasarian sa konteksto ng kulturang Chinese. 6302 mga bata at adolescents na may at least isang kapatid sa nakaraang kalahating taon ang kasama sa pananaliksik. Ayon sa mga resulta nito, 486 ang biktima, 510 ang bullies, at nasa 831 ang bully-victims. Nasa 1,827 mga bata naman ang nakaranas o involved sa sibling bullying.
Nakita sa pag-aaral na may kaibahan ang karanasan ng mga babae sa mga lalaki. Nagkakapareho lamang sa parental absence ng parehong mga magulang. Parental son preference din ang dahilan ng ilan sa mga kaso.
May papel ding ginagampanan sa isyung ito ang parent–parent violence, parent–child violence, at ang pagkakaroon ng single parent. Sa huli, mahalaga talaga ang environment sa tahanan para mahubog ang relasyon ng magkakapatid sa isa't isa. Kailangang maisaayos ang ugnayan ng buong pamilya, lalo na sa mga magulang para maituwid ang problema sa bullying sa magkakapatid.
Nasa edad 9-18 ang mga batang kasama sa nasabing pananaliksik. 40% sa kanila ay iniwan na ng mga magulang. 15.6% ay walang ama. 4.4 % ay iniwan ng nanay. Nasa 20.5% naman ang walang mga magulang. Kasama rin sa pananaliksik ang bilang ng kanilang mga kapatid, edukasyon ng kanilang mga magulang, family socioeconomic status, family income, at parental behavior. Nasa 11.8% ng participants ang nakasaksi ng domestic violence, at 4.3% naman ang nakaranas ng parent–child violence sa nakaraang kalahating taon.
Sibling Rivalry versus Sibling Bullying
Naiiba rin ang sibling bullying sa karaniwang sibling rivalry. Para maging mas malinaw, narito ang senyales ng sibling rivalry:
- kompetisyon para sa atensyon
- pag-aagawan sa resources (pagkain, laruan, atbp)
- kompetisyon para sa parental approval
Mga Senyales
Pagdating sa bullying sa magkakapatid, narito naman ang karaniwang mga senyales:
- Hindi maipaliwanag na injuries o mga sugat
- Pagbabago sa eating at/o sleeping patterns
- Madalas na pananakit ng katawan o problema sa kalusugan
- Withdrawal o pag-iwas sa pagsama sa pamilya
- Biglaang pagbagsak ng mga marka sa paaralan
- Pagkakaroon ng anxiety o depression
- Takot o pag-iwas sa kapatid na nambu-bully
- Mababang self-esteem at self-worth
- Nahihirapang makipagkaibigan o makisama sa ibang mga tao
Makatutulong kung matutukoy ang mga nabanggit upang maagapan ang paglala ng problema.
Mga sanhi
Mahalagang maunawaan ang ugat ng pambubulas sa kapamilya. Dito kasi makabubuo ng epektibong intervention strategies. Ayon sa psychologists at mananaliksik, maraming salik na nagdudulot ng bullying sa magkakapatid.
Family Dynamics:
- Inconsistent parenting style
- Kakulangan ng gabay ng magulang
- Favoritism
Modeling Behavior:
- Exposure sa agresyon sa pamilya o suliranin sa paligid
- Paggaya sa mga napapanood sa media o sa nakikita sa mga kakilala
Selos at Kompetisyon:
- Sibling rivalry para sa atensyon, resources, o parental approval
- Pinaniniwalaang hindi pantay na pagtrato o pribilehiyo
Mga epekto ng bullying sa magkakapatid
Dahil repeated agression ang bullying, talagang malalim ang iniiwan nitong sugat. Ang constant exposure sa aggression ay makapagdaragdag din sa stress levels, anxiety, at higit na mababang kumpiyansa sarili. Maaaring ma-internalize nila ang negativity na naranasan at dadalhin na ito hanggang sa kanilang pagtanda.
Ilan pa sa epekto ng bullying sa magkakapatid ang sumusunod:
- Trust issues
- Social withdrawal
- Hirap sa pakikisalamuha sa ibang tao
- Agresibong behavior
- Hirap sa pagproseso sa mga emosyon
Depression, anxiety disorders, at post-traumatic stress disorder (PTSD) ang ilan din sa posibleng danasin ng mga batang biktima nito.
Ang ibang mga bata ay nagiging bully din sa labas ng tahanan.
Pangmatagalan ang epekto sa mental at emosyonal na aspekto. Tandaang maaari ding tumagal ang hindi pagkakasundo at paglayo sa isa't isa hanggang sa pagtanda ng magkakapatid.
Paano maiiwasan ang sibling bullying?
Sa mga magulang magsisimula ang pagsiguro na maayos ang magiging relasyon ng magkakapatid.
Narito ang ilang estratehiyang maaaring sundin:
- Magtakda ng malinaw na expectations o mga inaasahan.
Makatutulong ang pagkakaroon ng malinaw na family rules na kinabibilangan ng pag-iwas sa agresibong behavior. Ipaliwanag sa mga anak ang kahalagahan ng mutual respect at pagiging mabuti sa mga kapatid
- Hikayatin ang magkakapatid na maging bukas sa isa't isa.
Ipaliwanag sa kanila na makatutulong ang maayos na pag-uusap kaysa agresyon
- Ipakita ang positibong pag-uugali na maaari nilang gawing huwaran.
Makatutulong ang maayos na conflict resolution at komunikasyon sa pamilya. Iwasan ang favoritism at sikaping pantay-pantay ang turing sa magkakapatid upang maiwasan ang inggit at selos
- Bigyan sila ng pagkakataong mag-bonding bilang magkakapatid.
Hikayatin ang mga anak na maglaan ng oras para sa isa't isa. Kailangan ng kooperasyon at teamwork para makabuo sila ng magandang proyekto, halimbawa. O kaya maglaro sila, manood ng paborito ninyong mga palabas, o mamasyal para mapagtibay ang kanilang ugnayan sa isa't isa.
- Maglaan ng Indibidwal na Atensyon
Siguruhing magbigay ng one-on-one na oras sa bawat anak. Bigyang pansin at
pahalagahan ang unique qualities at achievements ng iyong anak
Malaking bagay kapag habang maaga pa, alerto ang mga magulang upang makita ang mga sintomas ng bullying sa magkakapatid. Humingi ng professional help kung kailangan, katulad ng family counseling o therapy.
Talagang susubukin ang iyong pasensya at pang-unawa kapag higit sa isa ang iyong mga anak. Mainam kung handa ka at alam mo ang mga bagay tulad nito para matulungan silang makabuo ng matatag na relasyon sa isa't isa.
Bukod sa limitadong resources, mahalaga ring maayos ang relasyon ng mga magulang sa isa’t isa at maayos ang pakikitungo sa kanilang mga anak. Hindi lamang ito makabubuti para sa bawat indibidwal na bata kundi para na rin sa ikasasaya at ikagaganda ng relasyon ng buong pamilya.
Alamin dito ang mga aklat na makatutulong para mapag-usapan ng inyong pamilya ang tungkol sa bullying sa magkakapatid.